Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dexter Doria lauds young stars of GMA: 'Ang gagalang at saka very professional'





 
“Oo nga, e!” ang bulalas ng veteran character actress na si Dexter Doria nang tanungin namin kung mabait ang papel na gagampanan niya sa bagong primetime series ng GMA na Pari Koy.

Ayaw ba niya kapag mabait ang karakter niya sa isang proyekto?

“Natatakot ako. Baka hindi tanggapin ng tao!” at humalakhak si Dexter.

Bago ang Pari Koy ay mabait din ang papel niya sa Hiram Na Alaala.

“At dati sa Villa Quintana, mabait din. Kaya natatakot ako, nata-typecast akong mabait.

"Tatlong sunud-sunod. Hindi kaya typecasting ang tawag dun?”

Alin ba ang mas gusto niya, ang salbahe o kontrabida siya palagi?

Sagot ni Dexter, “Salbahe. Sanay ako dun, e.

"Kaya lang, gusto ko rin ito, kasi bagong endeavor. Ito, e, bago.

“At saka may kasabihan na 'pag mabait ang role mo, magiging mabait ka talaga... joke lang!”

Sa Pari Koy ay siya si Salome Marasigan, ang pinakamabait sa Tres Marias na kinabibilangan nina Chanda Romero bilang si Martha Buenavista at Luz Valdez bilang Esther San Pablo.
 
YOUNG AND PROFESSIONAL. Sa Villa Quintana, Hiram Na Alaala, at ngayon sa Pari Koy ay may mga kasama siyang teen stars.

Bilang matagal na siya sa industriya, paano niya idi-differentiate ang mga kabataang artista noon at ngayon? 

Ayon kay Dexter, “Ako, hangang-hanga ako sa mga baguhan ngayon.

"Kasi noong panahon namin, kami yung baguhan, e...

“Yung mga baguhan ngayon, puro sila magagalang a tsaka puro sila professional.”

Hindi ba sila magalang noong araw?

“Ako magalang, pero hindi ko alam yung iba!” sabay-tawa niya.

“Ngayon, ang gagalang at saka very professional.”

May ibang veteran stars na may reklamo sa ilang young stars ngayon, na may attitude daw at hindi marunong rumespeto.

Sabi ni Dexter, “Na-experience ko na rin, pero sa ibang channel. Merong mga artista sa ibang channel na ganun.

"Ang lahat ng artista sa GMA, mababait.

"I don’t know if it has anything to do with the training, but that is a fact. Totoo 'yan, 'totoo yan!”

Nasa Pari Koy ang Kapuso young stars na sina Jillian Ward, Jeric Gonzales, Lindsay de Vera, Hiro Peralta, Jhiz Deocareza, at David Remo.

Ang mga naranasan naman daw niya sa ibang istasyon ay hindi grabe.

“Walang ganung klaseng kagrabe, pero meron yung mga kunyari hindi ka nakita, hindi ka babatiin.

"Hindi dito, ha?" diin niya.

Sa kabilang istasyon?

“Not necessarily sa kabila, sa ibang network.

“Tatlo lang naman 'yan, e.

“Pero dito [sa GMA], wala, wala akong na-experience na hindi maganda.”? -- Rommel Gonzales, PEP


For the full story, visit PEP.