Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ken Chan reveals attracting male admirers as 'Destiny Rose'




Naranasan na ni Ken Chan ang matinding dusa ng mga babae kapag inaayusan ang mga ito.

Sa pag-ayos na lang kay Ken bilang isang transgender sa Destiny Rose ay inaabot nang higit na apat na oras.

“Actually, two hours to put on makeup, pati sa pag-ayos ng buhok; kailangan kasi flawless ang dating—yung diyosa lang!

“’Tapos another two hours para sa pagsuot ng mga panloob ko sa damit ni Destiny Rose.

“May mga paddings ako na nilalagay para flat siya sa area na iyon!” sabay tawa ni Ken.

Kasama na rin daw ang pagpili ng tamang shoes, stockings, accessories, at pati na ang nails ay inaabala ng glam team ni Ken.

“Iba-iba ang glam team namin for Destiny Rose; iba sa makeup, sa buhok, at sa damit.”

In character si Ken Chan bilang Destiny Rose habang kausap siya ng ilang member ng media na bumisita sa set ng naturang teleserye noong nakaraang November 25, Miyerkules, sa Matandang Balara, Quezon City.

Saad pa niya, “Plus may acting coach pa ako on the side para hindi ako mawala sa character.

“May tendency kasing maging over ako sa character kaya tino-tone down namin especially ang boses ko.

“Pati na sa mga paggalaw ko, kailangan tamang-tama lang; parati ko raw isipin na babae ako at hindi bading.

“Thankful naman ako kina Sir Michael de Mesa at kay Katrina Halili kasi kasama sila sa mga nagbabantay sa pag-arte ko.

“One time sinabihan ako ni Sir Michael na huwag kong sobrahan ang pag-emote, yung tamang timpla lang.

“Si Katrina naman, binabantayan niya ang pagkilos ko; may kilos daw kasi ako na para akong sumasali sa beauty contest.

“Sabi niya, ‘Uy, nasa opisina ka, wala ka sa beauty pageant, umayos ka!’ sabay nagtatawanan kami kasi tama naman siya!”

MALE ADMIRERS. Ayon kay Ken, hindi raw siya bumibitaw sa kanyang character bilang si Destiny Rose kapag nasa set na raw siya ng kanilang taping.

Yun daw kasi ang natutunan niya sa isang acting workshop na huwag bibitaw para consistent siya sa kanyang performance.

“As much as possible, ayokong bumitaw talaga; kapag naipasok ko na ang character ni Destiny Rose sa pagkatao ko, yun na ‘yon.

“Hindi na siya mawawala hanggang matapos ang taping namin,  kaya pati mga tao sa production.

"Nagugulat sila na kahit breaktime namin, very Destiny Rose pa rin ako.

"From the way I walk, talk hanggang sa pag-upo ko, may tatak-Destiny Rose.

“May mga nagtataka kung bakit gano’n ako, puwede naman daw magpahinga ako saglit from my character.

“Puwede naman iyon, pero para sa akin, gusto ko tuluy-tuloy lang ako para hindi mawala,” diin pa ni Ken.

Isa pang kuwento niya, meron na nga raw mga lalaki na gustong makipagkilala sa kanya sa social media.

“May isang guy na gustong makipagkilala ’tapos may isa pang gustong mag-propose!

“Ewan ko ba kung serious sila pero kung totoo man, effective ang pagganap ko as Destiny Rose.

“Siyempre nagpasalamat na lang ako sa mga ito dahil pinapanood nila ako.

"Sinasabi ko naman parati na aktingan lang ito, pero nakakatuwa na may mga sumeseryoso kahit alam nilang TV drama lang ito.”

So ine-enjoy na ba ni Ken ang kanyang pagiging transwoman in real life?

“Medyo! Echos!!!” malakas na tawa ni Ken, “Kailangan ko lang i-enjoy kasi ang saya naming lahat sa set.

“Lalo na at maganda ang ratings namin at parati kaming nagte-trending; doon ako nag-e-enjoy talaga.

“As for being Destiny Rose, kasama ito sa package ng pagiging artista ko sa teleserye namin.

“Kailangan mahalin mo ang trabaho para mahalin ka pabalik, ‘di ba?

“Kaya heto love namin ang work naming lahat kaya maganda ang result parati.” -- PEP.ph