Matapos lumabas ang balitang hiwalay na sina Bea Alonzo at Dominic Roque, may matalinhagang post ng larawan ng isang "sheep in a wolf’s body" ang kapatid ng huli.

Sa ulat ng PEP.ph nitong Martes, ibinahagi ng Lhean sa Instagram Story ang naturang matalinhagang post ilang oras bago nagsalita si Boy Abunda sa kaniyang programang "Fast Talk with Boy" kung saan kinumpirma niya ang paghihiwalay nina Bea at Dominic, batay sa makakuha niyang impormasyon sa mga mapagkakatiwalaan niyang sources.

Ang larawan ay patungkol sa kasabihan na “a wolf in sheep’s clothing,” na naglalarawan sa tao na “nagbabalatkayo" o hindi nagpapakita ng kaniyang tunay na sarili.

Bago nito, may nauna namang makahulugang post ang road manager ni Bea na si Cristina Ferrer tungkol sa kahulugan ng "manipulative sad boi."

Kasabay ng pahayag ni Tito Boy na hiwalay na ang dalawa at hindi na matutuloy ang kasal, nakiusap siya sa publiko na huwag husgahan sina Bea at Dominic.

Inihayag din ng King of Talk na hindi totoo ang mga espekulasyon na ang prenup agreement ang dahilan kaya hindi na matutuloy ang kasal ng dalawa.

Sinabi ni Tito Boy na batay sa kaniyang sources, hindi naging isyu kay Dominic ang prenup agreement. -- FRJ, GMA Integrated News