Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alma Moreno on Zsa Zsa Padilla's new romance: 'Panahon naman na, oras na para sumaya siya'


 

Itinanggi ni Alma Moreno ang balitang ayaw na raw niyang magbalik sa showbiz dahil sa pagiging public servant niya.

Kasalukuyang naninilbihan si Alma bilang konsehal sa Parañaque, at nahalal din siya bilang national chairman ng Philippine Councillors' League.

Pagpapatunay ni Alma sa pagnanais niyang umarteng muli, “Meron akong balak.

"Nandiyan lang naman ako, wala pa lang offer. 

"Siyempre, naghihintay ako… kasi yung soap, buong buhay mo, kalahati ng buhay, dapat nandiyan.

“Sa akin, kung meron akong once a week taping na maganda, why not?

"Katulad ng sitcom na meron ako, bakit hindi?”

Naging isyu noon ang pagkakaroon ni Alma ng multiple sclerosis, isang sakit sa nervous system na apektado ang spinal cord.

Dahil sa karamdamang ito, ayaw na raw ni Alma na magdagdag pa ng trabaho bukod sa pagiging city councilor.

Paglilinaw niya, “Hindi nga talaga puwede. 

"Ganun din ang nangyayari sa trabaho ko, hindi ka puwedeng ma-stress. 

"Kaya lang, nag-e-enjoy ako doon.

"Kaysa naman wala kang ginagawa at nakaupo ka lang, mas mahirap 'yon.”

Aminadong nami-miss daw ni Ness ang pag-arte, lalo’t kapag napapanood niya ang kanyang mga nagawang pelikula sa cable TV.

“Actually, nami-miss ko ang sitcom.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alma noong Linggo, April 27, pagkatapos ng Sunday All Stars.

WINWYN MARQUEZ. Nagpunta si Alma sa studio ng Sunday All Stars upang samahan ang mga anak niyang sina Winwyn Marquez at Vandolph sa kanilang production number.

Si Winwyn ay anak ni Alma sa dati niyang asawa na si Joey Marquez, habang si Vandolph ay anak ng actress-politician sa yumaong Comedy King na si Dolphy.

Hindi raw maiaalis ni Alma sa kay Winwyn na mangarap maging beauty queen dahil ang mga tiyahin nitong si Melanie Marquez ay Miss International noong 1979 at si Via Marquez Hoffman ay isa namang supermodel noong '70s.

Sina Melanie at Via ay mga kapatid ng ama ni Winwyn na si Joey.

Sambit pa ni Alma, "Puro yung mga Marquez, ganun.”

Pinabulaanan naman ni Alma ang usap-usapang tutol daw si Joey na pasalihin sa beauty pageants si Winwyn.

“Hindi. Si Daddy niya, kung ano ang gusto ni Winwyn, nakasuporta yun. 

"Lalo na tapos na sa pag-aaral si Winwyn, wala nang tutol yun. 

"Kita mo nga nandito [sa SAS], nakasuporta sa anak niya. 

"Basta kami, nandito kami nakasuporta sa mga bata."
 
ALL FOR WINWYN. Malayo  raw sa pangarap ni Alma noon na maging artista ang pangarap ni Winwyn na maging beauty queen.

Sabi ng 54-year-old actress-politician, “Hindi ko talaga pinangarap kasi maliit ako. 

"Pag-aartista talaga ang gusto ko noon, na nagawa ko naman and naging successful naman ako sa larangang yun."

Ngayon, ang pangarap lang daw ni Alma ay maabot ni Winwyn ang pangarap nitong pagsali sa beauty pageants.

Ipinauubaya na lang daw niya sa modelling manager-trainer na si Jonas Gaffud ang desisyon kung kailan isasalang sa beauty pageant si Winwyn.

Si Jonas, tagapamahala ng Mercator Artist and Model Management Inc., ang humubog at nag-train sa beauty queens na sina Venus Raj, Shamcey Supsup, at Janine Tugonon. 

Si Jonas din ang nagti-train ngayon kay Winwyn sa napipintong pagsabak nito sa Binibining Pilipinas.

Ang pagpapa-sexy lang daw ang ayaw ni Alma na gawin ng anak.

“Siguro hindi pa, bata pa siya, hindi pa timing para sa kanya.

“Sexy na nga ang ginagawa niya sa pagsasayaw, e.”

Hindi rin daw siya sang-ayon na mag-pose nang sexy si Winwyn sa FHM o anumang men's magazine.

“Ay, hindi, hindi pa puwede yun. Tama na yung ganito lang muna siya."
 
STANDING BY MARK. Samantala, aware daw si Alma sa marital problem na pinagdadaanan ng kanyang panganay na si  Mark Anthony Fernandez, anak nito sa yumaong aktor na si Rudy Fernandez.

Sa dami raw ng pagsubok na dumaan sa buhay ni Mark, nakakabangon ito at nananatiling nakatayo. 

Namana raw ni Mark sa kanya ang pagiging matibay. 

Sabi pa ni Alma, “Kailangan e prayers lang. 

"Saka napansin ko kay Mark, hindi bumibitaw.

"Kahit may pinagdadaanan siya, kahit anong sinasabi sa kanya at anong nangyayari sa kanya.

"Ang importante sa anak ko, wala siyang inaapakang kapwa niya tao, inaaping tao, inaagrabyadong tao.”

POLITICS FOR VANDOLPH? Huling termino na ni Alma bilang city councilor ng Parañaque, at posible raw na sumunod sa yapak niya ang anak na si Vandolph.

Saad ni Alma, “Marami ang nagkukumbinsi na ang patakbuhin ko na kapalit ko ay si Vandolph.

"Baka, 'pag gusto lang niya, pag-uusapan pa namin.

"Sina Yeoj [isa sa apat nilang anak ni Joey], yung ibang mga anak ko, puwede naman. 

"Pero sa nakikita ko, okay si Vandolph, makamasa. 

"Mana sa tatay, kay Dolphy. Ang puso niya, nasa tao. 

"Kaya sabi ko, tamang-tama yung wife niya si Jenny, kagawad ngayon.

“Tamang-tama naman mula pagkabata, nasanay naman siya sa pagtulong…”

Nabanggit na rin lang ni Alma si Dolphy, ano ang komento nito sa nababalitang bagong pag-ibig ni Zsa Zsa Padilla, ang longtime partner ng yumaong Comedy King?

Balitang may bago nang karelasyon si Zsa Zsa sa katauhan ng arkitektong si Conrad Onglao.

Sagot ni Alma, “Ay, siguro naman, dapat lang.

"Panahon naman na, oras na para sumaya siya. 

"Iba na rin yung may ka-partner siya sa buhay.

"May nasasabihan siya ng mga problema niya kung nag-iiyak siya kung meron man.”

Hindi raw sila nagkikita o nagkakausap ni Zsa Zsa dahil wala na nga raw si Alma sa showbiz circulation.

REKINDLING ROMANCE? Wala na rin daw oras si Alma para bigyang atensiyon ang kanyang personal life.

Pahayag niya, “Lagi ako sa Mindanao, Visayas, at kung saan dahil sa posisyon ko at trabaho.

"Wala na, ang puso ko nasa trabaho ko, sa pagtulong sa kapwa, sa mga anak ko at sa pamilya ko, at sa pagmamahal ko sa kapwa-konsehal."

Pero laging magkasama ngayon sina Alma at Joey. May pag-asa bang mamulaklak uli ang pagtitingin nila ng kanyang ex, lalo na't hiwalay na sila ng asawang si Marawi City Mayor Fahad Salic?

Sagot niya, “Hindi muna, magtrabaho kami, masaya na kami na ganito.

“Yung mga anak ko, masaya na sila magkakaibigan kami [ni Joey]. 

"Nakikita nila na nagtatawanan, nagkikita. 

"Katulad niyan, birthday niya [Joey], magkasama kami. 

"Masaya na yung gano'n kaysa naman na nakikita nila na nag-aaway kami.”

Bukas ba siya sa muling pagtibok ng kanyang puso para sa isang lalaki?

Sagot ni Alma, “Araw-araw namang tumitibok ang puso ko dahil siyempre, ang love, hindi dapat nawawala. 

"Nandiyan lang, love sa kaibigan, sa pagsisilbi… lahat yun. 

"Lahat ng ginagawa ko, love ko.”

Open pa ba naman siya sa pagkakaroon ng lovelife?

Napangiti muna si Alma at sinabing, “Hayaan muna natin yun, pahinga muna.

"Nandiyan muna siya sa tabi.”

Paano kung may nagpaparamdam o gustong pumorma?

“Diyan lang muna sa tabi.  

"Ang importante, masaya ako sa work ko as PCL national chairman and at the same time, councilor ako ng Parañaque.” -- Rey Pumaloy, PEP
Tags: almamoreno