Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bembol Roco tied with Aeta tribe member for Best Actor at 1st To Farm Film Fest


Pinangaralan bilang Best Actor si Bembol Roco at ang baguhang aktor na si Garry Cabalic nitong Miyerkules, July 20, sa kauna-unahang edition ng To Farm Film Festival.

Ginanap ang awards night sa Rizal Ballroom ng Shangri-la Hotel Makati. Ang nasabing film fest ay sinimulan ng Philippine agriculture advocate na si Dra. Milgaros Ong-How at ng batikang direktor na si Maryo J. Delos Reyes.

Si Bembol ay gumanap sa karakter ni Mang Pepe, ang bida sa pelikulang Pauwi Na na idinirek ni Paolo Villaluna.

Si Garry naman ay gumanap bilang si Atan sa pelikulang Paglipay na pinamunuan ng Best Director awardee na si Zig Dulay. Gaya ng karakter nito sa pelikula, isa ring tunay na miyembro ng Aeta community si Garry.

Sa kanilang pagtanggap ng award, magkasunod na pinasalamatan nina Garry at Bembol ang bumubuo ng kani-kanilang pelikula.

 

 

1st Tofarm Film Festival Best Actor winners: Gabby Cabalic for "Paglipay" and Bembol Roco for "Pauwi Na."

A photo posted by PEPalerts (@pepalerts) on

 

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Bembol, ipinahayag nito ang kanyang pagkatuwa sa kanyang pagkapanalo ngunit mas masaya ang aktor dahil hindi lang ito ang naiuwing award ng kanilang pelikula.

Bukod sa award nila ni Direk Zig, kabilang sa mga parangal na natanggap ng team ng Pauwi Na ang Best Production Design, Best Editing, Best Story, at ang Jury Special Award for Outstanding Film.

Pahayag ng 62-year-old na aktor, 'It's very sweet for me... Over all, I think Pauwi Na, the film itself, really merits recognition because of the content and yung galing na pinakita ng mga artista at ng direktor.'

Dagdag pa nito, 'Yung content, yung story, how it was made technically—all the elements are there for it to be recognized as a good film. Winning many awards is a welcome surprise for all of us.'

Samantala, itinuring naman ni Garry ang sarili na masuwerte matapos itong kunin ni Direk Zig bilang aktor at ngayo'y nakapag-uwi pa ng parangal.

Sabi ni Garry, 'Para sa akin po, napakasaya dahil po first ko lang pong naranasan ito sa buhay ko. Suwerte ko po dahil ako pa po yung napili ni Direk Zig na maging aktor na gaganap sa pelikula. Hindi ko alam na ganito po ang mangyayari sa akin. Napakasuwerte ko po talaga.'

Hindi raw ito makapaniwala ng kunin siya ni Direk Zig bilang bida sa pelikula na Paglipay.

Saad ni Garry, 'Nung ako po yung kinuha ni Direk Zig, nagulat po ako dahil po hindi ko po akalain na ako po yung pinili niya. Ganito lang po ako kasimple pero ako po yung pinili niya.'

Bilang baguhang aktor, inamin ni Garry na nahirapan din siya sa kanyang pagganap, 'Medyo po nahihirapan pero kahit anong hirap po, kinakaya po namin para mabuo po namin ng malinis yung pelikula.' -- For the full story, visit PEP.ph