Filtered By: Showbiz
Showbiz
Allen Dizon, nilinaw ang pahikayat sa mga big star na gumawa ng indie movies
“Hindi naman sa tsina-challenge. Kumbaga para sa akin, gusto ko lang din na gumawa sila ng indie film,” aniya nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng pelikulang Kamkam sa 17th Floor ng GMA Network building.
“Siyempre, iba naman ang level no’ng commercial film. At saka malaki ‘yong production nila, Star Cinema.
“Gusto ko lang na, at least, maiba.
"At okey lang naman kung merong negative ang reaksiyon.
“Opinyon ko lang naman ‘yon e 'di ba?
“Baka sakali lang na gusto nilang gumawa ng indie film!” sabay ngiti ni Allen.
PROUD ABOUT INDIE FILMS. Malaking bahagi ng kanyang career ang indie films.
“Dito ako ano e parang ‘yong transformation ko, 'di ba?”
Sa paniniwala ba niya, mas may chance ang isang artista na mahulma bilang magaling na aktor sa mga indie films?
“Siguro isang puntos ‘yon, malaking puntos.
“Kasi ‘yong mga indie films, magaling ang director, magaling ang istorya.
“Kumbaga, reality of life o based on true stories or events, 'di ba?
“So ‘yong acting talaga, lilitaw do’n, e.”
Kung sabagay, nagsasalita siya based on his experience na mula sa pagiging sexy actor ay naging award-winning actor nang dahil sa mga gumawa siya ng indie films.
“Totoo naman, 'di ba? At saka hindi naman komo indie film na low budget e hindi na mapapansin ‘yong project. ‘Yong kabuuan ng pelikula pa rin naman.”
KAMKAM SIZZLES. Samantala, masaya raw si Allen na maganda ang feedback at review ng mga nanood sa press preview ng Kamkam na ipapalabas na sa July 9.
“May world premiere din ito sa isang film festival pero hindi pa namin puwedeng sabihin kung anong festival.
“Confidential pa pero malalaman n’yo rin.”
Pinag-uusapan ang maselang love scene nila ni Jackie Rice sa bagong offering na ito ng Heaven’s Best Entertainment. Hindi ba nagselos ang misis niya dahil dito?
“Sanay na siya sa ganyan!” sabay tawa ng aktor. “Kumbaga, boyfriend-girlfriend pa lang kami, gumagawa na ako ng mga ganyang love scenes.”
Ang boyfriend ni Jackie Rice ay balitang nagselos daw nang malaman ang tungkol sa love scene. Matagal daw na hindi nito kinibo ang aktres.
Saad ni Allen, “Trabaho lang naman ‘yon, siguro naman maiintindihan din niya na professional na artista naman ‘yong girlfriend niya.”
Ang co-star naman nilang si Kirbie Zamora na naka-love scene din ni Jackie ay aminadong natangay sa eksena kaya hindi napigilan ang sariling manggigil at nakagat ang labi ng aktres.
Mabuti at si Allen, hindi pinanggigilan si Jackie no’ng time na kinukunan ang kanilang love scene?
“’Yon nga, ako ang mas head at senior sa kanila, so ako ang dapat na promutekta. Kumbaga, puprotektahan ko ‘yong ka-love scene ko.
"Hindi pupuwede na magti-take advantage ka sa gano’ng eksena.
“Kung manggigigil lang e napakaganda ni Jackie Rice, 'di ba?” sabay ngiti niya ulit.
Dugtong niya, “Pero pagdating sa gano’n, medyo maselan ‘yan so kailangang magkontrol.”
FAMILY MAN. Sa pelikulang Kamkam, ginagampanan ni Allen ang role ng isang lalaking tatlo ang asawa. Pero sa totoong buhay, hindi raw niya gugustuhing mangyari ito.
“Hindi, unang-una, ayokong maging produkto ng broken family ‘yong mga anak ko.
“At saka mahirap ang obligasyon sa tatlong asawa na kailangang pantay-pantay ang atensiyon mo, hindi ko kaya. Ayoko, mahirap.
“Kasi naranasan ko ang walang tatay, e. So ayokong maranasan ‘yon ng mga bata.”
Bukod sa Kamkam, natapos na rin ni Allen ang pelikulang Magkakabaong (Coffin Maker).
“Magkakaroon naman ito ng world premiere sa Montreal,” masayang pagbabalita niya.
“Tinatapos ko rin ngayon ‘yong Children’s Show para naman sa Cinemalaya.
"Tungkol ito sa mga batang nakikipag-boxing o wrestling na may pustahan online.
“And then may isa pa na posible ko ring gawin. Ang story naman ay tungkol sa isang pari na nagkaanak.
“Pero hindi pa sure. Hangga’t hindi pa nagsisimula ang shooting, ayokong siguruhin na tuloy na talaga, so waiting lang.”
LOOKING BACK. Malayo na ang narating ni Allen. Bago siya sumabak bilang sexy actor, nakipagsapalaran muna siya sa Ginoong Filipinas.
“Noong 1998 ‘yon. Mr. Photogenic ako at Best in Swimwear pero ako nakapasok bilang finalist!” natatawa niyang pagbabalik-tanaw.
“’Yon lang, sa mga naging ka-batch ko sa Ginoong Filipinas that time, ako lang ang sinuwerte na maging artista.”
At hindi lang nga basta artista dahil ngayon ay kahanay na siya ng itinuturing na magagaling na aktor ng Philippine Cinema.
“Oo, 'di ba? At saka grabe ang struggle ko noon.
“Kaya masaya ako sa anumang na-achieve ko ngayon dahil nagkaroon naman ng magandang bunga ‘yong hirap at pagpupursigi ko dati." - Ruben Marasigan, PEP
Tags: allendizon, kamkam
More Videos
Most Popular