Lani Mercado, ikinuwento ang huling pagbisita ni Kuya Germs kay Bong Revilla noong Pasko
Emosyunal at mugto ang mga mata ni Lani Mercado nang humarap sa media at makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa lamay ng Master Showman na si German Moreno nung nakaraang Linggo, January 10, sa Mt. Carmel Shrine Parish, New Manila, Quezon City.
Ayon sa actress/politician, magagandang alaala ang iniwan sa kanya at sa asawa niyang si Senator Bong Revilla ng itinuturing nilang tatay-tatayan sa showbiz.
"Napakarami kong memories kay Kuya Germs. Sa GMA Supershow ako unang nakilala, yung hosting prowess natin.
"Dun ako nagka-boyfriend, nagkaasawa, nagkaanak.
"Pero ang huling memory ko talaga ay yung pagdalaw niya sa Camp Crame, binisita niya si Bong last Christmas.
Sabi pa namin sa kanya, "Kuya Germs, magpapahinga ka pag malakas ka na.
"Natuwa kami kasi di siya naka-wheelchair, nakabaston lang siya."
Nagkabiruan pa nga raw siya at sinabing magpahinga naman si Kuya Germs kahit pa kilala siya sa tagline niyang "walang tulugan."
Kuwento ni Lani, "Sabi ko, 'Mahaba pa, makakasama ka pa namin sa mahabang panahon.'
"Nagkakabiruan, sinasabi naming, 'O, matulog ka naman, magpahinga ka naman.'
"'Kasi ikaw, laging walang tulugan kaya ka nagkakaganyan, pero huwag kang mamahinga nang matagal.'
"Sinabi namin 'yan sa kanya 'tapos, 'Kuya Germs, dalaw ka uli sa amin.'
"'Tapos finally nalaman nga namin a few days ago na namayapa na si Kuya Germs.
"Malungkot na malungkot kami, lalo na si Bong.
"We always look forward sa mga bisita niya sa Camp Crame.
"Nung inatake siya, nung naka-recover siya, naka-wheelchair, dumadalaw kay Bong, kaya talagang mami-miss namin siya."
Labis daw ikinabigla ni Lani ang pagyao ni Kuya Germs noong January 8, dahil inakala nilang maayos na ang kundisyon nito.
"Nabigla kami dahil yung huling pagkikita namin, ina-assume namin na makakarecover siya dahil nakatungkod na nga.
"Nabigla kami nung nalaman namin ng madaling-araw, the following morning.
"Di pa rin nagsi-sink in na nawala na si Kuya Germs."
Para sa aktres ay isang malaking kawalan sa industriya ang pagkawala ng TV host/comedian lalo't napakarami nitong natulungan kabilang na silang mag-asawa. -- For the full story, visit PEP.