Janine Gutierrez happy and pressured with her first primetime series 'Once Again'
Sa kauna-unahang pagkakataon ay magbibida na sa primetime ng GMA-7 si Janine Gutierrez.
Naikot niya ang afternoon hanggang sa morning serye pero sa "Once Again," primetime na nga siya inilagay ng Kapuso Network.
Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Janine sa presscon ng "Once Again" sa 17th Floor ng GMA-7 noong April 21, inamin niyang may pressure siyang nararamdaman.
“Opo, may pressure po talaga. Kasi, ngayon lang talaga ako nabigyan ng kuwento na talagang drama."
“Tapos, yung mga artistang kasama ko, talagang bigatin. Mga Ms. Jean Garcia na ang huling palabas halos umabot ng dalawang taon, pati si Thea Tolentino."
“Iba rin po talaga ang pressure ng 'Once Again' para sa akin. Siguro pini-pressure ko rin ang sarili ko na kailangan maganda ang pagkakagawa, kasi bigay nga ng GMA. At saka maganda talaga ang kuwento, e.”
Bilang artista, alam daw niya na kailangang palagi siyang handa at maibigay ang best niya.
“Siyempre, bilang pinapahalagahan mo ang trabaho mo. At saka, pangarap ko ‘to, e—magbida sa primetime at mabigyan ng kuwentong drama. Sinusubukan ko po talagang gawin ang best ko.”
Masasabi ba niyang nakakadagdag sa pressure ang pagiging miyembro niya ng pamosong showbiz clan?
Sagot niya, “Actually dati, noong nagsisimula pa lang akong mag-artista, ang palagi kong sagot, hindi po, wala pong pressure. Siyempre, supportive po ang pamilya ko."
“Pero kahit na supportive sila, nakaka-pressure rin pala kung aaminin mo sa sarili mo, di ba? Kasi si Mama, nanalo na naman ng Best Actress, I’m so proud of her. Tapos, yun na nga, nakaka-pressure."
“Pero sa tingin ko naman, kahit na hindi ka galing sa pamilya ng mga artista, kapag binigyan ka ng magandang kuwento at talagang binigyan ka ng show, mapi-pressure ka rin sa sarili mo na patunayan na karapat-dapat ka sa posisyong yun.”
WORKING WITH ALJUR
Positibo ang mga pahayag ni Janine tungkol sa leading man niyang si Aljur Abrenica na itinuturing na “second coming” niya ang pagkakaroon muli ng primetime series sa GMA-7.
Ayon kay Janine, “Masaya ako, masaya akong katrabaho siya. Kahit ako, nagulat na marami pala kaming puwedeng pag-usapan. Marami pala kaming similarities."
“Kasi noong 'Dangwa,' parang hindi kami masyadong nakakapag-usap."
“Tulad noong isang araw, tine-text siya ng kapatid niya, tine-text siya at ipinapakita yung damit kung okay lang ba. E, ganun din yung mga kapatid ko, parang hiraman kami nila Max. Tapos, mahilig din siya sa aso."
“At saka, ang kulit-kulit niya, hindi ko alam na 'yun na nga.”
Dugtong din niya, “Ako, I’m really happy right now, parang everything, lahat sa buhay ko, natutupad ang pinagdasal ko simula pa lang ng taon.
“At first time na ako, si Mama, si Papa, sabay-sabay na nagte-taping. So masaya ko na busy kaming lahat.” — Bianca Rose Dabu/APG, GMA News