Filtered By: Showbiz
Showbiz

Julia Barretto camp explains filing of change of name




Lalong lumala ang hidwaan ng mag-amang Dennis Padilla at Julia Barretto pagkatapos magpa-interview ng komedyante sa Startalk noong Sabado, July 12.

Hindi napigilan ni Dennis na maluha nang ilabas ang nararamdaman niya sa pag-file ni Julia ng petition sa Quezon City Regional Trial Court ng change of name.

Basahin: Dennis Padilla, emosyunal sa plano ng anak na si Julia Barretto na alisin ang apelyido niyang 'Baldivia'

Nais ni Julia na gawin nang Barretto ang legal na apelyido niya imbes na Baldivia, na siyang totoong apelyido ni Dennis.

Sabi ni Dennis, magpa-file sila ng Motion to Intervene sa kasong iyon.

Kung iga-grant daw ng korte na palitan ang apelyido ni Julia mula Baldivia sa Barretto, hindi na raw ito iku-contest ni Dennis.

Hindi pa rin naman daw magbabago ang pagtingin ng komedyante sa kanyang anak, at nandiyan pa rin daw ang pagmamahal niya kay Julia.

Pagkatapos ng interbyung iyon, napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na tumawag si Julia sa kanyang ama at nagkausap sila.

Umiwas si Julia na magpa-interview.

Noong Lunes, July 14, ay umalis na ito patungong London.
 
THE SITUATION. Bago siya umalis ay nakausap niya ang kanyang legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan.

Ayon sa abogado ni Julia, apektado ang kliyente niya dahil ang dami raw nagagalit sa kanya at bina-bash sa kanyang Instagram account.

Kuwento ng isa pang legal counsel ni Julia na si Atty. Irene Garcia, “Masama ang loob ni Julia because people now are quick to judge her.



“She was put in a bad light because of that interview.

“Pero sa totoo, si Julia never really intended to disrespect the father.

“She really respects the father, except that it was taken out of context yung pag-file niya ng petition, where in fact, yung pag-file niya was really meant to correct lang yung situation.”

Ipinaliwanag ngayon ni Atty. Kapunan ang sitwasyon kung bakit kailangang palitan ni Julia ang kanyang apelyido mula sa Baldivia sa Barretto.
 
Aniya, “Una, ipinanganak si Julia nung March 1997.

"Yung tatay niya at si Marjorie were not married.

“Ibig sabihin nun, illegitimate ang status niya.

“Yung birth certificate niya, ang nakalagay, Julia Barretto, because ‘pag illegitimate child, ang pangalan ng nanay.”

Si Marjorie Barretto ang ina ni Julia.

Patuloy ni Atty. Kapunan, “Several months later, November of the same year—November 14, 1997—nag-asawa ngayon sina Dennis at si Marjorie.

“Ibig sabihin, ang illegitimate nilang anak, naging legal, bale legitimated na siya.

“Ang ibig sabihin nun, ang pangalan na ng tatay.

“So, pinalitan ang birth certificate niya na nasa civil registry ng San Juan sa Baldivia, which is really the surname of Dennis Padilla.

“Second birth certificate ng civil registry ng Quezon City.

“That is why itong kaso for change of name ay sa Quezon City, dahil doon naka-file and where she lives now.”
 
LEGAL MATTER. Dagdag pang paliwanag ng abogado ni Julia, “Unfortunately, hindi ganun ang nangyari.

“Ang pagkaalam ni Marjorie, because of the representation, based dun sa sinabi ni Dennis na wala na siyang asawa, hindi pala totoo, nung 2009 ‘yan.

“Nung nalaman ni Marjorie, nag-file siya ngayon sa court to declare the marriage null and void for being bigamous.

“Kasi ‘pag bigamous pala ang marriage, kailangan mo pa mag-file sa court. You cannot take matters into your own hand.

“Kaya nung October 2009, dineclare ang marriage na null and void.

“As consequence, lahat na children born on that marriage ay illegitimate.

“Balik na naman tayo sa… if you are illegitimate sa pangalan talaga ng nanay.

“Yun lang ang na-file na petition for correction of change of name to reflect the legal status.

“The surname should reflect the legal status of the child.

“Lumalabas kasi na napakasamang anak ni Julia, at ninais niyang palitan ang pangalan niya for the reason sa sinabi ng tatay niya, which is not true.

“Ang totoo po, ang ginawa lang namin ay legal step para lang talaga ma-reflect ang tunay na legal situation.”

Kuwento pa ni Atty. Kapunan, hindi maganda ang pag-uusap ng mag-ama pagkatapos ng interview ni Dennis sa Startalk.

“Parang nasigawan pa siya [Julia] ni Dennis. Parang napagalitan pa siya.”
 
PRIVATE CONVERSATION. Sinubukan ng PEP na hingan ng sagot si Dennis, ngunit tumanggi ito.

Nilinaw namin sa kanya kung nagkaroon nga ba sila ng pagtatalo ni Julia, at kung totoong nasigawan o napagalitan ba niya ang anak.

Text ni Dennis sa amin: “It’s a private conversation between a father and a daughter. No comment.”

Ipinasa kami ni Dennis sa kanyang abogadong si Atty. Mike Ramirez, at ito na lang daw ang magsasalita para sa kanya.

Nakausap namin si Atty. Ramirez at sinabi nitong nagsumite na sila ng Motion to Intervene.

Nakatakda nang dinggin ito sa family court ng Quezon City Regional Trial Court.

Naniniwala si Atty. Ramirez na iku-consider ng korte ang naturang motion na isinumite nila.

Narito naman ang paliwanag ni Atty. Ramirez sa panig ni Dennis:

“Yung kanilang basehan sa kanilang petition, sa aming point of view, it should have been properly done in a legal way.

“Nag-file po sila ng petition for change of name under Rule 103. Malinaw niyang ipinaliwanag para maunawaan ng lahat.

“Basically for non-lawyers, ang ibig pong sabihin nun, humihingi sila ng pagkakataong palitan yung pangalan under several grounds.

“Pero kung babasahin niyo po nang maigi yung petition na ginamit nila, it falls under Rule 108 which is the cancelation or correction of entry.

“Kasi po ang gustong mangyari sa petition ay change of legal status ng relationship ng petitioner at ng kanilang magulang na si Dennis.

“If that would be the case, under the law, it should have been adversarial proceedings.

“Meaning, dapat in-include si Dennis, at hindi lang po si Dennis, under Rule 108, it should have been included the San Juan Civil Registry kasi doon po naka-register ang Birth Certificate ni Julia.”

Naniniwala si Atty. Ramirez na may basehan ang kanilang motion to intervene at dapat na ibasura ito.

Aniya, “Ang position po diyan, dapat po i-dismiss yung kaso for improper venue, kasi sa Quezon City po siya na-file instead of San Juan, at hindi po isinama ang indispensable party, which is the San Juan Registry and the father of the petitioner si Dennis Padilla po.

“Yun hong intention ng petition is to change the relationship between Julia and her father—from legitimate to illegitimate.

“So, ang proper petition to file is under Rule 108, not under Rule 103.

“So, improper po yung ginawang legal action to our point of view.

“That’s why we filed the Motion to Intervene dahil indispensable party po si Dennis Padilla being the father.

“At hindi naman siguro natin maikakaila na wala naman sigurong matinong ama na hindi gugustuhin makialam sa kung ano mang importanteng bagay na mangyayari sa kanyang anak.

“Kahit po siguro masakit sa kalooban ni Mr. Dennis Padilla na merong ganung sitwasyon, sana man lang po sana isinama siya at binigyan ng pagkakataon na masabi yung kanyang posisyon sa gustong mangyari ng kanyang anak.”

Nagsumite na rin ang kampo ni Julia ng gag order sa korte. Kaya hindi na rin sila magsasalita kapag iniutos na ng korte ang gag order. -- Gorgy Rula, PEP