Filtered by: Showbiz
Showbiz

Christmas won't be the same without Tiya Pusit, says Nova Villa


Tatlong buwan na ang nakakaraan simula noong sumakabilang-buhay ang komedyante at kapatid ni Nova Villa na si Tiya Pusit. 
 
Ayon kay Tita Nova, magiging malungkot ang Pasko niya dahil wala na nga ang kanyang kapatid. Pero alam niyang masaya na ngayon ito dahil nasa piling na ito ng Panginoon. 
 
“Yes, Christmas will never be the same without my sister. Nagkaroon man kami ng mga hindi pagkakaunawaan tulad ng mga normal na magkakapatid, alam naman niyang dala iyon ng matinding concern ko sa kanya bilang nakatatandang kapatid.”
 
“Ngayon nga at wala na siya, I am always praying for her. Kung may pagkukulang man ako kay Pusit noon, dumating din ang panahon na nagkaayos kami.”
 
“It would have been great kung nandito pa siya ngayon to celebrate Christmas with us. But I know that she is celebrating Christmas in heaven,” ngiti pa ni Tita Nova.
 
Ang huling wish daw ni Tiya Pusit ay ang mapaayos nang maganda ang bahay nito, lalo na ang kanyang kusina at kuwarto. 
 
Ginawa naman daw iyon ng kanyang mga anak bilang parangal nila sa pagkawala nito. 
 
“Nagulat din ako kasi sinabi ng mga bata sa akin na yun ang hiling ng kanilang ina. Pero nagawa na nila at natuwa naman ako. Yung dream kitchen at bedroom ni Pusit ay natupad naman. Nilagyan nga nila ito ng picture ni Pusit dahil para sa kanya ang mga iyon.”
 
“Naiyak nga ako kasi kung buhay pa sana si Pusit, nakita niya lahat ng ito. But I am sure ginagabayan naman niya ang mga anak at apo niya parati kahit wala na siya sa mundong ito,” lahad pa niya. 
 
Muling magiging abala si Tita Nova dahil kasama siya sa bagong primetime series ng GMA-7 na Once Upon A Kiss bilang butihing lola ni Bianca Umali. Kaya nga raw hindi siya makapag-Christmas sa Amerika ngayon ay dahil may bago siyang teleserye. 
 
“Yun ang unang plano. Kung wala akong teleserye pa, baka nasa U.S. ako with my daughter because she just had twins. May kambal na akong apo. Pero dahil may trabaho tayo, dito na tayo mag-Pasko at makakasama ko naman ay mga pamangkin at mga apo ko kay Pusit.”
 
“Tama rin naman dahil gusto ko naman makasama ang mga batang ito ngayong Pasko dahil first Christmas ito na wala si Pusit. Although may lungkot, gagawin pa rin naming masaya ang Christmas na ito dahil ito ang gusto ng kapatid ko para sa pamilya niya,” kuwento pa ni Tita Nova. — PEP
 
More Videos