Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gov. Vilma Santos dragged into Nora Aunor-Coco Martin debt controversy




Isa si Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa napapabalitang tatakbo bilang Vice President sa 2016 elections.

At sa latest SWS survey nga ay isa ang pangalan ng Star For All Seasons sa mga nangunguna.

Bagamat nagpapasalamat sa paglutang ng kanyang pangalan sa survey, nilinaw ni Vilma na wala pa siyang deklarasyon tungkol sa pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa susunod na eleksiyon.

“Sabi ko nga, I am not entertaining that. Nadadamay pangalan ko… salamat na din,” sabi ng actress-politician nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa pamamagitan ng telepono, nitong Biyernes ng umaga, May 2.

Gusto raw ni Vilma na asikasuhin muna nang husto ang pagiging gobernador ng Batangas.

Katuwiran pa niya, gusto niyang tapusin ang kanyang termino bilang kauna-unahang babaeng governor ng Batangas “with flying colors.”

“Last term ko na kaya dapat lang na ang full time ko ngayon, e, dito sa Batangas.

“Pagkatapos ng break with the family, sagad-sagaran na ulit ng trabaho para sa mga Batangueño.”

Kagagaling lang ni Vilma, kasama ang mister na si Senator Ralph Recto at anak na si Ryan Christian, mula sa tatlong-linggong bakasyon sa Amerika.

Pero hindi pa naman daw niya isinasara ang posibilidad na tatakbo sa mas mataas na posisyon.
 
URIAN NOMINATION.  Isa sa mga sumalubong sa pagbabalik ni Vilma ay ang nominasyong nakuha niya mula sa Urian Awards, bilang Best Actress para sa pagganap niya sa pelikulang Ekstra.

“Salamat sa Urian na nagbigay din sa akin ng maraming karangalan," sabi niya.

Walong beses nang nanalong Best Actress si Vilma sa Urian: 1982 (Relasyon), 1983 (Broken Marriage), 1984 (Sister Stella L), 1989 (Pahiram Ng Isang Umaga), 1991 (Ipagpatawad Mo), 1993 (Dolzura Cortez Story), 1998 (Bata, Bata... Paano Ka Ginawa?), 2002 (Dekada '70).

Ngunit ayon kay Vilma, hindi na siya umaasang manalo sa pagkakataong ito.

Kabilang din sa mga nominado sa Best Actress sa Urian ngayong taon ay ang mahigpit na karibal ni Vilma, ang Superstar na si Nora Aunor, para naman sa pagganap nito sa Ang Kuwento Ni Mabuti.

Samantala, ayaw nang magkomento ni Vilma sa pagkakadawit ng pangalan niya sa pagkakautang diumano ni Nora kay Coco Martin.

May intriga kasi mula raw sa kampo ng Star For All Seasons ang nagpapakalat ng balitang may utang diumano si Nora kay Coco, na nagkasama sa isang indie film.

Saad niya, “Huwag na nating patulan ang ganyang isyu… count your blessings.

“Sa panahon ngayon, huwag na nating bigyan ng atensiyon ang mga ganung mga isyu.

“Sa totoo lang, dito pa lang nga sa Batangas, e, medyo napapagod na tayo, isasama ba natin 'yan sa mga iintindihin natin?”
 
INVITATIONS. Bukod sa mga inaayos na trabaho sa Kapitolyo ay panay pa rin ang pag-iikot ni Governor Vi sa mga nasasakupang bayan sa Batangas.

Kailangan daw niyang personal na alamin ang mga nagawang proyekto at pati na rin ang mga problema ng bawat bayan.

Sabi pa niya, “Ang dami ko ngang invitations sa ibang bansa for official affairs, like New York, Rome; and also for migrants and sa pelikula kong Ekstra.

“Pero hindi ko alam kung saan ako kukuha ng time para sa mga ‘yan, katatapos ko lang kasing magbakasyon...

“Pero sana nga, e, makakaya ko lahat physically, but hindi na tayo bumabata.

“’Pag hindi na kaya ng katawan ko, ayokong pilitin. Health is wealth.

“Gagawin ko lang at pupuntahan ko yung kakayanin ko.”

Tungkol naman sa mga nakatakda niyang gawing pelikula, hindi pa rin makapagbigay ng eksaktong schedule si Vilma.

Pero may hinihintay raw siyang script na kung tutugma sa schedule niya ay malamang kahit isang pelikula ay may makagawa siya ngayong taon.

Tungkol naman sa maugong na balita na tatakbong mayor ng Lipa City ang panganay na anak ni Vilma na si Luis Manzano, ayaw pang magbigay ng pahayag dito ng Star For All Seasons.

“Basta ang alam ko, maybe early next year pa magde-decide ang anak ko if he is running or not as mayor of Lipa City,” sabi ni Vilma. -- Jimi Escala, PEP