Filtered By: Topstories
News

Mga babaeng senador, tutol sa pagpapalabas ng ‘De Lima video’


Tinutulan ng mga babaeng senador ang mungkaheng pagpapalabas sa umano'y sex video ni Sen. Leila de Lima sa isang public committee hearing ng House of Representatives.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros—partymate ni De Lima—ang pagpapalabas ng video ay “clearly a case of misogyny.”

Tinawag pa ni Hontiveros ang panukala na "contemptible" (nakasusuklam).

“It is terrible. I don't see how the showing of fake sex videos will promote the interest of truth and justice,” giit ng bagitong senadora.

Pero wala naman umanong masama sa pagpapalabas ng umano'y sex video nina De Lima at ang dati raw na driver-boyfriend nitong si Ronnie Dayan sa pagdinig ng Kamara sa umano'y illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).

Giit ni Alvarez, dapat ipalabas ang video kung makatutulong ito na mapatunayang may personal na relasyon si De Lima sa mga taong maaaring kasabwat sa bentahan ng droga sa NBP.

Nagpahayag naman ng agam-agam si Senator Grace Poe at sinabing ang pagpapalabas ng video ay maaaring maging paglabag sa Republic Act 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

“It will serve no legal and practical purpose as the law makes such unlawful act of showing inadmissible in evidence in any judicial, quasi judicial, legislative or administrative hearing or investigation,” giit ni Poe.

Nauna nang sinabi ni De Lima na walang ganyang video, at hindi rin umano totoo na nagkaroon siya ng relasyon kay Dayan.

Ayon naman kay Senator Nancy Binay, dapat hindi makikialam ang Kongreso sa personal na buhay ni De Lima, at bukod pa dito “below the belt” na umano ang mga akusasyon.

“‘Yung iba naman below the belt. Kung tutuusin, ano ba pakialam natin sa love life niya?” ani Binay.

Pinaalalahanan naman ni Senate President Aquilino Pimentel III ang mga mambabatas sa Kamara na magiging “sensitive” kung itutuloy nila ang showing ng video.

“As Senate President, a reminder to all fellow legislators and lawmakers to be responsible for our actions, be sensitive to the sensibilities, feelings and the effect of our actions on the reputation of our fellow legislator,” pahayag ni Pimentel.

“But if they should do some reckless action, be ready to pay the political price,” dagdag niya. —LBG, GMA News