Filtered By: Topstories
News

Pagnanakaw sa bigasan sa Commonwealth, nahagip ng CCTV


Nahagip ng CCTV ang pagnanakaw ng cellphone sa isang bigasan sa Barangay Commonwealth sa Quezon City.

Kita pa nanapadaan ang suspek sa mga rumurondang tanod habang papatakas.

Sa Exclusive report ni Cesar Apolinario nitong Huwebes, agad nilapitan ng lalaki ang bigasan nang makitang isa na lang ang bantay.

Tiyempo namang pumasok din ang kahera dahil may kinuhang paninda.

Dahil dito, mabilis na nakaporma ang suspek, sabay sikwat sa cellphone na nakapatong sa kaha.

Pahayag ng nanakawan na si Daisy Molina, "siguro po taga-diyan lang kasi po dire-diretso siya eh, kabisado niya kaagad. Alam niya po agad ang dudukutin."

Nagmadaling tumakas ang suspek matapos makuha ang cellphone na nagkakahalaga ng mahigit P10,000.

Dumaan pa siya sa harapan ng pick-up sakay ng mga nagrorondang tanod pero 'di siya napansin, saka pumasok sa katapat na palengke.

Saka lang nalaman na magnanakaw ang lalaki nang reviewhin ang CCTV.

"'Yung mismo kasing ninakawan, hindi niya namukhaan eh. Hindi naman natin nakita 'yung pangyayari na nakawan du'n sa kabila," pahayag ni Arman Viduya, Deputy EX-O ng Barangay Commonwealth, QC.

Posibleng baguhan lang daw sa lugar o taga-kabilang barangay ang suspek.

Nilagyan na ng may-ari ng bigasan ng screen ang grills kung saan nakalagay ang kaha dahil nadala na siya sa nangyari.

"Talagang dapat gawin natin, ingatan natin 'yung mga gamit natin. Kasi 'yung mga magnanakaw na 'yan, tyumitiyempo talaga. 'Pag nagkaroon ng pagkakataon, du'n papasok 'yan," dagdag ni Viduya. —NB, GMA News