Filtered By: Showbiz
Showbiz

Angelu, ikinuwento ang reaksyon ng anak nang sasabihin makakatrabaho ang ex-bf na si Joko


Kabilang sa cast ng inaabangang Kapuso primetime series na "Mulawin Vs Ravela," ang aktres na si Angelu de Leon. Makakasama rito ng aktres ang dati niyang ka-love team na si Bobby Andrews, at dati niyang nobyo na si Joko Diaz— ang ama ng kaniyang anak na si Nicole.

Sa artikulong isinulat ni James Patrick Anarcon at lumabas sa PEP.ph nitong Martes, sinabi umano ni Angelu na hindi niya kaagad nalaman na makakatrabaho niya sa action-fantaserye si Joko.

Pero nilinaw ng aktres na wala naman siyang problema na makatrabaho ang dating nobyo.

"Ever since naman, we're civil. And siguro kasi, past is past," aniya.

Matatandaan na kasikatan ng love team nina Angelu at Bobby noong 1990's nang lumabas ang mga balitang buntis ang aktres, at si Joko ang ama.

Ayon pa kay Angelu, ngayon lang sila magkakasama-samang tatlo nina Bobby at Joko sa isang proyekto.

"First time na kaming tatlo. God is good, di ba? I think hinanda Niya kaming lahat. Pero sabi ko nga, hindi naman na siya issue," saad ng aktres.

Nang tanungin kung papaano niya sinabi sa 18-anyos na anak nilang si Nicole na magkakasama sila sa proyekto, sabi ni Angelu, "Wala, sinabi ko lang sa kanya, 'I'm working with your father.'

IN PHOTOS: Angelu De Leon's 18-year-old daughter Nicole is like a young Peachy

Patuloy ni Angelu, "Ganun lang ka-casual. Sabi niya, 'Nice!"

Sinabi rin ng aktres na nagkakausap naman sa telepono pero hindi nagkikita ang mag-ama. -- FRJ, GMA News