Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dennis Padilla sa anak na si Julia Barretto: 'Marami rin akong pagkukulang sa nanay mo'




(Photo: Borrowed from Julia Barretto's Instagram account)

Masaya si Dennis Padilla na nagkaayos na sila ng nakaalitang anak na si Julia Barretto. Hindi naman itinanggi ng komedyante na dumating na siya noon sa punto na napagod na sa paghahanap ng paraan upang maayos ang sigalot nila ng anak.

Sa panayam kay Dennis ng Aquino & Abunda Tonight, na ipinalabas ngayong nitong Lunes, March 2, sinabi ng komedyante na sobra siyang masaya sa mga bagong kaganapan sa kanila ng panganay na anak nila ng dating asawang si Marjorie Barretto.

Aniya, “Well, siyempre noong ilang araw, malungkot ka, ‘tsaka iniisip mo kung invited ka ba sa debut ng anak mo.

“Sabi ko, ‘Okay na lang na hindi na ako imbitado, basta masaya lang si Julia dun sa debut niya.

“Dumating ka na sa punto na napagod ka sa kaka-reach out.”

Magdiriwang ng kanyang 18th birthday si Julia sa March 10.

Tanong pa ni Boy Abunda kay Dennis: Anong klaseng pagri-reach out ang ginawa niya?

Sagot ng komedyante, “Kasi, a lot of times, I want to borrow them.

"A lot of times I like to call them, text them.

"Kahit na bago lumabas yung family name issue na ‘yan, I tried reaching out to Julia.

“There was one time I called her. There was one time I texted her.

"Sabi ko, ‘Julia, I already saw your petition for change of name. When can we talk?’

“Hindi naman niya ako nasasagot.”

Ang tinutukoy ni Dennis ay ang petisyon ni Julia sa Quezon City Regional Trial Court na matanggal ang kanyang apelyidong Baldivia, ang totoong apelyido ni Dennis, at gamitin na lamang nito ang apelyido ng ina na Barretto.

Nauna nang naiulat na naganap ang pagbabati nang mag-ama nang puntahan ni Julia si Dennis sa taping ng ABS-CBN game show. Doon iniabot ng young actress ang imbitasyon sa kaniyang debut at nagpakuha rin sila ng larawan na ini-upload ni Julia sa Instagram.

Ayon kay Dennis, wala sa hinagap niyang magkikita sila ni Julia sa taping.

Doon din umano nagkaroon ng pagkakataon na magkausap ang mag-ama.

“'Tapos I started talking. Marami akong nasabi sa kanya na halos pitong taon ko ring hindi nasasabi.

“Sinasabi ko sa kanya na, ‘Julia, you are a legitimate child. That’s why I am fighting for my family name.’

“'Tapos sinabi ko, ‘Alam mo, anak, kung sinabi mo sa akin yun earlier... Sinabi mo sa akin, ‘Papa, gusto ko talagang ipatanggal ‘yang family name, e, kasi ganyan, ganyan.’

“Kung anuman ang reason mo, mas matatanggap ko.

"Sabihin ko pa sa 'yo Julia na, ‘If you will be happy with it, sige, papayag ako.”

Bakit siya papayag?

Sagot ni Dennis, “E, kasi siyempre ‘pag mahal mo yung anak mo, ang una mong isipin…

"Kapag sinabi niya sa akin na, ‘Pa, it will give me peace, so magiging maligaya ako,’ papayag ako.”

Dagdag ni Dennis, naitanong din sa kaniya ng anak kung bakit sila nagkahiwalay ni Marjorie.

Pag-amin naman ng aktor, marami siyang pagkukulang .

“'Tapos sabi ko, ‘Kasi marami rin akong pagkukulang sa nanay mo, hindi na ako nakapagtustos sa inyo nang tama.

“Minsan meron, minsan wala.

"Marami akong pagkakamali."

Dahil sa kanilang pagkakaayos, may mga pumupuna na ginagamit lang daw siya ni Julia para sa career nito.

Tugon dito ni Dennis, “Yung mga bashing na natatanggap ng anak ko dahil sa mga pangyayari, siyempre naawa ako, anak ko yun, e.

“Sabi ko, ‘Huwag na nating pag-usapan ‘yan, kalimutan na natin ‘yan yung mga nangyari kasi kasama yun ng buhay, e.”

Kinumpirma rin ni Dennis na dadalo siya sa debut ni Julia. -- Arniel C. Serato, PEP


For the full story, visit PEP.