Filtered By: Showbiz
Showbiz
DESPITE SPS SUCCESS

Why Gladys Guevarra isn't ready to return as Eat Bulaga regular



Kapansin-pansin ang pagiging visible ulit ngayon sa telebisyon ng comedienne-singer na si Gladys Guevarra.

Regular na siyang napapanood sa comedy-variety program ng GMA Network na "Sunday Pinasaya," kung saan ginagampanan niya ang papel ng batang si Chuchay.

Ngunit ayon kay Gladys, choice naman niya noon kung bakit pansamantala siyang nawala sa limelight.

Saad niya, “From that time, noong bumalik ako from New York, nag-TV ako. Sabi ko, hindi pa ko ready. So, umalis ako ulit. Pagbalik ko, nag-offer ulit ang GMA, ang Manny, Manny Prizes at saka Show Me Da Manny."

“Sabi ko, hindi na ‘to career. Bread and butter na, work na.”

Ano ba ang kaibahan ng career at work para sa kanya?

Paliwanag ni Gladys, “Sa career kasi, parang ibinibigay ko ang buong buhay ko riyan kaya ako nagiging topakin. Nade-drain ako, napapagod ka. Lumalabas yung the demonya in me. Impakta lang naman ako kapag pagod ako, puyat ako, at wala akong tulog."

“Pero ang kaibahan ng career sa bread and butter, ‘A, gagawin ko ‘to kasi trabaho ko ‘to.’"

“Hindi kagaya dati sa Eat Bulaga, career, kailangan may goal tayo, kailangan ma-reach natin si ganito, kailangan ma-experience ko ang pagiging Comedy Queen.”

Aware daw si Gladys sa sinasabi ng ilan na nakabalik na siyang muli sa industriya.

Pero paglilinaw niya, “Hindi naman kasi ako nawala, so paano nila sasabihing nakabalik ako? Kasi, yung pag-alis ko naman, choice ko naman yun. Choice ko para mapahinga. Two, mag-refresh lang sa utak mo.”

Kinagigiliawan ngayon ng maraming manonood ang tambalan nina Gladys at Boobsie Wonderland sa Sunday Pinasaya, bilang ang mga batang makukulit na sina Chuchay at Boobsie.

May iba pa ngang nagsasabi na sila raw ang female version ng comic tandem nina Jose Manalo at Wally Bayola.

Pahayag ni Gladys tungkol dito, “Actually, may mga nagpi-feed nga na ganyan, ‘Inaabangan kayo sa Sunday Pinasaya,’ masarap. Pero gaya nga ng sabi ko, hindi na ito career sa akin."

“O, sige, ang tema ng iba, nakabalik ka. O sige, itong pagbalik ko na ito, hayaan niyo nang nakaapak ang paa ko, ‘wag niyo nang pakialamanan. Kasi, kapag umaangat na naman ako, sinisibak niyo rin naman ako, so dito na lang ako. Gusto ko, ganun na lang.”

Ngayon daw, natutuwa si Gladys kahit papaano ay nakakabalik na rin siya sa "Eat Bulaga!" bilang guest.

“Kasi, kung papaano ako sa loob, kung papaano kami sa loob, hindi naman sila nagbago sa akin,” sabi ni Gladys.

Wish niya bang makabalik sa "Eat Bulaga!" nang regular?

Tugon niya, “Sinabi ko rin ‘yan, sino ba naman ang ayaw na bumalik sa Bulaga? Kasi, naging close naman ako sa kanila at hindi naman nagbago ang pakikitungo nila sa akin."

“It’s just that, kapag bumalik ka dun, kailangan buo na muli ang loob ko na mag-commit. Kapag nag-commit ba ako, hindi na ako matotopak? Kapag nag-commit ba ako, hindi na ako mapapagod?"

“At saka, hindi lang yun, hindi lang isang tao ang kakausapin mo dun, kailangan pupuntahan mo ang kaitaas-taasan. Hindi puwedeng, ‘Balik na ako dito, Malou [Choa-Fagar, TAPE executive].’ Hindi puwede.” —PEP

For the full story, visit PEP.