TINDOG
Leyte, Matapos ang Yolanda

TINDOG | Leyte, Matapos ang Yolanda

Nina Meg Pamiloza, Darlene Cay at ng GMA News Special Assignments Team

TACLOBAN CITY – Matagal nang natuyo ang mga patak ng ulan na dala ng Super Typhoon Yolanda (international code name: Haiyan). Pero humupa man ang baha at daluyong, may naiwang mga bakas si Yolanda na hindi pa nabubura makalipas ang isang taon.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot ng 6,300 katao ang nasawi nang humagupit si Yolanda noong Nob. 8, 2013.

Para sa mga residenteng nakaligtas, patuloy silang naghahanap ng kapanatagan ng loob habang pilit na bumabangon mula sa unos na nagdaan.


Tagpi-tagping pangarap

May mga kasama sa biyahe ng pagbangon ang 46-anyos na si Leonila Dabucol, isang dating tindera ng ulam sa Tacloban City.

Kabilang si Leonila sa Rags-to-Riches Women’s Organization, isang samahan ng mahigit 30 babae na namumuhay sa pagtatahi at pagbebenta ng mga basahan. De kamay na hinahabi nina Leonila ang tela mula sa mga donasyong damit na hindi na maaaring isuot.

Lahat sila’y may kani-kaniyang kwento ng pagsubok at pighati dahil sa bagyong Yolanda. Pero gaya ng mga piraso ng tela na kanilang pinagtatagpi, sila’y napagbibigkis ngayon ng kanilang pagpupursiging makapagsimula muli.

“Hanggang mayroon pong mga nagdo-donate ng mga tira-tirang damit, patuloy pa rin po kaming gagawa. Kahit paano, kumikita naman kami kahit kaunti,” sabi ni Leonila, na nawalan ng tirahan noong kasagsagan ng bagyo.

Magkaka-kapitbahay ang mga miyembro ng Rags-to-Riches sa Barangay 66-A, isang lugar na idineklara ng gobyerno bilang isang danger zone.

Gaya ng iba pang residente sa lugar, tagpi-tagping kahoy at yero ang kasalukuyang tirahan ni Leonila. Naroon pa rin ang kaba sa kanyang isipan na baka dumating ang araw na mawalan muli ng masisilungan ang kanyang pamilya.

“Yun ang pinakamahirap. Kapag marinig pa lang namin na mayroon na namang bagyo, kahit sabihin lang na signal number 2, nangangatog na mga tuhod namin,” ani Leonila.

Kung may pagkakataon lang daw, titira sa ibang lugar si Leonila. Habang hinihintay na dumating ang araw na iyon, tuloy lang siya at kanyang mga kasamahan sa pagtatahi, dahil alam nila na nasa kanilang mga kamay din ang pagsasakatuparan ng mas magandang kinabukasan.






Leyte: Isang taon ng pagbangon

Tunghayan ang mga imahe ng pagkawasak (sa kaliwa) at ang pagbangon (sa kanan) matapos ang Super Typhoon Yolanda.


Tacloban Domestic Airport


Muling pagtayo

Martilyo, pako, at lagari naman ang gamit ni Dolores Lagu, 44, para gumawa ng bagong simula.

Trainee si Dolores para sa isang proyektong naglalayong magpatayo ng mga bahay para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Para kumita ng halagang 260 piso sa isang araw, nag-aral si Dolores ng pagkakarpintero upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang 11 anak. Pero higit pa rito aniya, minabuti niyang pasukin ang ganitong propesyon dahil nais niyang makatulong sa kanyang dating mga kabarangay.

"Magaan sa loob [ko habang nagta-trabaho ako rito]. Para din ma-save sila doon, dahil danger zone sa Barangay 88," ani Dolores, isang dating traffic management volunteer sa City Hall.

Alam ni Dolores kung gaano kasakit mawalan ng tirahan at ari-arian. Napaluha si Dolores nang ikwento ang sinapit niya at ng kanyang pamilya noong manalasa ang bagyong Yolanda.

Aniya, "Hindi nga sukat akalain ng asawa ko na mabubuhay pa ako dahil malakas ang agos ng dagat. Pagkakita niya sa akin, parang umaliwalas ang mukha niya.”

Halos 490,000 na mga bahay ang tuluyang nawasak dahil sa Yolanda, base sa huling ulat ng NDRRMC.

Pero noong Hulyo – walong buwan matapos ang bagyo – 2,721 pa lang na mga bahay ang nabubuo habang 285 ang tinatayang matatapos na, ayon sa datos ng Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR). Marami pang pamilya na nananatili sa mga danger zone. Marami pa ring nakatira sa mga tent at makeshift shelters.

Ayon sa OPARR, mahirap pang makahanap ng lupang pagtatayuan ng mga permanenteng tirahan dahil kailangan pa raw magsagawa ng geo-hazard mapping na tutukoy ng mga ligtas na lugar.

Para naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), walang pag-aaring lupa ang lokal na paaralan na may sapat na laki para sa itatayong komunidad. Nagsisilbi raw hamon ang paghahanap ng lupa mula sa pribadong sektor.

Sa tulong ng isang organisasyon, pinalad si Dolores na mailipat ang kanilang pamilya sa bagong tahanan sa mas ligtas na lugar.

Upang maibalik ang kabutihang-loob na ito, nagsisipag si Dolores na tulungan ang kanyang mga kababayan na tumayong muli.


Bagong binhi

Hindi kalayuan sa Tacloban, umaasa ng magandang ani ang ilang residente sa bayan ng Palo.

Nagbubungkal ng lupa si Susana Tapitan, 47, gamit ang Sloping Agricultural Land Technology na turo ng isang international organization. Bukod sa mas angkop sa lupa ng kanilang lugar, pinatitibay ng ganitong uri ng agrikultura ang mga pananim laban sa mga landslide at malalakas na pag-ulan.

Pinadapa nang husto ng bagyong Yolanda ang kabuhayan sa Palo. Nawasak ang lahat ng mga puno ng niyog na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan roon.

"Masama ang loob namin …Kasi 'yung mga anak ko na nag-aaral, apat. Wala kaming makuhanan. Walang wala po talaga. Parang masama talaga. Hindi naman kagustuhan ng kalikasan 'yun. Kaso lang, anong magagawa namin?" tanong ni Susana.

Ayon sa Department of Agriculture, 31.1 bilyung piso ang pinsalang natamo ng sektor ng agrikultura dahil sa bagyong Yolanda. Pinakamalubhang tinamaan ang coconut industry. Tinatayang mula anim hanggang 10 taon pa bago magbunga ang mga bagong tanim na puno ng niyog.

Umaasa ang mga tulad ni Susana na magbubunga ang kanilang pagsasaka ngayon ng isang bukas na malayo sa matinding gutom at mas handa para sa mga pagsubok ng kalikasan.

"Malaking tulong po ito kasi kung sakaling may dumating na ganoong bagyo ulit, magagawa namin ang itinuro sa amin," ani Susana.

TOP VIEW OF TACLOBAN TENT CITY
TOP VIEW OF TACLOBAN TENT CITY
RESIDENT OF TENT CITY IN TACLOBAN
TACLOBAN RESIDENT FIXING HIS HOUSE 1
TACLOBAN RESIDENT FIXING HIS HOUSE 2
TACLOBAN BUSINESS
PEDICAB IN TACLOBAN
TACLOBAN CHILDREN PLAYING 2
CHILDREN PLAYING 2
CARPENTER BUILDING SHELTER IN TACLOBAN
TACLOBAN CHILDREN GOING TO SCHOOL
FARMER CS IN PALO, LEYTE


Pag-asang aanihin

Bagamat tumatak sa isipan nina Susana at ibang residente ang trahedyang iniwan ng bagyong Yolanda, nagagawa na nilang kumilos tungo sa isang bagong umaga.

"Kampante na po ako. Kasi gaya po ngayon dito, mayroon na po kaming livelihood. Nakaka-continue na po kami ng kabuhayan namin," ani Susana.

Sa bawat punla na kanilang ibinabaon sa lupa, mistulang nagtatanim sila ng mga binhi ng pag-asa.

Nang tanungin kung nakakaahon na ba sila sa Palo, sumisibol ang pag-asa sa sagot ni Susana: "Opo. Unti-unti po."




TINDOG | Leyte, Matapos ang Yolanda

Produksyon ng GMA News Special Assignments Team

Ulat nina Meg Pamiloza, Darlene Cay at ng GMA News Special Assignments Team
Editing nina Deo Bugaoisan at Val Veneracion
Reporter para sa telebisyon: Pia Arcangel
Graphic design ni Roma Aquino
Videography nina Juin Soho at Melgazar Estrella
Photography nina Meg Pamiloza at Melgazar Estrella

Sa pakikipagtulungan ng:

GMA New Media Inc.
Web Development Team

GMA Network, Inc.
Quezon City, Philippines
Nobyembre 2014