PAGHUBOG

Mga Kuwentong Bangsamoro

By ANNA FELICIA BAJO and DONA MAGSINO
Research by Emil Ar-Jay Palon
Social Media Production by Neil Digal
January 31, 2021

PRODUCED IN COOPERATION WITH

Mobirise

Ilang dekada ang binuno ng mga Bangsamoro sa pakikipag-negosasyon sa gobyerno upang mabigyan sila ng awtonomiyang pamunuan ang kanilang nasasakupan nang naaayon sa kanilang pananampalataya, kultura, at tradisyon.

Dalawang taon matapos maratipikahan ang Bangsamoro Organic Law at pormal na maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nasa proseso pa rin ng transisyon ang pamunuan at mga mamamayan sa rehiyon.

Ayon kay BARMM Chief Minister Ahod “Al-Haj Murad” Ebrahim, binibigyang-daan ng bagong tatag na pamunuan ang mas epektibong representasyon ng mga marhinalisadong sektor para sa mas angkop na pagresolba sa mga isyung kinakaharap nila.

"This is really to address 'yung concern ng Bangsamoro people, their struggle for self-determination... 'yung mga naunang set-up, hindi pa rin naging acceptable sa Bangsamoro people kaya patuloy pa rin ang struggle ng Bangsamoro people," sabi ni Ebrahim.

(Ito ay para tugunan ang mga isyu ng mga Bangsamoro, ang kanilang pakikibaka para sa sariling pagpapasya. 'Yung mga naunang sistema, hindi pa rin naging katanggap-tanggap sa mga Bangsamoro kaya patuloy pa rin ang kanilang pakikibaka.)

Ngayong isang taon na lang ang nalalabi para sa transition period, silipin natin kung paano hinuhubog ng mga sektor ng kababaihan, kabataan at katutubo ang puwang na ibinigay sa kanila sa pagbuo ng BARMM, at kung paano sila inihahanda ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) para sa mas aktibong politikal na partisipasyon.


PAGPAPALAKAS SA TINIG NG KABABAIHAN

Tuwing Sabado ng umaga, masigasig na pumupunta sa lokal na istasyon ng radyo si Carolina Tarang para gamitin ang kaniyang boses at adbokasiya sa pagpapalakas ng mga kapwa kababaihang Bangsamoro.

Anchor siya ng programang “Woman Advocacy” kung saan tinatalakay at pinapalalim nila ang diskurso sa iba’t ibang isyung may kinalaman sa kababaihan, kalusugan, kapaligiran, kapayapaan, at pamamahala.

Mahigit dalawang dekada nang naninirahan sa Bongao Poblacion, Tawi-Tawi si Carolina. Taong 1997 nang magsimula siyang magtrabaho rito bilang isang school nurse—ang propesyon na nagmulat sa kaniya at nagpasibol sa kaniyang mithiing tugunan ang pangangailangan ng mga kapwa babaeng Bangsamoro.

Isa sa mga unang isyung napansin niya ay ang umano’y kakulangan sa kaalaman ng mga magulang tungkol sa reproductive health.

“'Yung profession ko, although ‘di ba dapat focus lang ako sa pupils—elementary pupils lang ang audiences madalas—pero mingling with the PTA (Parents and Teacher’s Association) and several meetings with parents, makikita mo kung ano ang kakulangan sa mga parents dahil unang-una ang indicator ang dami mong mga learner na halos magkasing-edad o sunod-sunod or less than one year ang gap ng magkakapatid,” ayon sa kaniya.

“Hindi dahilan [ang] pagiging babae o pagiging Muslim [para tanggihan ang mga serbisyong pangkalusugan] kundi kulang sa kaalaman kung ano ang karapatan nila at ano ang katuruan sa kanila bilang Muslim,” dagdag niya.

Para kay Carolina, mahalagang nagsasalimbayan ang kalusugan at ang katuruan ng Islam kaya naman sinisikap niya itong ipaintindi sa mga magulang ng mga estudyanteng kaniyang pinagseserbisyuhan.

“Sa pag-handle ko ng education among parents in school, nakaka-challenge dahil kung 'yung issue ay halimbawa sa pag-trim lang ng fingernails, may cultural effect na ‘yan sa iba—ayaw nila ng paputol kasi may implication... ‘Yung pagtitimbang at height measurement mo, may iba sa kanila taboo ang tingin kasi ang mine-measure lang naman daw ay patay.”

“So, kung ano ‘yung klaro sa akin as a Muslim woman, doon na ako nag-umpisa... Sabi ko talaga kailangan mag-advocate na integrating our pananaw ng Islam.”

Sa Sulu ipinanganak si Carolina Tarang pero nagsimula siyang magtrabaho bilang school nurse sa Tawi-Tawi noong 1997.
Photo: Gamar Aukasa

Pangatlo sa anim na magkakapatid ang 47-anyos na si Carolina. Isinilang siya sa Sulu at nagkamuwang sa Zamboanga City. Maaga siyang naulila sa ama sa edad na 11 matapos itong mapaslang dahil sa away-pamilya.

Wala man siyang kasamang kamag-anak habang naninirahan sa Tawi-Tawi, sa piling ng mga kababaihang may parehong puso para sa pagpapalakas ng kanilang sektor nakahanap ng tahanan si Carolina.

Una siyang naging aktibong bahagi ng Kudwatun Nisa, isang non-governmental organization, pagpasok niya sa komunidad ng Bongao. Makalipas ang ilang taon, naging bahagi naman siya ng Noorus Salam, isang samahan ng mga kababaihang Muslim na nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran. Nasa 300 ang miyembro ng grupong ito na hindi lamang mula sa Mindanao, kung hindi pati na rin sa Luzon at Visayas.

Nito lamang Nobyembre, nabigyan ng pagkakataon ang Noorus Salam na magkaroon ng karagdagang plataporma para talakayin ang mga isyung kinakaharap ng mga kababaihan. Unang sumahimpapawid sa radyo ang programa nila sa tulong ng United Nations Entity for Gender Equality and the Empowerment of Women (UN Women). Buwan ng Disyembre naman nang matulungan sila ng The Asia Foundation para patuloy na magamit ang radyo sa pag-hikayat na makilahok ang mas marami pang kababaihan.

Ang talakayan sa nasabing programa, umaabot hindi lang sa Tawi-Tawi kung hindi maging sa Sulu, Palawan, at ilang coastal area sa Sabah, Malaysia. 

Tuwing Sabado, umeere ang programa ng grupo ni Carolina sa lokal na istasyon ng radyo mula alas-otso hanggang alas-nuwebe ng umaga. Photo: Gamar Aukasa

Naniniwala si Carolina na ang malalim na pagkaunawa sa pananampalatayang Islam ang susi para higit pang palakasin ang adbokasiya para sa sektor ng kababaihan habang hinuhubog nila ang BARMM.

“Kapag alam mo kasi ang responsibility mo as Muslims, kaakibat noon ang advocacy. We, as a Muslim, are obliged to advocate. Halimbawa, use of basic knowledge and then you practice it and then you advocate to help others na hindi talaga nakapag-aral o hindi naturuan ng tamang learning o katuruan ng Islam,” aniya.

“‘Yung prinsipyo mo, bounded ‘yun ng faith mo.”

“Nalaman ko na hindi lang ako limitado to pray, hindi ako limitado sa pag-aaral lang at pagbabasa ng Quran because we have this parallel relationship that we have to establish, hindi lang ‘yung relationship natin toward God, kundi relationship natin toward other creation. So paano natin ito maipapakita? Pag kilala mo ang responsibility mo at naiintindihan mo ang halaga ng papel mo sa buhay ng iba pang tao sa iyong paligid at sa kabuuan, hindi lang BARMM,” paliwanag niya.

Tuwing eleksyon, hindi pinapalampas ni Carolina ang pagkakataong gamitin ang kaniyang karapatan sa pagboto. Dahil nagtratrabaho siya sa isang elementary school bilang isang nars, naranasan din niyang maging bahagi ng Board of Election Inspectors. Nagboboluntaryo din siya sa ilang poll watchdog groups tuwing eleksyon.

Bangsamoro Organic Law
Article VII, Sections 3 and 4

Section 3.
Legislative Authority.

The Parliament shall have the authority to enact laws on matters that are within the powers and competencies of the Bangsamoro Government.

Section 4.
Executive Authority.

The executive function and authority shall be exercised by the Cabinet which shall be headed by a Chief Minister. The Chief Minister shall be elected by majority vote of all the members of the Parliament.

The Chief Minister shall nominate two (2) Deputy Chief Ministers who shall be elected by the Parliament, as provided for in Section 35 of this Article, and appoint the members of the Cabinet, majority of whom shall come from the Parliament.

Lubos daw na nagalak si Carolina nang maisabatas ang Bangsamoro Organic Law (BOL) noong 2018 na naging pundasyon sa pagkakatatag ng BARMM. Sa ilalim ng batas na ito, magkakaroon ng Bangsamoro Parliament na siyang gagawa ng mga angkop na batas para sa rehiyon. Ang mga miyembro naman ng parliyamento ang magluluklok ng Chief Minister na siyang bibigyan ng kapangyarihang ehekutibo.

Mahahati sa tatlong kategorya ang 80 pwesto sa parliyamento: 50% para sa mga kinatawan ng mga partidong politikal; 40% para sa mga kinatawan ng parliamentary districts; at 10% ay paghahatian ng mga sektoral na kinatawan ng mga katutubong non-Moro, kababaihan, kabataan, tradisyonal na lider, at Ulama.

Naniniwala si Carolina na mas mabibigyang boses ang sektor ng kababaihan sa ilalim ng BARMM dahil sa nakareserbang pwesto para sa kanilang kinatawan.

Gayunpaman, magdadalawang taon matapos pormal na maisalin ng dating pamunuan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang kapangyarihan sa BTA, naghihintay pa rin siyang maramdaman ang pinakakaasam na pagbabago.

“Doon sa provisions na interested tayo, noong basahin natin nakaka-inspire but as to the implementation ‘yun na lang siguro, doon na lang tayo nag-aabang pa rin until now,” sabi ni Carolina.

Bangsamoro Organic Law
Article IX, Sections 11 and 12

Section 11.
Participation of Women in the Bangsamoro Government.

Aside from the reserved seat for women in the Paliament, there shall be at least one (1) woman to be appointed to the Bangsamoro Cabinet. The Parliament shall enact a law that gives recognition to the important role of women in nation-building and regional development, ensuring the representation of women in other decision-making and policy-determining bodies of the Bangsamoro Government.

The Parliament shall create by law a commission on women and shall define its powers, functions, and composition.

Section 12.
Protection of Women.


The Bangsamoro Government shall uphold and protect the fundamental rights of women, including the right to engage in lawful employment, and to be protected from exploitation, abuse, or discrimination, as embodied in the Convention on the Elimination of all Forms of Discrimination Against Women.

The Parliament shall enact the necessary laws for the implementation of this section.

Sa gitna ng panukalang palawigin pa ang transition period hanggang 2025, dapat na umanong matuloy ang kauna-unahang eleksyon ng Bangsamoro Parliament sa 2022, alinsunod sa BOL.

“Until now reluctant pa rin ako to say yes to the extension. We will respect din naman kung ano maging resolusyon. Sana lang may consultation sa ground para magkaroon sila ng tamang desisyon,” aniya.

Wala man sa isipan ni Carolina ang pagtakbo para sa posisyon sa pamahalaan, ayon sa kaniya, malaki ang maiaambag ng kababaihang tulad niya sa pag-oorganisa at pagsali sa mga grupong magbibigay-boses sa kanilang sektor, at magpapalakas sa prinsipyo at kamalayan ng kababaihan sa komunidad.

Sa mga pagtitipon-tipon at talakayan ng mga grupo ng kababaihan, mas lumalakas daw ang boses at napapalalim ang sentimyento ng kababaihan ukol sa iba’t ibang isyu sa lipunan.

“‘Yung women’s voices talaga sa pagbuo, sa assembly, nakakabuo ng parang recommendation na rin kahit hindi [nakasulat sa papel],” sabi ni Carolina.

Women and Representation in the BARMM

Sources: Commission on Elections, Bangsamoro Transition Authority website

Ayon sa datos mula sa Commission on Elections (COMELEC), 607 kababaihan ang tumakbo para sa mga lokal na posisyon sa BARMM noong 2019. Nasa 16.25% lamang ito ng kabuuang 3,735 na kumandidato sa rehiyon.

Mahigit 49% o 1,083,806 ng kabuuang 2,172,959 rehistradong botante sa limang probinsyang sakop ng BARMM ay mga babae pero 804,903 lamang sa kanila ang aktuwal na bumoto.

Paliwanag ni Bangsamoro Women Commission (BWC) chairperson at Member of Parliament Hadja Bainon Karon, mahalagang maisakonteksto ang mababang bilang ng mga kumakandidatong kababaihan sa pananampalatayang Islam.

“Ang BARMM ay isang Muslim-dominated region. Alam po natin ‘yan, sa kultura ng Islam, malakas pa rin ang paniniwala at pagkilala sa authority at leadership ng mga kalalakihan,” ayon kay Bainon.

Para balansehin ito, pinapalakas ng BWC sa ngayon ang kakayahan at kaalaman ng mga babae tungkol sa pamumuno.

“Nangangailangan pa ng capacity-building interventions ang ating mga kababaihang Bangsamoro upang hubugin pa ang kanilang leadership skills—dito pumapasok ang BWC sa pag-aasist sa mga kababaihan para sila ay mabigyan ng leadership training,” sabi ni Bainon.

Sinisikap din daw ng BWC na alamin kung ano ang mga kailangang matutunan ng mga kababaihang lider upang lalong mahubog ang kanilang kakayahan sa pamumuno.

“Kailangan ma-establish namin ang isang database na maglalaman ng profile ng ating potential Bangsamoro women leaders at magkakaroon ng needs assessment sa kanila para matukoy at madefine ang isang appropriate program para sa kanila,” aniya.

Kaunti man ang kumandidato para sa mga lokal na posisyon noong 2019, kinilala ng BWC chairperson ang aktibong partisipasyon ng mga kababaihan sa pagsusulong na maitatag ang BOL.

“Bago pa maitatag ang BARMM, aktibo na ang mga organisadong grupo ng mga kababaihan. As a matter of fact, napakalaki ng naging papel ng mga women's organization sa kampanya para sa Bangsamoro Organic Law,” aniya.

Sa ngayon, 13 sa 80 miyembro ng BTA ay mga babae.

Kasama rin ni Carolina ang iba pang miyembro ng Noorus Salam, isang NGO na nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran, sa paghahanda para sa kanilang programa sa radyo. Nasa 300 kababaihang Muslim mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang kabilang sa grupong ito.
Photo: Gamar Aukasa

Kahit na may isang nakareserbang pwesto sa parliyamento para sa kinatawan ng sektor ng kababaihan, isinusulong ni Bainon na masiguro ang pagkakaroon ng mas malawak na representasyon ng sektor pagkatapos ng transition period.

“During our exposure to Muslim countries, nakita namin na out of total members ng [kanilang] parliament, 30% ang representation ng women,” kwento niya.

Kaya naman daw layon nilang malinaw na mailagay sa bubuuing Bangsamoro Electoral Code kung ilang porsyento ng pwesto sa parliyamento ang dapat makuha ng kababaihan.

“Mahalaga pong well-represented ang kababaihan sa parliament para ‘yung boses po ng mga kababaihan ay marinig at kung anuman ang mga concern na dapat i-address ng women leaders,” sabi ni Bainon.

Paanyaya ng opisyal sa mga kapwa babae, huwag sayangin ang pagkakataong makiisa at maging bahagi ng bagong pamunuan.

“Ang hinihintay nating opportunity para makalahok at makapag-participate sa paghubog ng kapayapaan sa governance, policy, and decision-making ay naririto na. Huwag natin hayaang masayang ang pagbubuwis ng buhay ng ating mujahidin at mujahidat para sa Bangsamoro,” aniya.

“Magtulong-tulong po tayo sa paglalagay ng pundasyon para sa isang matibay at matatag na Bangsamoro Region in Muslim Mindanao,” dagdag pa niya.

Nakapagtapos ng kolehiyo sa Basilan si Rhenie Ammak pero nahihirapan siyang maghanap ng trabaho ngayon sa Maynila. Photo: KC Cruz

PAGBUBUKLOD SA MGA KATUTUBONG BANGSAMORO

Sa halip na trabaho, ang panganib ng pandemya ang sumalubong sa Sama Badjao na si Rhenie Ammak, 37, sa kanyang unang luwas sa Maynila. Dumating siya noong Marso 2020 gamit ang inutang na pamasahe pero hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin siya pinapalad na makakuha ng trabaho.

Dahil hindi na matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa Basilan, ninais ni Rhenie na makipagsapalaran sa Maynila. Gusto sana niyang makahanap ng maayos na trabaho rito dahil hindi sapat ang kinikita niya sa probinsiya para buhayin ang kanyang asawa at tatlong anak.

"Naghahanap-buhay din po ako doon, minsan sumasama ako sa mga kapatid ko na mangisda, minsan nagve-vendor po ako," sabi ni Rhenie.

Kung wala sa dagat, naglalako siya ng charger at headset sa Basilan.

"Medyo kapos po ang [kita] namin doon dahil ang gastos ko po sa isang araw, mahigit P500. Kaya naisipan ko lumuwas ng Maynila para maghanap ng trabaho," dagdag niya.

Tapos ng kursong AB Political Science si Rhenie sa Basilan State College subalit nahihirapan pa rin daw siyang makakuha ng trabaho na konektado sa kanyang natapos.

"Sinubukan ko na nag-apply doon kaso lang po eh wala ding bakante, nahirapan din po ako doon," sabi niya.

Ayon kay Rhenie, mababa ang tingin ng ibang grupo sa kanilang mga Sama Badjao dahil karamihan sa kanila ay hindi nakatungtong sa eskwelahan bunsod na rin ng kahirapan.

Nakakapag-aral daw ang iba sa kanila sa tulong ng iskolarsyip na ibinibigay ng lokal na pamahalaan. Siya naman, nagtrabaho bilang pedicab driver at student assistant habang nag-aaral para lamang makatapos siya ng kolehiyo.

Ayon kay Rhenie, mababa ang tingin ng ibang grupo sa kanilang mga Sama Badjao dahil karamihan sa kanila ay hindi nakatungtong sa eskwelahan bunsod na rin ng kahirapan.  Photo: KC Cruz

Paliwanag ni Rhenie, naninirahan ang mga Badjao sa mga lugar na sakop ng BARMM pero paniniwala niya, hindi umano sila maituturing na Bangsamoro.

"Ang tinatawag na Bangsamoro po 'yung mga Tausug, Yakan pero ang Sama po, kabilang din po sa mga Muslim... Muslim din po ang Yakan, Tausug, Badjao.. Actually po 'yung mga Badjao nakatira lang po sa sakop ng Bangsamoro, doon po nakatira pero kung miyembro po, walang miyembro po Badjao na Bangsamoro," sabi niya.

"Doon po ang mga Badjao, mababa ang tingin ng mga ano po doon... ng ibang tribo po... Ang mga Badjao hindi nakapag-aral po, ganoon po ang tingin nila na mababa," dagdag ni Rhenie.

Ngunit ayon sa BOL, lahat ng mga naninirahan sa Mindanao, sa kapuluan ng Sulu, at kalapit na mga isla bago pa dumating ang mga Kastila sa bansa ay may karapatang tawagin ang sarili nila bilang Bangsamoro.

Identity in the BARMM

Article II, Section 1.
Bangsamoro People. 

Those who, at the advent of the Spanish colonization, were considered natives or original inhabitants of Mindanao and the Sulu archipelago and its adjacent islands, whether of mixed or full blood, shall have the right to identify themselves, their spouses and descendants, as Bangsamoro.

Article IV, Section 10. 
Freedom of Choice.

The freedom of choice of all people within the Bangsamoro Autonomous Region shall be respected. Indigenous peoples shall have the freedom to retain their distinct indigenous and ethnic identity in addition to their Bangsamoro political identity. There shall be no discrimination on the basis of identity, religion, and ethnicity.

Sa Article IV Section 10, maliwanag ding binibigyan ng kalayaan ang mga katutubo sa rehiyon na panatilihin ang pagkakakilanlan ng kanilang mga grupo, dagdag pa sa political identity nila bilang mga Bangsamoro.

Ang grupo ng mga Badjao ay kilala bilang mga sea gypsies. Kabilang sila sa pangkat-etnikong Sama na binubuo ng mas maliliit na grupong may iba‘t iba ngunit magkakalapit na dayalekto, kultura, at mayamang kaalaman tungkol sa pamumuhay sa karagatan.

Sa Pilipinas, matatagpuan ang komunidad ng mga Badjao sa kahabaan ng baybaying-dagat mula Zamboanga Bay hanggang sa kapuluan ng Sulu. Kung hindi sa mga bahay na nakaangat malapit sa dalampasigan, karaniwan ay sa mga bangka sila nakatira.

Pangingisda ang karaniwang hanap-buhay ng mga Badjao. Sa kasalukuyan, isa raw ang mga Badjao sa itinuturing na pinakamahihirap na tribo sa Pilipinas.

Registered IP Voters in the BARMM

2019 Elections

Source: Commission on Elections. Data was based on the consolidated reports submitted by the Election Officers.
For the province of Sulu, no reports were received by this office.

Dahil sa kakulangan ng edukasyon ng mga Badjao, naaapektuhan na rin pati ang kanilang karapatang bumoto, ayon kay Rhenie. Kung siya ang tatanungin, maayos siyang nakakaboto dahil rehistrado siya at marunong siyang bumasa at sumulat.

Subalit para sa mga Badjao na hindi kayang magbasa at magsulat, walang katiyakan na ang ninanais nilang kandidato ang nailalagay sa mga balota tuwing halalan dahil umaasa lamang sila sa pagtulong ng mga tauhan sa voting precinct.

"Ako po, iboboto ko po 'yung gusto ko po... 'yung mga kasamahan ko dahil ‘di marunong sumulat, kahit sino po ang gusto nila, depende na po 'yun kung sino ang isinulat nila doon. Kahit sasabihin nila na ito ang iboboto ko... pag iba ang isinusulat, 'yun ang masusunod po. Kasi walang kaalam-alam po 'yung bumoto," sabi niya.

Nananawagan si Rhenie sa gobyerno na sana naman daw ay matiyak na nakakaboto ng tama at patas ang kapwa niya mga Badjao lalo na iyong mga kulang sa edukasyon.

Ayon sa datos mula sa COMELEC, may 11,958 na katutubong nakarehistro bilang mga botante sa limang probinsyang sakop ng BARMM noong halalan 2019 pero 9,432 o 78.88% lang sa kanila ang aktwal na nakaboto.

Sa Maguindanao may pinakamaraming katutubo na rehistradong botante na umabot sa 11,199.

Samantala, sa Basilan kung saan nanggaling si Rhenie, 81 na katutubo lamang ang nakarehistrong botante; apat lang sa Tawi-Tawi; at wala namang datos para sa Sulu.

Tuwing panahon ng halalan, samu't saring pangako raw ang naririnig ng mga Badjao mula sa mga politikong nag-aasam ng posisyon sa gobyerno. Trabaho ang madalas na ipinapangako sa kanila, ayon kay Rhenie.

"Minsan po, pinapangako sa amin na ‘pag nanalo sila, bigyan daw kami ng trabaho. Mangako po sila na ganito ang trabaho... minsan po ay hindi nila tinutupad," kwento niya.

Nangangako rin daw ang mga kandidato na tutulungan sila sa iba pang aspeto ng pamumuhay gaya ng edukasyon at kalusugan.

Sabi ni Rhenie, simple lamang naman ang nais ng mga kapwa niya Badjao—ang mamuhay nang tahimik kung saan nakakamit din nila lahat ng kanilang karapatan.

"Tao rin po sila, may karapatan din po na mabuhay, mabuhay nang maayos na tahimik lahat. May karapatan din po sila na maging maayos ang buhay nila," ika niya.

Sa Parang, Sulu isinilang at lumaki si Manayang pero sa Tondo, Maynila siya naninirahan ngayon kasama ng kaniyang dalawang anak. Photo: KC Cruz

Bigong makahanap ng trabaho sa nakalipas na 11 buwan, nagpasya nang umuwi si Rhenie sa Basilan kung saan naroon ang asawa at tatlong anak niya. Nag-ambagan ang mga kapwa niya Badjao para sa kaniyang pamasahe sa barko.

Gayunpaman, kahit walang kasiguraduhan sa Maynila, pipiliin pa rin daw niyang bumalik dito kapag wala na ang banta ng sakit na COVID-19.

"Mahirap po makapasok ng trabaho doon at saka 'yung sweldo po doon maliit lang," saad ni Rhenie.

Hindi naman matukoy ni Manayang Almi ang eksaktong taon kung kailan siya unang dinala ng gutom at pangarap sa Barangay 123 sa Tondo, Maynila. Wala siyang kakilala rito noong unang luwas niya. Ang natatandaan niya lang, termino daw noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo—ibig sabihin, alinman sa taong 2001 hanggang 2010.

Tulad ni Rhenie, kawalan din ng hanap-buhay ang nagtulak sa kaniya para iwan ang karagatan ng Parang, Sulu at makipagsapalaran sa Maynila. Hindi siya marunong magbasa at magsulat, at hindi niya rin alam ang kaniyang edad.

“Nagpunta po ako rito kasi mahirap ang pagkain doon. Ang asawa ko mangingisda. Kulang kami sa pagkain. Kahit araw at gabi, wala minsan,” aniya.

Anim ang anak ni Manayang—may asawa na ang tatlo sa mga ito. Kapag walang mahuling isda sa dagat ang kaniyang asawa, tumatanggap siya dati ng labada sa probinsya para may maipambili ng kamoteng kahoy, kape, at iba pang pangangailangan ng pamilya.

Hindi na niya kasama sa Maynila ngayon ang kaniyang mister dahil nagkaroon daw ito ng karamdaman at minabuti na lamang bumalik sa Sulu. Dalawang anak ang kasama ni Manayang ngayon sa Tondo.

Kagaya ni Rhenie, nangutang lang din na pamasahe si Manayang Almi para makarating sa Maynila. Ilang taon na siyang nakatira ngayon sa Barangay 123 sa Tondo.  Photo: KC Cruz

Kapag may puhunan, nakakapagtinda si Manayang ng mga hikaw pero umaabot rin daw sa punto na namamalimos siya sa kalsada kung wala nang mahiraman ng panggastos.

Kwento niya, nakarating at nanirahan na rin siya noon sa Laoag, Ilocos Norte at maging sa Tuguegarao sa Cagayan Valley.

Sa tagal umano ng paninirahan niya sa Laoag, halos itinuring na rin daw silang bahagi ng isang komunidad doon at natulungan din ng pamunuang barangay na magkaroon ng matutuluyan sa lugar.

Pero dahil malayo siya ngayon sa sinilangang lupa, bago sa pandinig ni Manayang ang BARMM.

“Hindi ko po alam iyon pero ang bahay namin ay sa Parang, Jolo, Sulu,” matipid na sagot niya nang tanungin kung batid niya kung ano ang BARMM.

Taliwas sa desisyon ni Rhenie na bumalik sa BARMM, wala pa sa isip ni Manayang ang pag-uwi.

“'Di pa ako uuwi kasi may gastos pa sa asawa ko at mga anak sa Mindanao,” aniya.

Isa si Pilita sa mga kahati ni Manayang sa inuupahang bahay sa Tondo. Galing naman siya sa bayan ng Talipao sa Sulu at aminadong sa panlilimos kumukuha ng panggastos sa ngayon. Photo: KC Cruz

Ang kwento ng mga Sama Badjao na sina Rhenie at Manayang ay maituturing na salamin ng realidad na mahaba pa ang landas na tatahakin ng pamunuang Bangsamoro para pagbuklurin ang mga nasasakupang katutubo.

Aminado ang Ministry of Indigenous People’s Affairs (MIPA) na isa sa malalaking hamon para sa bagong pamunuan sa ngayon ay ang pagtukoy sa aktuwal na bilang ng mga katutubo sa rehiyon.

“‘Yan po ang isa sa mga priority na trabahuhin namin—alamin namin ang accurate na census ng mga IP sa BARMM para nang sa ganun, pag-request namin ng mga proyekto, ibibigay nila ayon sa number of beneficiaries,” ayon kay MIPA Minister Melanio Ulama.

Ayon sa partial data na hawak ng kaniyang opisina, nasa 671,960 ang populasyon ng mga katutubo sa BARMM. Paglilinaw niya, hindi pa ito ang opisyal na bilang dahil tinatayang noong nakaraang limang taon pa ito naitala.

Sa pagtataya ni Ulama, 65% ng mga katutubo sa rehiyon ang nananatiling intact o namumuhay pa rin sa mga lupang ninuno at sumusunod sa mga tradisyonal na sistema at kultura.

Para paigtingin ang pagrerehistro ng mga miyembro ng sektor, sisikapin daw ng MIPA na simulan ito mula sa pagsilang ng mga bagong henerasyon ng mga katutubo.

“Doon sa mga bagong panganak, mag-assist [ang MIPA] doon sa mag-issue ng birth certificate then iparehistro doon sa opisina… Mag-assist ang opisina ng MIPA,” sabi ni Ulama.

Bukod sa paglalatag ng maayos na talaan ng mga katutubo, nakasentro rin ang MIPA sa pag-oorganisa ng sektor. Layunin daw nitong epektibong mabigyan ng angkop na impormasyon at kakayahan ang mga katutubo para maging mas aktibong mga mamamayan ng BARMM.

“Ang nakikita po namin ay ito ay isang foundation para sa mga IPs—one is ino-organize namin sila para sila ay magkakaisa through tribal council, tribal elders, tribal women, and ‘yung mga tribal youth and also IPMR (Indigenous Peoples Mandatory Representatives),” sabi ni Ulama.

“Isunod namin doon, pag-na-organize sila, bigyan namin sila ng edukasyon… Madali ang pag-educate sa kanila, madali ang pag-assist namin sa kanila kung well-organized sila,” dagdag niya.

Naitutulak ang mga katutubo tulad ng mga Sama Badjao na makipagsapalaran sa ibang lugar dahil sa kawalan ng oportunidad sa kanilang pinagmulan. Photo: KC Cruz

Dapat umanong maintindihan ng mga miyembro ng sektor na kinikilala silang lahat bilang Bangsamoro.

“Well-accepted talaga… walang sinasabi na ikaw Badjao ka, ikaw Bangini ka, ‘di ka pwede dito sa Bangsamoro. Ang government ng Bangsamoro, talagang ‘di tinitingnan kung ano relihiyon mo, ano ang kultura mo,” ayon kay Ulama.

Ang mga katutubong Moro at non-Moro sa BARMM, may iba’t iba mang relihiyon at paniniwala, pareho umano ang suliraning nais mahanapan ng solusyon—ang isyu sa pagmamay-ari ng lupang ninuno.

“‘Yan ang nangyayari ngayon kahit dito sa Maguindanao, halos wala na ang mga ancestral domain ng mga IPs. Now, kung hindi ito mabigyan ng atensyon, there will come a time na magiging alipin ang mga IPs sa kanilang sariling lupang ninuno,” sabi ni Ulama.

Isa rin daw ito sa mga nagtutulak sa mga katutubo, tulad ng mga Sama Badjao, na makipagsapalaran sa ibang lugar.

“Doon sila nagtira sa Manila kasi ‘yung kanilang ancestral sea domain ay wala na, kinuha na ng mga well to do people from other places,” aniya.

Para mapigilan ito, isa sa mga prayoridad ngayon ng pamunuan ng BARMM ang delineation o pagtukoy sa mga lupang dapat ay para sa mga IPs, ayon kay Ulama.

Balak din ng MIPA na maglunsad ng mga programang makahihikayat sa mga na-displace na katutubo na bumalik sa BARMM at maging bahagi ng paghubog sa bagong pamunuan.

“We will closely coordinate with the local govenrment units, municipal officials, provincial officials, na nakakasakop sa probinsya na pinanggalingan. Gagawa kami ng programa na balik-probinsya para makabalik sa kanilang lugar then bigyan sila ng proyekto na makatulong sa kanila… Kung may ancestral domain syempre kailangan sumusunod din diyan ang mga livelihood project na ibibigay sa kanila,” sabi ni Ulama.

Naniniwala si Nurhati Tangging na isa sa mga hakbang para makamit ang tunay na kapayapaan sa BARMM ay ang pagtulong sa reintegration ng mga dating rebelde sa komunidad. Photo: Elizabeth Laurico

PAGPAPANDAY SA KABATAANG BANGSAMORO

Paraiso para sa 24-anyos na si Nurhati Tangging ang kinalakihan niyang probinsiya ng Basilan—taliwas sa pagtingin ng ibang tao sa lugar na sa nakalipas na panahon ay naging laman ng balita dahil sa karahasan at kaguluhan.

Hindi bulag si Nurhati sa hirap at hinagpis ng mga kababayan niya sapagkat aktibo siyang nakikibahagi sa mga programa para sa mga komunidad ng mga dating rebeldeng nagbalik-loob na sa pamahalaan. . Mulat siya at puno ng determinasyon para baguhin ang sitwasyon.

Kwento niya, nagsimula ang kaniyang adbokasiya para sa kapayapaan anim na taon na ang nakalilipas matapos siyang makibahagi sa isang lakbay-aral sa Makati. Tandang-tanda pa ni Nurhati ang sakit nang tawaging killing field ng isa sa mga nakasalamuha niya roon ang lupang kaniyang sinilangan.

"'Yun 'yung description ng people towards my island, where in fact in that moment, I was looking that Basilan is a paradise for me, this is my home and other people was talking about and seeing my island as a killing field kasi 'yun 'yung nakikita ng ibang tao and nakikita nila na nangyayari sa island ko," sabi ni Nurhati.

(Iyon ang tingin ng ibang tao sa aming isla kahit na para sa akin, isang paraiso ang Basilan. Ang tingin ng iba ay isa itong lugar kung saan laganap ang patayan.)

Pag-amin niya, nasaktan siya sa sinabi ng taong iyon at nangako sa kaniyang sarili na magiging instrumento siya upang mabago ang pagtingin sa Basilan.

"Parang nag-strike siya sa puso ko. Ang sakit kasi you were looking na okay siya from your perspective pero mula sa ibang tao, iba pala siya. Malaki 'yung impact niya sa akin at that moment, napaiyak ako. Hindi dapat ganito ang tingin ng ibang tao sa lugar ko. Iba ang tingin ko dito sa isla ko," sabi niya.

Panganay at nag-iisang babae sa tatlong magkakapatid si Nurhati. Nakapagtapos siya bilang isang guro noong 2017.

Ayon sa kanya, istrikto ang kaniyang mga magulang, lalo na ang kaniyang ama. Noong una raw ay hindi pabor ang kaniyang mga magulang na sumapi siya sa mga organisasyon na naglalayong mabigyan ng boses ang mga kabataan.

Subalit hindi siya sumuko hanggang sa naipaunawa niya sa kanila ang kaniyang pangarap na maging bahagi ng pagtataguyod ng mas progresibo at payapang komunidad.

Nitong ika-23 ng Enero, kasama ang organisasyong kinabibilangan ni Nurhati sa paglulunsad ng isang programa para sa mga asawa ng mga sumukong rebelde sa Lamitan City, Basilan. Photo: Elizabeth Laurico

“My parents are very supportive, Alhamdulillah, because they understand where I’m coming from… they understand that there’s a need. I’m hoping na lahat sana ng parents ng ating kabataan, despite of the age and gender, sana sinusuportahan sila ng kanilang magulang because parents are a very big factor sa ginagawa ng mga kabataan,” aniya.

Kung hindi abala sa pag-aaral, nasa komunidad si Nurhati upang tumulong sa kaniyang kapwa lalo na sa mga lugar na hindi gaanong nabibigyan ng atensyon at tulong ng pamahalaan.

"Kung wala ako sa school, babalik ako sa community... volunteerism... we have different youth organizations, mayroon din kaming activities sa far-flung areas, especially 'yung di siya abot ng government," sabi ni Nurhati.

Project coordinator ngayon sa Balay Mindanaw Foundation Inc. si Nurhati, at nakatutok siya sa pagtulong sa mga dating rebelde. Naniniwala siyang may potensyal sila at may maiaambag sa pagpapaunlad ng komunidad.

Halos 300 dating rebelde ang tinutulungan ng grupo niya ngayon sa Basilan.

Naliligaw aniya ng landas ang mga ito dahil na rin sa kakulangan nila sa kaalaman at dahil sa sinasamantala ng ilan ang kanilang kahinaan. Sa murang edad na 12, armas na raw ang hawak ng iba sa kanila sa halip na lapis at papel.

"There are a lot of chances and opportunity for these people na magbago, at the same time to be part of our peacebuilding initiatives sa Pilipinas kasi we see na may mga tao talaga na napapariwara lang po ng landas, without them knowing it and the cause siguro ignorance and limited knowledge and literacy level natin... napapasama sila sa grupo na hindi dapat nila sinasamahan. Natatake-advantage 'yung pagiging vulnerable nila," paliwanag ni Nurhati.

(Maraming oportunidad para sa kanila na magbago at maging bahagi ng mga hakbangin para magkaroon ng kapayapaan sa bansa. Napapariwara sila dahil na rin sa kakulangan sa kaalaman at dahil sinasamantala ng iba ang kahinaan nila.)

"They can do a lot of things na makakapagbigay ng impact sa community, especially 'yung mga young ones, I know a lot of young ones who are former combatants and based from the stories that they shared to us, we can really see na di naman nila ito ginagawa for the sake of violence. Sometimes 'yung rason nila, wala na po silang choice. Kumbaga kapit sa patalim," dagdag niya.

(Marami silang magagawa na makakatulong sa komunidad lalo na 'yung mga bata pa. Marami akong kilalang mga batang rebelde na nagkwento na hindi naman sila umanib sa grupong ito para lamang maghasik ng karahasan. Ang iba sa kanila, kapit sa patalim.)

Sa obserbasyon ni Nurhati, aktibo naman ang mga kabataang Bangsamoro, kabilang na ang mga taga-Basilan, sa mga usaping politikal. Photo: Elizabeth Laurico

Positibo si Nurhati na malaking tulong ang maibibigay ng BARMM para hubugin pa ang kabataang Bangsamoro. Aniya, hindi lamang daw ito isang oportunidad para sa mga Muslim na pamunuan ang kanilang nasasakupan kung hindi magbibigay din ito ng pagkakataon sa mga kabataan na makapagbigay ng mga bagong ideya at suhestiyon tungkol sa pamamahala.

Naniniwala siya na kung bibigyan lamang ng pagkakataon ang mga kabataan, malaki ang maitutulong nila upang mapalago ang rehiyon.

"I'm really looking forward to see young people in the government. We need new perspectives, we need relevant ideas, we need innovative ideas to make this government... to improve this government, to make new steps," sabi ni Nurhati.

(Umaasa ako na magkakaroon ng malaking parte ang mga kabataan sa BARMM. Kailangan natin ng makabagong ideya para mapaunlad ang gobyernong mayroon tayo ngayon.)

Mahigit 1.2 milyon ang itinuturing na kabataang Bangsamoro sa Pilipinas, ayon kay Marjanie Mimbantas Macasalong, ang lider ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) at isa ring miyembro ng BTA. Paliwanag niya, ang mga indibidwal na edad 15 hanggang 40 ang itinuturing na kabataang Bangsamoro, alinsunod sa sinasabi ng relihiyong Islam.

Maaari pa raw tumaas ang bilang na ito dahil posibleng hindi kasama rito ang mga kabataan ng BARMM na pinili nang manirahan sa labas ng rehiyon, kasama na ang mga nakipagsapalaran sa Kamaynilaan. Hindi rin tiyak ang bilang ng mga kabataan dahil sa kasalukuyan, wala pa raw maayos na talaan nito.

Inaprubahan noong Pebrero 2020 ang "Youth Commission of Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Act of 2020," na bumuo sa BYC upang magsagawa ng mga proyekto para sa mga kabataan at para mas mabigyan sila ng representasyon sa lipunan.

Bukod sa mga usaping tungkol sa edukasyon, kalusugan at seguridad, ninanais din ng BYC na matutong magboluntaryo ang mga kabataan sa iba't ibang gawain sa komunidad.

Ayon kay Marjanie, tinatayang mahigit isang libong grupo ng kabataan ang nagpalista sa BYC at kanila na itong sinusuri sa kasalukuyan.

Hindi raw nila akalain na ganito kadami ang magpapalistang organisasyon sa BYC. Sabi niya, marahil ay nakikita raw ng mga kabataang Bangsamoro na may boses at puwang sila sa rehiyon sa tulong at gabay ng komisyon.

"We are surprised na more than thousand youth organizations and youth-serving organizations submitted. Until now po nag-va-validate kami... we were surprised kasi akala namin iilan lang eh," sabi ni Marjanie.

(Nagulat kami na mahigit isang libong grupo ng kabataan ang nagpalista sa amin. Hanggang ngayon ay sinusuri namin ito. Nagulat kami dahil akala namin iilan lang eh.)

Youth Voters in the BARMM

Registered Voters Aged 18-40 in the 2019 Elections

Source: Commission on Elections

Sa mahigit isang libo na nagpalista, nasa sampu raw dito ang mayroong adbokasiya na may kaugnayan sa politika.

Sa obserbasyon ni Nurhati, aktibo naman ang mga kabataang Bangsamoro, kabilang na ang mga taga-Basilan, sa mga usaping politikal. Hindi man daw interesado ang ilan sa pagkakaroon ng posisyon sa lokal na pamahalaan, makikita pa rin sa kanila ang interes tuwing panahon na ng halalan.

"Young people are involved in the election because we're practicing our suffrage and all. 'Yung mga young people talaga is very observant kung sino-sinong grupo 'yung dapat nasa posisyon," sabi ni Nurhati.

(Aktibo ang mga kabataan tuwing eleksyon dahil ginagamit nila ang kanilang karapatang bumoto. Inoobserbahan nila kung sino nga ba dapat ang mahalal sa pwesto.)

Kung si Nurhati ang tatanungin, palagi raw siyang bumoboto sapagkat naniniwala siya na ang kaniyang boto ay maaaring makapagpabago sa hinaharap ng buong bansa.

"Ine-exercise ko po ang karapatan kong bumoto because I believe isa 'yun talaga sa mga factors na puwedeng makapagpabago ng ating future. My one special vote can be counted as magiging factor po ng pagbabago ng kinabukasan ng government," sabi niya.

Sa kabila nito, aminado pa rin si Nurhati na may mga balakid pa rin sa kanilang lugar kung kaya't hindi nakakaboto nang maayos ang ibang kabataan. Isa na raw dito ang kawalan ng sapat na impormasyon dahil malalayo ang kanilang lugar.

Nakakaimpluwensiya rin umano sa pagboto ng mga kabataan ang sinasabi ng ibang tao sa kanilang paligid.

"Nakakaboto po sila but due to a lot of influences, medyo nababago 'yung kanilang pagboto. We know may mga different options and choices tayo but iba-iba rin 'yung sitwasyon po nila," sabi ni Nurhati.

Ang kahalagahan at proseso ng halalan sa rehiyon ay kasama sa binibigyang-linaw ng BYC sa mga kabataan, ayon kay Marjanie. Nais ng grupo na ipaliwanag sa mga kabataan kung paano magluluklok ng mamumuno sa kanilang rehiyon at kung ano ang umiiral na mga patakaran dito.

"Paano tayo let's say magkakaroon ng election, paano tayo nag-e-elect ng leaders natin... like pipili muna tayo ng member of Parliament then the member of Parliament will choose the Chief Minister and the Chief Minister will choose his own Cabinet ministers. Ine-explain na po namin ngayon sa mga kabataan," sabi ni Marjanie.

Isa ito sa mga hinahangad ng BYC kahit pa nagiging matunog lamang daw ang usapin tungkol sa eleksyon kapag malapit na ito.

"Kapag malapit na 'yung eleksyon kasi ang pinag-uusapan, sino ang kandidato mo, susuportahan mo si ganito... then after eleksyon wala na, almost wala na..." sabi ni Marjanie.

Ayon sa datos ng Comelec, 1.38 milyon ang bilang ng mga rehistradong botante na edad 18-40 sa dating ARMM noong 2019.

Ayon kay Nurhati, nagiging balakid ang lokasyon ng ilang mga lalawigan sa BARMM sa pakikilahok ng mga kabataan sa pagboto, at maging sa partisipasyon sa mga aktibidad sa mainland.

Paliwanag ni Nurhati, nagiging balakid ang lokasyon ng ilang mga lalawigan sa BARMM sa pakikilahok ng mga kabataan sa pagboto, at maging sa partisipasyon sa mga aktibidad sa mainland. Umaabot raw ng mahigit sampung oras ang kanilang biyahe para lamang makarating sa sentro ng rehiyon. Kaya naman bukod sa pagod sa malayong biyahe, malaki rin itong gastusin para sa kanila.

“Number one geographical location, I agree, kasi masyado kaming malayo sa center and may factor ‘yun because we really have to travel tapos ‘yung expenses, ano na ‘yung effort. Kung magtratravel po kami from islands to the mainland, we have to take 12 hours, land travel, iba pa ‘yung air,” aniya. “Knowing the economic status of the people, hirap tayo.”

Base sa obserbasyon ni Marjanie, iba-iba raw ang klase ng kabataang bumoboto sa BARMM. Nandiyan ang mga botanteng pumipili ng kandidato na talagang magsisilbi para sa rehiyon at mayroon din namang mga tao na bumoboto base lamang sa kung papaano nangampanya ang isang kandidato.

"Parang nagde-depend po 'yun sa pag-e-explain ng nagcacampaign sa kanila. So if you are articulate enough to explain this so and so, this good candidate that can deliver this and that, most probably you will get him or her. Because 'yun nga, undecided eh," sabi niya.

Hindi rin daw mawawala ang mga botanteng naghahalal ng mga kandidato base sa kanilang personalidad at hindi sa kung ano ang kaya nilang mai-ambag sa lipunan. Nariyan din daw ang mga indibidwal na ibinoboto kung sino ang sinabi o idinikta ng lider ng komunidad na ihalal nila.

"Sa mga rural areas, 'yung leader nila kung ito 'yung sinusuportahan ng leader nila, parang the followers should also be voting... parang you cannot go against your boss or against the patriarch," saad niya.

"Until now may mga certain areas, municipalities or at the very lowest level, barangay level, na dahil nagsabi si ganito, si boss or 'yung leader natin na siya 'yung boboto natin, parang dalawa lang 'yung choice mo, iboboto mo 'yung tao na gustong ipaboto sa ‘yo ng leader mo o di ka na lang mag-vote," dagdag niya.

Hindi rin masisi ni Marjanie ang ilang botante sa kanilang rehiyon na tila wala nang pakialam sa pagboto tuwing eleksyon. Batid niyang ang ilan sa kanila, kumbinsidong hindi rin mananalo ang pangalang isusulat sa balota kaya ayaw nang bumoto.

Kailangan daw na makakuha ng tamang impormasyon ang mga kabataan tungkol sa pagboto upang hindi sila matakot gamitin ang karapatang bumoto at para malaman nilang mahalaga ang boto ng bawat isang indibidwal dito sa Pilipinas, ano man ang grupo na kinabibilangan.

"Definitely not an overnight issue. What can we say is we are preparing the kind of programs and activities na feeling po natin makakaaddress sa long term. So kung ang tanong doon ay kung ano ang mga factor na makakatulong sa kanila para hindi po sila natatakot, I would say na education," paliwanag ni Marjanie.

(Hindi ito isyu na mahahanapan ng solusyon makalipas ang magdamag. Ang masasabi namin, naghahanda kami ng mga programa na sa tingin namin ay makakatulong sa permanenteng pagresolba sa mga isyu tungkol sa halalan. Edukasyon ang kailangan dito.)

Naibahagi ni Marjanie ang tungkol sa The Moro Youth Peace Camp, isang proyekto na isinasagawa ng BYC sa loob ng limang araw. Positibo raw ang pagtanggap ng mga kabataan sa programa nilang ito.

"It's a five-day program na may mga seminars, lectures and outdoor programs. Dini-discuss na namin doon 'yung form of government na mayroon tayo sa gobyerno [sa BARMM]," sabi ni Marjanie.

Kung pag-uusapan naman ang porsiyento ng mga kabataang masasabing pamilyar sa uri ng pamamahala sa BARMM ngayon, naniniwala si Nurhati na ang mga may pinag-aralan lamang at may mga koneksyon sa lokal na gobyerno ang may alam dito.

Bagama't aktibo tuwing eleksyon, hindi pa rin daw lubos na nauunawaan ng mga kabataan ang bagong paraan ng pamamahala sa kanilang lugar. Photo: Elizabeth Laurico

Nakakaapekto rin daw ang kawalan ng maayos na internet sa kanilang lugar kaya't hirap ang mga kabataan na makakalap ng tama at sapat na impormasyon tungkol dito pati na rin sa iba pang mga isyu.

"I believe so with the very limited information in the island, 'yung mga nakakaintindi ng parliamentary government are those people who are involved in the sector na masyadong progressive, 'yung mga people or young people na they are young professionals. They understand that. Those people who are engaged in the government," sabi niya.

(Dahil sa kakulangan ng impormasyon sa isla, ang nakakaintindi lamang sa parlamentaryong pamamahala ay 'yung mga taong bahagi ng sektor na aktibo o kaya'y mga propesyunal. Sila ang nakakaintindi dito, kasama na 'yung mga may kinalaman sa pamamahala.)

"There are also young people who do not know ano 'yung type of government na 'to. Paano ba 'to nagra-run, sino-sino ba 'yung nandito... paano ba 'to sinisimulan, paano ba 'to tinatapos," dagdag ni Nurhati.

Ito rin ang tingin ni Marjanie sa mga kabataang Bangsamoro. Hindi pa rin daw lubos na nauunawaan ng mga kabataan ang bagong paraan ng pamamahala sa kanilang lugar.

Maging ang mga miyembro ng rehiyon na nakapag-aral o kaya'y mga itinuturing na propesyunal ay hindi pa rin daw gaanong pamilyar sa pamamalakad sa BARMM, ayon kay Marjanie.

"If we talk about the segment part of the community, which is 'yung mga educated or professionals, sometimes din po hindi nila ganoon naiintindihan 'yung form of government na mayroon sa Bangsamoro kasi nga bago eh," sabi ni Marjanie.

(Kung susuriin ang mga mamamayan ng BARMM na nakapag-aral o kaya'y mga propesyunal, masasabing hindi rin nila gaanong nauunawaan ang uri ng pamahalaan na mayroon sa Bangsamoro dahil ito ay bago.)

Aminado si Marjanie na hindi madali ang usapin tungkol sa pagtuturo sa mga kabataan tungkol sa kasalukuyang gobyerno ng BARMM. Pagtitiyak niya, ito naman daw ay patuloy na tinutugunan ng BYC sa pamamagitan ng kanilang mga proyekto at pagsasanay.

"We really acknowledged na challenge po 'yan but as far as our response to this is concerned, we have programs in order to mitigate or address this. One is it's a reality that we should be having a kind of advocacy, a kind of training or educational campaign for the people to understand what parliamentary form of government looks like," saad ni Marjanie

(Kinikilala po namin ang hamon na 'yan subalit may mga programa kami para masolusyonan ito. Kasama sa realidad na dapat ay magkaroon kami ng adbokasiya, pagsasanay o kampanya upang ipaunawa sa mga tao kung ano ang parlamentaryong pamamahala.)

Malaking bagay din daw ang natututunan ng mga kabataan sa paaralan. Para kay Marjanie, dapat maayos ang pagpapaliwanag ng mga guro tungkol sa mga usaping politikal upang sa murang kaisipan pa lamang, maunawaan na ito ng mga mag-aaral. 

Aminado ang mga tagapagtaguyod ng BARMM na hindi madali ang usapin ang tungkol sa pagtuturo sa mga kabataan.

Pag-amin ni BARMM Education Minister Mohagher Iqbal, marami pa rin daw isyu na dapat tutukan upang magkaroon ng maayos na sistema ang edukasyon sa rehiyon. Aniya, isang suliranin ang kakulangan ng bilang ng mga guro sa paaralan.

“One of the things that are really lacking in Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao in relation to education, we lack teachers,” sabi ni Mohagher.

(Isa sa mga kulang sa BARMM, kung pag-uusapan ang sektor ng edukasyon, ay ang bilang ng mga guro.)

Nagdagdag na raw ang BARMM ng mga guro sa Maguindanao, Basilan at Tawi-Tawi, sabi ni Mohagher. Sinisikap na rin daw na makapagpadala ng dagdag na guro sa lalawigan ng Sulu at Lanao Del Sur.

Bukod sa pagdadadagdag ng guro, iskolarsyip din ang handog ng BARMM para sa mga estudyante sa rehiyon, dagdag ni Mohagher.

Makabuluhan ang panawagan ni Nurhati para sa kaniyang mga kababayan sa BARMM. Hiling niya na magkaroon ang bawat isa ng pakialam sa kung ano ang nangyayari sa kanilang rehiyon sa kabila ng pagkakaiba nila sa ibang aspeto gaya ng relihiyon at kultura.

Naniniwala si Nurhati na hindi makakabuti ang pananahimik kung nag-aasam ng pagbabago at pag-unlad ang mga mamamayan ng BARMM. Kahit ano pa ang kasarian o edad ng isang tao, malaya dapat siyang makapagbigay ng ambag sa lipunan.

"Sa mga kapatid ko po sa Bangsamoro, iba-iba man ng relihiyon, iba man ang kasarian mo, I think mga kapatid kailangan nating makialam. Hindi tayo puwedeng maghintay na lang sa may sulok at nag-a-accept lang ng nangyayari," sabi ni Nurhati.

"We should make a noise… Ang pinag-uusapan dito hindi lang gobyerno ngayon. Ang pinag-uusapan dito ang ating hinaharap, lalo 'yung hinaharap ng ating mga anak. Let's make a voice, let's move forward, let's make our government better," dagdag niya.

BOL Article IV,
Section 4

Section 4.
Electoral System.

The Bangsamoro Government shall adopt an electoral system which shall be consistent with national election laws, allow democratic participation, encourage the formation of genuinely principle political parties, and ensure accountability.

PANTAY NA KARAPATAN PARA SA LAHAT

Bahagi raw ng moral governance na isinusulong ng BARMM ang pagtitiyak na umiiral ang pagkakapantay-pantay sa lahat ng taong naninirahan sa rehiyon—anuman ang tribo, kasarian, at pananampalataya.

“Ito ang advocacy ng MILF na sa governance ay higher ang standard. Usually ang nakikita nating standard ay good governance. ‘Yung atin po is higher than good governance. The standard is more on the moral values,” paliwanag ni BARMM Chief Minister Ahod “Al-Haj Murad” Ebrahim.

“Kung titingnan ninyo, more na makikita ito sa religion although not only in Islam kasi lahat naman ng religions ay basically ang itinuturo is morality, doon namin binabase sa moral issue,” dagdag pa niya.

Sa pagtatahi ng kwento nina Carolina, Rhenie, Manayang, at Nurhati, mahihinuhang iisa ang hinahangad ng mga kababaihan, kabataan at mga katutubo—ang malayang maging bahagi ng paghubog sa gobyernong kakatawan sa kanila.

Batid ni Ebrahim na marami pang dapat gawin para palakasin ang partisipasyon ng mga nabanggit na sektor sa mga demokratikong proseso tulad ng pagboto pero pagtitiyak niya, tuloy-tuloy ang mga hakbang ng BARMM para makamit ito.

“Sa ngayon ay continuing ‘yung pag-advocate natin sa kanila pero ‘yung level [ng awareness] ay di pa rin masyadong mataas sa ngayon. Mayroon tayong special group trying to promote ‘yung advocacy na ‘to,” sabi niya.

“Ang isang kailangang mai-raise natin eh 'yung sistema ng eleksyon na ang nakikita ay hindi naman resulta ng pagboto ng tao kung hindi may mga manipulation na nangyayari... ‘Yun ang kailangang ma-ensure sa electoral code na hindi ‘yun mangyayari, may manipulation, kasi ‘yung mga tao madi-discourage,” dagdag niya.

Nakasaad sa Article IV, Section 4 ng BOL na kailangang magkaroon ang BARMM ng isang electoral system na magtitiyak na magkakaroon ng malayang halalan sa rehiyon.

Ayon kay Ebrahim, plano ng Bangsamoro Transition Authority na maipasa ang Bangsamoro Electoral Code sa unang quarter ng 2021. Sa ngayon, nasa committee level pa lang ito ng parliament.

Bukod dito, kailangan din mapuksa ang clan politics at election-related violence sa rehiyon, ayon kay Ebrahim.

Bahagi ng normalization efforts sa rehiyon ang pagbuwag sa private armies para maiwasan ang mga insidente ng karahasan tuwing halalan.

“Maraming private armies na talagang nandiyan at nagagamit sa politika kaya nga part sa normalization ‘yung paano natin ma-dismantle ang private armies kasi it’s really posing violence during elections,” aniya.

Nabanggit din ni Ebrahim na pabor si Presidente Rodrigo Duterte na palawigin pa ang transition period hanggang 2025 sapagkat masyado raw maikli ang tatlong taon upang makapaglatag ng matibay na pundasyon para sa BARMM. Nakadagdag rin daw ang mga balakid na dala ng pandemyang COVID-19 sa implementasyon ng kanilang mga proyekto.

Paliwanag niya, hindi maaapektuhan ng hinihingi nilang extension ang eleksyon para sa mga lokal na posisyon sa 2022: “Ang hinihingi lang namin i-extend, ‘yung term ng BTA.”

Marami mang pagsubok sa transition, tiwala si Ebrahim na makapaglulunsad mas marami pang programa para sa mga residente ng BARMM ngayong 2021 ang iba’t ibang ministro sa rehiyon.

Umaasa siyang sa susunod na dekada, isang mas progresibo at mas maunlad na BARMM ang masisilayan ng mga sisibol pang henerasyon sa rehiyon.

Paglilinaw ng BARMM Chief Minister, ang kanilang paghahangad na magkaroon ng awtonomiya sa pamamahala ay hindi nangangahulugang hihiwalay ang kanilang rehiyon sa bansang Pilipinas.

“‘Yung principle of self-governance ay hindi naman ito independence. Ito is autonomy lang pero mayroong level ng independence sa national government,” aniya. “It will not violate national laws. May degree of independence pero we are still under Philippine government.”