Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jose Manalo on impersonating Duterte: ‘Ayoko siyang gamitin na parang hanapbuhay’


 


Marami ang naaaliw sa bagong karakter na ginagampanan ngayon ni Jose Manalo sa comedy-variety show ng GMA Network na Sunday PinaSaya.

Ito ay si Rodney Duterte, na hango sa karakter ni incoming President Rodrigo Duterte.

Unang linggo pa ay nag-trending agad ang epektibong panggagaya ni Jose sa bagong pangulo ng bansa.

Tatakbo rin ba ang pag-i-impersonate ng komedyante kasabay ng anim na taong termino ni Duterte?

Ayon kay Jose, “'Yung concept ng Sunday PinaSaya, pictorial pa lang, meron na talaga nun, kaya lang hindi pa naumpisahan.

“Noong uumpisahan namin, malapit na ang eleksyon, tinanggihan ko.

“Sabi ko, 'Wag muna, baka mamaya maging biased tayo, baka meron tayong pinuproteksyunan.'

“And, of course, Tito Sen [Tito Sotto], siyempre kung nasaan si Tito Sen, nandoon kami.

“Irespeto pa rin natin, katrabaho kami.”

Noong manalo na lang daw si Duterte tinanggap ni Jose ang pag-impersonate dito.

“Ginawa na namin, pinanood ko lang 'yung mga video niya.

“Kahit hindi ko siya pinanood bago ako sumalang, pinakikinggan ko lang ang boses niya, 'yung tono.”

Ngunit sabi rin ni Jose, “Kung tatagal, okey lang, pero ayoko siyang gamitin na parang hanapbuhay.

“Ayoko siyang gawin na magiging show kung saan-saan.

“Presidente kasi ‘yan at alam natin kung gaano kainit ang isyu tungkol sa presidente natin.

“Gusto ko, kapag pinapanood si Duterte, natutuwa ang tao, hindi nakakatawa.

“Hindi pinagtatawanan, kasi iba ang natutuwa ang tao sa pinagtatawanan.”

Maka-Duterte rin ba siya?

“Kung ako ang tatanungin, kung sa atin talaga, kailangan, lahat naman tayo, gusto kong manubok.

“Gusto kong manubok ng bago, 'yung may karanasan din naman.

“Katulad nun, naging mayor, naging fiscal, subok lang tayo.

“Wala namang masama kasi nangangailangan din tayo ng bago na makakaahon sa atin or makakaganda ng bansa natin.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jose sa presscon ng bagong comedy series ng GMA-7 na Hay Bahay! noong Lunes, June 13.

Makakasama niya rito sina nina Vic Sotto, Ai-Ai delas Alas, Oyo Sotto, Kristine Hermosa, at Wally Bayola.

Natural comic

“Hindi nga ako nakapag-aral,” ang mabilis na sagot ni Jose nang biruin kung bakit napaka-henyo niya pagdating sa comedy.

Sa bilis ng pick-up niya, sa mga nakakatawang linya na binibitiwan niya, halos lahat ng gawin niya bilang isang komedyante ay patok sa mga manonood.

Nito nga lamang Martes, June 14, ay nag-trending ang pagkakahulog ni Jose sa isang maruming ilog sa Malabon habang nasa ere ang 'Juan For All, All For Juan' ng Eat Bulaga.

Dahil hindi nakita ang mismong pagkakahulog niya ay inulit pa ito ni Jose.

Look: Jose Manalo falls into river twice while hosting Eat Bulaga!

Pahayag ni Jose, “Ewan ko, siguro parang na-train na rin ako sa Eat Bulaga.

“Kailangan mabilis kang mag-isip, kailangan nag-e-edit ka kahit nagsasalita ka.

“Siguro ito na 'yung gift sa akin ni Lord.

“Hindi man ako binigyan ng magandang mukha, hindi man ako sinuwerte sa pag-ibig, eto ang ibinigay sa akin.

“At saka nasanay na rin siguro 'ko dahil araw-araw kong ginagawa.

“Buskador talaga ako, so nagamit ko 'yung kalokohang nakalakihan ko sa Tondo.”

Tanggap niyang hindi siya suwerte sa pag-ibig?

Tugon ni Jose, “Oo, e, ina-analyze ko 'yung mga ganun.

“Hindi talaga kumpleto ang ibibigay sa ‘yo.

“Kailangan may kulang, abuso ka kung suwerte ka sa lahat.

“So, enjoy-in ko na lang ang trabaho ko, kung ano ang tumatakbo sa araw-araw.

“'Yun na lang ang palagi kong dinarasal, Kayo na ang bahala sa akin sa araw-araw.

“Paggising ko, pagkatulog ko, salamat sa maghapon, sa talento… lalung-lalo na kung malakas ang katawan mo.

“Kayo na po ang bahala sa mga desisyon na gagawin ko sa buong maghapon.

“Nililibang ko na lang ang sarili ko sa pagba-basketball, exercise, hindi ako humihinto sa pagba-basketball.”

Halos lahat nga ng ipagawa kay Jose sa telebisyon ay mabilis nitong nagagawang katawa-tawa.

May pagkakataon bang may ipinapagawa sa kanya na tinanggihan niya dahil sa kanyang palagay ay hindi niya kayang gawin?

“Meron naman siguro,” pagmumuni ni Jose, “hindi ko kayang maging malungkot, ayoko, ayoko.

“Sa movie kasi, sa industriya, kahit sinong artista, kapag tinanong mo, kayang gawin lahat, kasi 'yun ang ibinibigay.

“Hindi ko pa alam, siguro hindi ko lang kaya na bibigyan mo ko na full-length na English ang sasabihin ko, hindi ko kaya ‘yan.”

Humbly speaking

Kapag sinabing Eat Bulaga!, alam ng lahat na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon ang nagdadala ng longest-running noontime show sa bansa.

Pero marami rin ang nagsasabing sina Jose at Wally ang nagbibigay ng katatawanan sa programa.

“Unang-una, salamat, pero hindi pa rin,” pasintabi ni Jose.

“Hangga’t nandiyan ang Tito, Vic, and Joey, Eat Bulaga! ‘yan, kahit anong sabihin mo.

“Kahit sabihin mong magaling si Wally, magaling si Jose, magaling si Alden o si Yaya, Tito, Vic and Joey pa rin.

“Kapag 'yung tatlo nawala na, wala na ang Eat Bulaga.”

Hindi naman kaya nagpapaka-humble lang siya?

Sabi ni Jose, “Hindi, hindi...

“Aminin na natin, kahit kaming mga artista sa Eat Bulaga!, alam namin 'yun, Tito, Vic and Joey, hindi tayo.

“Tayo ay naging part lang pero hindi tayo, at nagpapasalamat kami na naging part kami ng Eat Bulaga.

“Pero huwag natin masyadong i-accept 'yung mga taong pumapalakpak, nagsasabing ang galing mo sa Eat Bulaga.

“Huwag, hindi kailangan.”

Sa Hay Bahay! ay suporta sina Jose at Wally sa mga bida ng sitcom na sina Vic at Ai-Ai.

Hindi ba nila wini-wish ni Wally na silang dalawa naman ang mga bida sa isang programa?

Ayon kay Jose, “Ako kasi, parang masaya na ako sa support ako kay Bossing, okey na ako dun.

“So far, lahat ng movies na ginawa namin ni Wally na kaming dalawa, si Bossing naman ang sumupport sa amin.

“Nagge-guest siya, naging okey naman ang lahat, maganda naman, nag-click naman ang lahat.

“Pero parang 'yung ganitong sitcom, nakakatakot.” —PEP

For more showbiz stories, visit PEP.