Ai-Ai delas Alas on 30-year age gap with bf: ‘Ang pag-ibig, wala ‘yan sa edad’
Kitang-kita ang pagiging sweet ng magkarelasyong Ai-Ai delas Alas at Gerald Sibayan sa ginanap na Ai-Ai 1st Badminton Cup noong November 8 sa Asuncion Badminton Center, San Juan City.
Nilinaw ni Ai-Ai na bago pa man niya nakilala ang 20-year-old boyfriend, na miyembro noon ng national badminton team, marunong na talaga siyang maglaro ng sport na ito.
Pero inspired naman daw ang aktres, na magsi-celebrate ng kanyang ika-50 na kaarawan sa darating na Lunes, November 10. Nakangiti nitong saad, “Alam niyo na naman yun, pero huwag niyo nang tanungin. Pero in fairness naman sa akin, bago ko siya nakilala, marunong naman akong maglaro ng badminton.”
Unang umamin si Gerald sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na sila na nga ni Ai-Ai noong September 15, 2014.
Kailan nga ba ipakikilala ng aktres nang pormal sa publiko at press ang kanyang nobyo?
Ngunit ayon kay Ai-Ai, “A, hindi na, okay na yung ganun. Wala nang ganun, wala nang official.”
Natatawa pang sabi ng komedyana, “Hayaan mo na siya. Pabayaan niyo na siya, patahimikin na natin ang buhay niya.”
Bakit ayaw niyang ipakilala sa publiko ang kanyang boyfriend?
Sabi nito, “Okay na yun. Hindi dahil sa hindi ko siya mahal, ayoko na lang na masyadong maingay ang lovelife ko, dahil nadala na ako dati, e. Masyadong open yung lovelife ko sa tao, sa buong Pilipinas, sa buong mundo. So, nung merong nangyaring hindi maganda, alam mo yung malungkot din naman, wala namang may gustong maging hindi maganda ang lovelife mo.”
“So, ngayon, mas maganda yung tahimik, mas may mystery naman, at 'tsaka huwag na lang. "Siguro kasi naman, private na buhay ko naman ‘to. "Kung noon, inilahad ko sa inyo yung buhay ko, ngayon siguro meron naman akong itago para sa sarili ko."
Kuntento na raw si Ai-Ai sa kanyang buhay ngayon.
“Oo, happy naman ako. And happy naman ako sa life ko, mas happy lang kasi nandiyan siya,” pagtukoy niya sa nobyo.
Napansin ng media na maiiksi ang sagot at halos umiiwas si Ai-Ai na pag-usapan si Gerald. Kaya naman naglambing kami ng tanong kung paano nagtagpo ang frame of reference nila dahil sa 30-year age gap sa kanilang edad.
Seryosong sagot ni Ai-Ai, “Ang pag-ibig naman, wala ‘yan sa edad, e. Dumating siya sa buhay ko ng… siguro ibinigay siya sa akin kasi hindi ko naman ini-expect yun e. “Yun yung time na ayoko na talagang mag-boyfriend.”
"Pero nung dumating siya, may mga bagay pala na, ‘A, may mga mababait palang lalaki talaga.’ Or, ‘Meron pala talagang lalaking para sa iyo.’ "Siguro, yun 'yon."
Ipinagdasal ba niya si Gerald?
Ayon kay Ai-Ai, “Hindi siya in particular, pero nagdasal ako na, ‘Sana po ganito sa susunod yung ibigay Niyo po sa akin.’ And almost yun naman.” - Pep.ph