FINDING FUR BABIES

Si Bantay, Kailangan Ding Bantayan

Tinaguriang man's best friend, higit pa sa pagiging bantay at stress-reliever ang hatid ng mga aso sa mga tao. Dahil loyal, maaasahan at mapagmahal, anak o miyembro na rin ng pamilya ang turing ng maraming dog owner sa kanilang fur babies. Kaya kapag nawala ang kaniyang alaga, matinding kalungkutan ang nararamdaman ng mga fur parent.

By JAMIL SANTOS
February 4, 2021

Nahaluan ng lungkot ang kasal nina Charles at Mariah Liana Jimenez noong Setyembre nang mawala ang kanilang alagang Shih Tzu na si Bailey, isang linggo bago ang kanilang pag-iisang dibdib sa Las Piñas City.

Sa nakalipas na halos dalawang tao, palaging nasa Boracay ang dalawa kung saan sila nagtatrabaho. Pero dahil sa COVID-19 pandemic, napilitan silang umuwi noong Marso at nagkaroon ng panahon na makasama ang kanilang fur baby na si Bailey, tatlong taong gulang.

Habang inaasikaso ang kanilang kasal, nakalabas ng gate ng bahay si Bailey noong September 7, tumakbo sa kalye at dinampot ng lalaking nakamotorsiklo.

“Pinilit niyang (Bailey) buksan ‘yung gate eh, siguro natakot sa kulog (umaambon noon) tapos lumabas siya. Nakita siya nu’ng pamangkin namin, dalawa silang aso naming lumabas. ‘Yung isa nakuha niya (pamangkin) tapos si Bailey kinuha nu’ng nakamotor, hindi na niya naabutan,” kuwento ni Charles.

Ayon kay Charles, huling nakita si Bailey sa isang automotive shop sa harap ng University of Perpetual Help System DALTA alas-singko ng hapon.

“Iniisip namin lahat naman kami inaalagaan siya. Tapos nangyari na lang ‘yun kasi aksidente. Mahilig talagang lumabas ang aso, ‘di ba? Na-excite siya eh. ‘Pag siya lumalabas, excited siya lagi kaya nu’ng mag-isa siyang nakalabas, ayun, akala niya siguro andu’n kami kaya nagtatatakbo siya,” sabi pa ni Charles.

Patuloy pa rin ang paghahanap ni Charles at Mariah Liana Jimenez sa nawawalang aso na si Bailey.

Nag-aalala rin si Charles para sa kaniyang alaga, lalo’t sadyang kinuha ng taong nakamotorsiklo ang pinakamamahal na alaga.

“Siyempre hindi natin alam kung ano ‘yung ugali ng makakakuha, makakabili o kaya kung saan siya ngayon. Kasi malamang baka ibinenta siya sa iba eh kaya siya ninakaw,” malungkot na sabi Charles.

Kaya para kay Charles, “Wrong timing lang talaga nu’ng nanakaw siya.”

Gayunman, hindi sila nawawalan ng kaniyang asawang si Mariah na makikita pa rin nila si Bailey balang araw.

“Ang ginagawa namin tuwing nasa labas kami, kung namamasyal, tumitingin kami sa mga madadaanan naming bahay tapos ‘yung mga asong nakakasalubong namin tinitingnan namin kasi baka isang beses si Bailey ‘yun, matiyempuhan. Araw-araw, iniisip mo pa rin na baka si Bailey makita o kaya may makakuha na kakilala,” sabi ni Charles.

Patuloy ang paghahanap ni Biboy Cerebros sa kay Tati

‘Si Tati pa rin. Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa.’

Hindi rin inaasahan ni Biboy Cebreros ng Quezon City na mawawala ang alaga niyang si Tati, na kaniyang “buddy” at laging kasa-kasama sa airsoft games, matapos itong tumalon umano sa sasakyan nitong Nobyembre 22.

Katatapos lang noon ng laro nilang magkakaibigan sa Montalban Airsoft Game sa Rizal, ngunit nagpaiwan muna si Biboy sa site para mag-ayos pa ng mga gamit.

Pinasama na niya si Tati sa kaniyang mga kaibigan pabalik ng Quezon City. Isang L-300 van ang sasakyan ng mga kaibigan ni Biboy, kung saan ipinapuwesto nila si Tati sa likod kasama ang isa pang aso.

Ngunit pagbalik ng mga kaibigan ni Biboy sa Quezon City, hindi nila makita si Tati.

“Pagdating nila sa bahay, wala na raw si Tati. ‘Yun na, parang gumuho ‘yung mundo ko,” sabi ni Biboy.

Suspetsa ni Biboy, nalungkot ang kaniyang alaga kaya tumalon ito mula sa sasakyan.

“Si Tati ayaw ng walang tao, gusto palaging may tao, palagi ‘yung dumidikit sa tao (na kakilala niya). Nalungkot siya siguro sa likod, nakabukas ‘yung bintana. Kapagka-alis kami tapos sa likod lahat ng tao, ako sa harap, ako magda-drive, lilipat ‘yun, tatalon ‘yun bago umalis tapos pupunta sa akin,” kuwento ni Biboy.

Sumunod na araw nang magsimulang hanapin ni Biboy at ng kaniyang mga kaibigan si Tati.

“Ang iniisip ko na lang na napulot siya ng isang pet lover din, dog lover, inaalagaan lang siguro. Kasi nagpunta na rin kami sa mga dog pound, wala eh, wala talaga,” sabi ni Biboy.

Walong buwan nang alaga ni Biboy si Tati, na may lahing Shih Tzu. Hindi niya maiwasan na malungkot at mag-alala para kay Tati, na para niya na ring anak.

“I-describe ko lang na mas malala pa sa lahat ng mga naging girlfriend ko. Kasi si Tati talaga ‘yung iniiyakan mo tuwing umaga, tuwing gabi. Naaalala mo lahat ng bonding ba, ‘yung lambing ng aso,” sabi ni Biboy.

“Grabe ang bait ng asong ‘yon. Pagka malungkot ka, ramdam niya. Didikit siya sa’yo palagi, babangga-banggain ka. Parang ‘Hoy nandito lang ako,’ parang ganu’n. Tapos pagka happy ka, haharutin ka rin niyan. Kaya sobrang napakalaki ng nami-miss ko,” dagdag ni Biboy.

Pansamantala munang hindi kukuha si Biboy ng panibagong aso, dahil hindi niya kayang ipagpapalit si Tati.

“Si Tati pa rin. Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Sana makita ko pa rin,” sabi ni Biboy.

Naging madamdamin ang muling pagkikita ni Rustico at ng aso niyang si Coco.

‘Rewards encourage pet-napping.’

Nitong Oktubre, nag-viral ang video ng fur parent na si Rustico Samson matapos na mahanap niya ang alaga niyang si Coco na tatlong buwan nang nawawala.

Sa tulong ng mga kaibigan, natagpuan ni Rustico si Coco sa isang parking lot ng isang mall sa Taguig City.

Pinasalamatan naman ni Rustico ang mga tao na nag-alaga kay Coco sa mga panahon na wala ito sa piling ng kaniyang amo.

Hinihikayat ng animal welfare group na Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na kung sa tingin ng mga owner na ninakaw ang kanilang mga alaga, ipagbigay-alam agad ito sa kapulisan o sa barangay.

“If you suspect your pet has been stolen, report this to the police/barangay immediately,” paalala nito sa publiko.

Kung nawala naman ang alagang aso dahil ito’y nakatakbo o nakatakas, suriin ang mga dog pound dahil maaaring dito sila dinala ng mga awtoridad, alinsunod sa Republic Act 9482 o “Anti-Rabies Act of 2007.”

Inilahad sa Section 5 ng Anti-Rabies Act of 2007 ang ilan sa mga responsibilidad ng mga pet owner, tulad ng:

(b) Submit their Dogs for mandatory registration.

(c) Maintain control over their Dog and not allow it to roam the streets or any Public Place without a leash.

(d) Be a responsible Owner by providing their Dog with proper grooming, adequate food and clean shelter

Kung kaya nakasaad sa Section 9.1. din ng R.A. 9482 na ang anumang “unregistered, stray or unvaccinated” na aso ay dadalhin sa dog pound.

Sa Section 9.2 naman, idinetalye ang gagawin sa unregistered na aso na hindi nakuha sa dog pound matapos ang tatlong araw.

(2) Impounded Dogs not claimed after three days from the Dog Pound shall be placed for adoption to qualified persons, with the assistance of an animal welfare NGO, when feasible, or otherwise disposed of in any manner authorized, subject to the pertinent provisions of Republic Act No. 8485, otherwise known as the “Animal Welfare Act of 1998.”

Dahil sa pagkawala ng kanilang mga alagang hayop, marami sa mga dog owner ang nagbibigay ng pabuya sa sinomang makakakita o makakahanap sa mga ito. Kadalasan, isinasama nila sa kanilang mga poster o social media post ang halaga ng mga pabuya.

At dahil na rin sa pagmamahal sa kanilang aso, handa ang ilang owner na magbigay ng mga malalaking pabuya na umaabot ng P10,000 o higit pa.

Kung kaya naman hindi maiiwasan na magkaroon ng diskusyon tungkol sa pagbibigay ng mga pabuya. Ayon sa organisasyong Pet FBI sa Amerika, may ilang posibleng hindi magandang maidudulot ang paglalahad ng pabuya para sa mga nawawalang aso.

Isa na rito ang agresibong paghahabol ng mga tao sa aso, na hindi magandang istratehiya.

Bukod dito, may pangamba rin na makahihikayat ng “pet-napping” ang paglalagay ng mga pabuya. “Rewards encourage pet-napping. If you offer a reward you will be vulnerable to scammers. If someone finds your pet and refuses to return it without a reward – that is extortion and it is a criminal offense. You could file a police report,” saad ng Pet FBI.

Kung kaya pagdating sa pagre-report ng mga nawawalang aso, inilahad ng PAWS sa kanilang guidelines na “optional” lamang ang paglalagay ng pabuya.
 

Layon ng Lost and Found Dogs - Philippines group sa Facebook na tulungan ang mga fur parents na nawalan ng kanilang alaga.

‘Whenever I see posts of fur parents looking for their dogs or cats, I feel bad for them.’

Ibinahagi nina Biboy at Charles ang panawagan nila sa iba’t ibang grupo sa social media na tumutulong para mahanap ang mga nawawalang alagang hayop. Isa na rito ang Lost and Found Dogs - Philippines.

“When I started the page, the main purpose talaga is to have an avenue that will focus on posting dogs na nawawala or mga dogs na nakita. I personally haven’t lost any of my dogs but whenever I see posts of fur parents looking for their dogs or cats, I feel bad for them. And I can only imagine the feeling that they are going through,” sabi ni Karen Nicasio, isa sa mga admin ng Lost and Found Dogs - Philippines.

May mga miyembro na aabot sa 15,700 sa kasalukuyan, nasa 200 katao kada araw ang nagpo-post o share sa Lost and Found Dogs - Philippines tungkol sa mga nawawalang aso.

Isa sa mga hindi malilimutan ni Karen na kuwento ng muling pagkikita ng dog owner at ng alaga nito ay tungkol sa asong si Matthew, na dalawang taon na nawala.

Kuwento ng netizen na si Job Hambre Pernia, sumali siya sa grupo dahil may nakita siyang aso sa Makati City na tila matagal nang nawawala dahil sa haba ng mga balahibo nito. Bukod dito, pilay din ang isang paa sa likod ng aso.

Dahil abala si Job at hindi niya nabalikan ang aso sa araw ding iyon, kinunan na lang niya ng mga larawan ang aso saka nag-post nito sa grupo.

Ilang araw ang lumipas, nag-message kay Job ang isang Aiza Perfecto Alvarez na nagbabakasakaling ang alaga nitong si Matthew ang nakita ni Job.

Nang puntahan ni Aiza ang lugar, nakumpirma niyang ito nga ang kaniyang alaga.

“Mission accomplished!” naman para kay Job na nagsilbi siyang daan para muling makita ng isang dog owner ang nawawalang aso nito.

Ilang beses nang nawala ang alaga ni Rheamae Merciadez na si Nama, pero muli niya itong nakikita.

‘Huwag silang mapagod na hanapin ‘yung fur babies nila.’

Biyaya naman kung maituturing ni Rheamae Merciadez ng Rizal ang aso niyang si Nama, na tatlong beses nang nawala pero nakikita rin ito kalaunan sa bawat pagkakataon.

Pangatlong beses nang nawala ni Nama nitong Disyembre 1 ng ika-5 ng hapon.

Wala si Rheamae sa kanilang bahay noon nang tawagan siya ng kaniyang ina na nawawala ang kanilang alaga. Ayon kay Rheamae, posibleng natakot si Nama sa mga paputok kaya dinamba nito ang kanilang pinto.

“Siyempre natakot, nalungkot... Ang concern ko pa kasing isa noon, blue eyes na ‘yung isa niyang mata, eh medyo malabo na ‘yung paningin niya. So nalungkot lang ako tapos natakot ako noon kasi nga nag-aalala ako, baka mamaya nasagasaan siya or baka mamaya nasaktan na ng iba kasi nga medyo nakakatakot ang hitsura ni Nama.”

Masuwerte ang pamilya ni Rheamae dahil tiyempong kakilala ng kaniyang ina ang tao na nagpatuloy kay Nama sa kanilang bahay.

“Hindi sila natakot hawakan ‘yung aso ko. Kasi ang itsura ni Nama para siyang pitbull eh pero ang breed niya kasi is mix ng labrador at saka shih tzu. Pero ang itsura niya kasi parang pitbull eh. Ang una akala nila baboy damo raw. Maliit kasi siya na mataba eh,” kuwento ni Rheamae.

Nabawi nina Rheamae si Nama ika-9 ng gabi ng araw ding iyon.

“Noong na-confirm ko kay ate na nakapulot na siya nga sobrang tuwa ako nu’ng nalaman kong buti ando’n lang siya, kinupkop nga siya and mabait ‘yung nakapulot sa kaniya,” sabi ni Rheamae.

“Number one na lesson learned is ‘yun nga, make sure na i-double check talaga ‘yung pinto, lalo kung ‘yung dog is hindi naman siya sanay sa labas. ‘Yun talaga ‘yung pinaka-number one for me, make sure na naka-lock ‘yung pinto,” ani Rheamae tungkol sa kaniyang natutunan.

“Sa mga fireworks nga, talagang kailangan din i-comfort mo siya kasi kung hindi mo iko-comfort nga ‘yung alaga mo, ‘yung tendency noon is aalis sila ng bahay and saka sila magpapatakbo-takbo sa labas dahil stressed sila,” dagdag pa niya.

Payo ni Rheamae sa mga dog owner na nawawalan ng kanilang mga alaga: “Ang pinaka-message ko para sa kanila is huwag silang mapagod na hanapin ‘yung fur babies nila kasi possible nga na may nakapulot sa kanila, and huwag silang mawalan ng pag-asa.”

Masaya namang ibinahagi ni Rheamae sa Lost and Found Dogs - Philippines ang magandang balita ng muling pagbabalik ni Nama. 

Isang dog lover din ang nakakuha sa aso ni Cyndirella Manayan na si Cedie bago ito matagpuan.

‘Kapag sumuko sila sa paghahanap, mas hindi nila makikita’

Tulad ng aso ni Rheamae, mapalad ding napunta sa mabubuting kamay si Ceddie, alagang aso ni Cyndirella Manayan ng Antipolo, Rizal.

Nobyembre 15 nang mawala si Ceddie sa isang village sa Antipolo matapos na makalabas ng gate dahil sa takot nito sa sasakyan.

Hinabol pa ito ng kuya ni Cyndirella ngunit nagtatakbo si Ceddie sa highway, hanggang sa hindi na ito naabutan.

Doon na sila nagsimulang magpakalat ng mga larawan ni Ceddie sa online.

Noong mga panahong nawawala si Ceddie, may isang babaeng barker ng jeep ang nakakita rito.

“Siguro nagustuhan niya na ampunin kasi lumapit din sa kaniya, babae kasi. Tapos nagpaamo amo sa kaniya hanggang ‘yung barker ng jeep, sinakay na niya sa may tricyle, inuwi na sa kanila kaya hindi na nakita si Cedie doon sa may bandang Antipolo,” kuwento ni Cyndirella.

Tiyempong dog lover din ang barker na nakakuha kay Ceddie, na meron pang ibang inaalagaang mga aso. Kain daw nang kain si Ceddie nang kupkupin.

“Hindi na nga kasi ako makatulog. Pati ‘yung mama ko po sa ibang bansa. Iniiyakan ko lagi kasi mamaya, kumbaga wala na, naghahanap na ako sa wala, ‘yung parang kinatay na, ‘yun talaga ‘yung nasa isip ko eh. Wala sa isip ko na may ganu’n kabait, sobrang bait niya,” paglalarawan ni Cyndirella tungkol sa barker.

Nahanap ni Cyndirella si Ceddie matapos ang walong araw.

Dahil sa kaniyang karanasan, natuto rin si Cyndirella na laging siguruhing nakasara ang gate para hindi makalabas ang mga alagang aso.

Tulad ni Rheamae, payo rin si Cyndirella na huwag mawalan ng pag-asa ang mga dog owner na hinahanap ang kanilang mga alagang aso.

“Huwag lang silang mawalan ng pag-asa. Makikita at makikita din nila ‘yung aso nila. Kasi kapag sumuko sila sa paghahanap, mas hindi nila makikita kasi wala namang boses ‘yung aso na mahahanap nila ‘yung owner nila. Kaya kailangan talaga nilang sikapin na mahanap ‘yung mga babies nila,” sabi ni Cyndirella.