Filtered by: Topstories
News

Transcript of speech by SC Chief Justice Corona on 1st day of impeachment trial: 'Wala na pong atrasan'


Magandang umaga po sa inyong lahat. Manalangin po tayo sa Poong Maykapal na maliwanagan ang buong sambayanan na ako po ay walang sala. Sa pamamagitan ng aking sagot sa Articles of Impeachment, napatunayan ko po na walang basehan at walang katotohanan ang pilit na binibintang sa akin ng nasabing Articles of Impeachment. 
 
Unang-una, ang mga kongresistang lumagda rito ay imposibleng nabasa at naintindihan itong mga Articles of Impeachment na minadaling ipinadala sa Senado. Itong mga kongresistang ito ay tatanungin namin at aalamin tungkol sa prosesong nakatakda sa Konstitusyon kung ito ay nasunod nga ba. 
 
Susunod, mga questions of law lamang ang nakahayag sa mga Articles of Impeachment, kaya walang ebidensya silang inihayag at maaaring ihayag. Dahil sa napakahina ng kasong iniharap nila sa Senado laban sa akin, sila ngayon ay umaamin na hindi nila kaya akong mapa-convict sa impeachment court. Kaya ngayon, nasa kalsada na ang kanilang laban. Nasa presscon, nasa radyo, nasa telebisyon, pahayagan, Internet at mga nilalangaw na rally na kanilang paninira sa akin.
 
I love you, too.
 
Hindi na nila nirerespeto ang mga senador sa impeachment court. Maraming batas ang nilabag nila sa kagustuhan nila akong mag-resign na lamang. Wala nang magawa kung hindi ako'y takutin nang takutin.
 
Ako raw ay hadlang. Tama. Malaki akong hadlang sa mga nagnanais na hindi matuloy ang pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Malaki din akong hadlang sa isang nagmamadaling maging bise presidente ngunit talo noong 2010. At huwag na tayong lumayo, at malaki din akong hadlang sa isa ng matagal nang nag-aambisyon maging Chief Justice. Sila pong tatlo ang nagsasabwatan upang ako ay mapatalsik sa pwesto. I love you, too. At higit sa lahat, malaki akong hadlang sa pagtatag ng isang diktatura. 
 
Pati ba naman ang pinaghirapan kong doctorate in civil law na nakamit ko sa UST, tila ay kinaiinggitan. Ang UST ay ang pinakamatandang pamantasan sa Pilipinas na napakagaling at napakataas ng pamantayan. Ang hirap makatapos dito ng isang kurso dahil sa dami ng kailangang matutunan. Noong hindi tumalab ang paninira nila sa aking doctorate in Civil Law, naghanap na naman sila ng bagong ibabato sa akin. 
 
Naglabas sila ng listahan na galing sa Land Registration Authority na 45 titulo daw ang aking pag-aari. Naniniwala ba kayo dito? Malaking kasinungalingan itong ginawa nilang ito. Iisa-isahin natin ang listahang ito upang mapatunayan kong hindi po sa akin ang karamihan dito. Ang akin po ay lima po lamang. Nag-iimbento at nagsisinungaling upang pilitin akong mag-resign bilang punong mahistrado. 
 
Isa isahin po natin. Number 1: TCT  85716. Ito po ay akin at nakalagay sa aking SALN. At napakaliit po nitong ari-arian na ito para pag-interesan sapagkat ito po ay 48 square meters lamang. Nakakahiya nga hong aminin sa inyo.
 
Number 2: TCT 58543 sa pangalan ng isang Rosenda Castillo. Hindi ko po kilala itong taong ito. Mayroong isa pa, TCT 85804, ‘yung number 10 na minana ng aking maybahay sa kaniyang magulang noong araw pa. Binigay sa kanya matagal na. Ito po ay ang covered nito ay 1750 square meter sa Marikina na malapit doon sa St. Scholastica sa Marikina. Ito po ay payo ng aming broker noon para mas mataas ang pagbenta, isa-subdivide namin into 7 lots of 150 square meters each. Ito po ay one and the same, kung hindi nilista nila number 3 to number 10, ito po ay iisang property lamang. 
 
At hindi lang po iyan, alam na alam ng LRA na binenta namin ito noong 1988 pa sa isang nagngangalang Demetrio Vicente. Number 11: TCT 5582, inaamin ko ito ay amin at ito’y binili namin sa sariling pawis at pagtrabaho namin, kasama diyan ang number 20 na TCT 8777. Pati titulo ng developer, nilagay dito. Ang 12, 13, 14, 15, iisa lang po ang condo na ‘yan at iyan ay amin, fruit of our labors at pinaghirapan namin iyan. Nakalagay sa aking SALN. Nilagay din dito bakit po sadyang pinapahaba ang listahan to give a false impression na napakarami po ang aking ari-arian. 
 
Yung number 16, 17, 18, ‘yun po ang title ng developer bago ibenta sa amin. Inilagay pa rin dito. Ito pong number 21 at 22, iisang lote ito. TCT 2093, ito ay 200 square meters lamang at ito ay binili ng aking bunsong anak who is a successful physical therapist in the US. At bakit naman po hindi makabili ang aking anak ng 200 square meters? 
 
Itong 23 at 24, again iisang lote lang ito, dinouble count lamang kasi nung namatay ‘yung magulang, ‘yung mga biyenan ko, meron silang isang lote sa QC na ipinamahagi sa kanilang 8 anak, isa na ang aking misis. Kaya ‘yung titulo po na sinasabi nilang number 23 ay pag-aari ng 8 magkakapatid kaya 1/8 lang po ang aking sa misis. Pero pinapalabas dito na sa amin lamang ‘yun. Pero ‘yung titulo na pinanggalingan, na titulo ng aking mga biyenan, hindi pa rin kinansel at inilagay pa rin dito para pahabain ang listahan. 
 
Number 25 and 26 again pertain to one and the same lot na binenta na namin po nung 2010, pero pilit na pinalalabas na kuno ay nasa pangalan pa raw namin. Hindi po totoo ‘yan, kasi iyan ay nabenta na. Number 27: TCT 201007280 sa pangalan ng isang Erlinda Castillo, hindi ko po kilala itong si Erlinda Castillo. Hindi ko alam kung bakit nilagay rito. 
 
Itong 28 at 29, ito po ay nasa SALN ko noon pero wala na po sa SALN ko ngayon sapagkat naibenta namin ito noong 2010 pero pilit na nilagay dito, pampahaba ng listahan. 30: TCT 154400. Ito po ay hindi akin, ito po ay sa aking balae. Wala po akong alam sa mga ari-arian ng aking balae. Hindi ko po alam ‘yun. 
 
‘Yung 31 sa TCT 239406 at nagngangalang Constantino Del Castillo, hindi ko po kilala itong si Del Castillong ito. 32, nagngangalan na namang del Castillo, hindi ko po kilala ‘yung Del Castillong ‘yun. 33, TCT 106747 in the name of National Housing Authority. Pati ba naman po ‘yun kinarga sa kin? 
 
34 at 35 again pertain to one and the same condominium na 62 square meters lamang po doon sa Loyola Heights. ‘Yun ay matagal na naming binigay ‘yun sa anak naming lalaki. Doon siya nakatira. Pati ‘yung original title ng condominium developer, nilagay pa rin dito. Number 36 TCT 62651 sa nagngangalang Constantino Castillo at Feliza Castillo. Ito po ang matagal nang patay na magulang ng aking balae, eh bakit pati ba naman ‘yun ay kinarga sa akin? Magulang ng aking balae.
 
Number 37: TCT 327732, ito po ay pag-aari ng aking son-in-law who is a very successful doctor in Asian Hospital at sa Medical City. Wala akong alam diyan, hindi po akin ‘yan. Number 38: TCT 125683 ‘yun po ay nasa pangalan ng certain Bahar, Myrla Bahar at Generoso Bahar at sold to my balae. Sa balae ko po ito, hindi po akin ito. 39 at 40 ay pag aari ng aking son-in-law. Hindi ko po alam ‘yun at wala akong pakialam doon. Sa kanya po iyon at kaya naman niyang bilhin ‘yun kasi siya'y very successful doctor. 
 
41 and 42, one and the same property again, nilista ng 2 beses. Kasi ito po ‘yung bahay ko ngayong tinitirhan na minana ko sa aking magulang. Pati ‘yung titulo na kanselado na ng aking nanay, nilagay pa rin dito kaya naging dalawa ito. 43: TCT 84242, ‘yun po ang bahay ng aking balae. Baka magalit na po sa akin nilista sa pangalan ko.
 
No. 44 TCT 84241 in the name of Ismael Mathay Jr et al. Eh hindi naman siguro ako kamukha ni Ismael Mathay Jr. 45, 45 TCT 141891, ‘yun po ang karugtong ng aking bahay galing naman sa aking magulang din. Kaya sa lahat pong ito, 45 ang nilista dito, lilima lang po ang amin dito.
 
Kahapon po ang sabi nila mayroon daw pong anomalya sa isang World Bank project para sa Supreme Court. Mahigit isang dekada na po ang hindi nila sinabi sa publiko. Napakalaking panlilinlang ay nangyari po ito noong kapanahunang bago ako naging Chief Justice. Hindi po ako ang may responsibilidad dito. Naganap ito hindi pa ako Chief Justice. Ang iba naman nito ay mapapaliwanag ni Judge Geraldine Ekong ng PMO na siya ang namamahala nito sa mga pondong ito. Mahigit isang dekada na po itong World Bank project na ito. Ako naman po ay iisang taon at kalahati pa lamang bilang punong mahistrado. 
 
Ano kaya ang kasalanan ko dito sa binibintang na ito sa akin? Sa kabilang dako po nandiyan kayong lahat. Hindi ko po talagang inaasahan na hahantong sa ganito ang pagtanggap ko sa hamon bilang punong mahistrado ng Korte Suprema. Ako po naman ay walang ibang hangarin kundi makapaglingkod nang tapat, mapatakbo nang maganda ang hustisya at mapabuti ang kalagayan ng mga huwes at kawani ng hudikatura. 
 
Gayunpaman, lubos po ang pasasalamat ko at pasasalamat din ng pamilya Corona sa inyong lahat sa patuloy niyong suporta at pagtaguyod sa isang malayang Korte Suprema at isang malayang hudikatura. 
 
Kayo po kasama ng aking pamilya at ang mga pagpapahayag ninyo ng tulong at suporta ang siyang nagpapalakas ng aking loob. Uulitin ko po ang nasabi ko na nung Disyembre 14, wala po akong kasalanan sa pangulo. Wala po akong kasalanan sa taong bayan. Wala po akong ninakaw kahit kanino man. Lahat po ng paratang nila ay kathang-isip lamang nila. Marahil upang may mapagbalingan ng kanilang mga kakulangan. 
 
Ang lahat po ng mga paratang sa akin ay napatunayan ko sa aking sagot na walang basehan. Malaki po ang tiwala ko sa Senado at malakas ang aking pag-asa na ako po ay mapapawalang sala sa lalong madaling panahon. Ako po ay nagsusumamo sa inyong lahat na ituloy natin ang laban na ito para sa Korte Suprema, para sa hudikatura, para sa rule of law at para sa isang malayang bansa.
 
Ito pong labang ito ay hindi na para sa akin, at hindi na para sa pamilya ko. Kung para lang sa amin, marahil noon pa ay nagbitiw na ako sa tungkulin. Ayaw ko man pong ilagay ang aking sarili at pamilya sa kapahamakan, ay wala na po akong magagawa kung kaya't itinataya ko na po ang lahat dito sa laban na ito—ang aking pamilya, ang aking pangalan, ang aking katauhan, ang aking karangalan at dignidad sa laban na ito.
 
Wala na pong atrasan.
 
Ito pong laban na ito ay naging malaki na kaysa sa akin at sa aking pamilya. Tunay pong makalas at maimpluwensiya ang ating mga kalaban. Ginagamit po nila ang iba't-ibang ahensiya ng gobyerno upang kami ay apihin, gipitin at pahirapan. Sinimulan na po ng LRA na nasa ilalim ng DOJ, na siyang nagpalabas ng huwad at palsipikadong listahan na kami daw ay may 45 na lupain. Hindi po totoo ‘yan gaya ng nasabi ko. Marami doon ay hindi sa amin, sa pag-aari ng ‘di ko man kilala. Ang iba naman po ay sa mga balae ko.
 
Iyan po ang sinasabing daang matuwid. Iyan din po ang sumisira sa ating mga institusyon ng demokrasya. Sa gayong dahilan dapat po nating patuloy na tutulan ang paghahari-harian nila sa hudikatura at sa Kongreso. Ipagtanggol natin ang Senado. Panatilihin po nating malaya at balansiyado ang tatlong magkapantay-pantay na sangay ng gobiyerno.
 
Bago po ako magtapos, nais ko rin pong pasalamatan ang aking defense team led by Justice Cuevas. Maliban po sa sila ay magaling, matatapang at tapat sa tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas. Marami pong salamat sa inyong lahat....I love you all. Speech given by Supreme Court Chief Justice Renato Corona at the Supreme Court grounds after the flag-raising ceremony on Jan. 16, 2012, hours before his impeachment trial started at the Senate.
More Videos