Filtered By: Showbiz
Showbiz
Dating kasambahay ni Claudine Barretto, desididong ituloy ang reklamo laban sa aktres
Desidido si Jenifer Murillo—dating kasambahay ni Claudine Barretto—na ituloy ang kasong robbery na isinampa niya laban sa aktres.
“Sana tuluy-tuloy po. Yun nga po, sa batas kasi, dapat talaga niyang panagutan yung mga kasalanang ginawa niya,” paunang pahayag ni Jenifer sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Mangiyak-ngiyak sa tuwa si Jenifer nang dumating siya sa tanggapan ng kanyang legal counsel na si Atty. Rico Quicho, noong umaga ng April 24, Huwebes.
Lumaki raw kasi ang pag-asa ni Jenifer na makamit ang hustisya matapos mapagdesisyunan ng Marikina Prosecutor’s Office na mayroong “probable cause” upang makasuhan ng robbery si Claudine.
Patuloy na saad ni Jenifer, “Kasi hindi ko akalain na magkakaganito. Wala naman kaming ginagawang masama.
“Kung ano lang ang tama, dun lang kami.
"Nung nalaman ko na lumabas na yung totoo, masaya po [sa pakiramdam].”
Eksklusibong nakausap ng PEP si Jenifer noon ding araw na iyon.
Kasama niya ang kanyang mga abugadong sina Atty. Quicho at Atty. Gino Jacinto.
Ayon kay Atty. Quicho, sinampahan ni Claudine ng reklamong qualified theft si Jenifer at isa pang dating kasambahay ng aktres na si Malou Becher noong September 2013.
Inakusahan ni Claudine na diumano'y ninakaw ng dalawang kasambahay ang mamahaling paintings ng aktres mula sa bahay nito sa Loyola Grand Villas, noong March 2013.
Bukod dito, sinampahan din ni Claudine ng qualified theft complaint si Jenifer, matapos nakawin diumano ng huli ang tatlong Louis Vuitton bags ng aktres sa isang hiwalay na insidente.
RAYMART’S TESTIMONY. Ngunit nakapaghain ng ebidensiya ang kampo nina Jenifer at Malou na hindi totoo ang paratang ni Claudine laban sa kanila.
Ayon pa rin kay Atty. Quicho, November 21, 2013 nang personal na nagsumite ng sinumpaang salaysay si Raymart Santiago sa Marikina Prosecutor’s Office, kung saan sinabi ng aktor na siya ang nagmamay-ari ng paintings at tatlong LV bags.
Si Raymart ang estranged husband ni Claudine.
Nilinaw rin ng aktor na siya ang personal na kumuha ng mga gamit niya, at hindi ito ninanakaw nina Jenifer at Malou.
Pahayag ni Atty. Quicho tungkol sa boluntaryong pagtestigo ni Raymart, “That’s the only time I met him.
"I don’t know his lawyers. Dun ko lang sila nakausap.
“Nagbigay siya ng affidavit with pictures [of the said paintings and luxury bags].
“‘Yan ang sinasabi ng mga kliyente ko na nasa kanya [Raymart].”
Dagdag na paliwanag ni Jenifer, “March 2013” nang kunin ni Raymart ang paintings sa bahay nila ni Claudine sa Loyola Grand Villas.
Iginiit din ng dating kasambahay ng aktres na wala siyang kinalaman sa pagkuha ni Raymart ng mga gamit nito.
Sabi ni Jenifer, “Hindi po [kami nakipagsabwatan kay Raymart].
“Kung ano lang talaga yung nangyari—kasi nandudun kami lahat—yun lang po talaga mga sinabi namin.”
ROBBERY CHARGE. Patuloy na lahad ni Jenifer, August 2013 nang palayasin siya ni Claudine sa bahay ng aktres sa Loyola Grand Villas.
Bago tuluyang pinaalis si Jenifer ay kinuha umano ng aktres nang walang paalam ang mga gamit ng kasambahay—kabilang na ang passport, birth certificate, ID pictures, portable media player, cell phone, speaker, at tablet—na may kabuuang halagang P16,000.
Hindi raw ibinalik ni Claudine ang mga ito kay Jenifer.
Bunsod nito, sa tulong ng kanyang mga abugado, ay naghain si Jenifer ng kontra-reklamong “robbery, grave coercion, at grave threats” laban kay Claudine, noong September 2013.
Lumabas ang joint resolution ng investigating prosecutor ng Marikina Prosecutor’s Office noong April 7, 2014.
Nakasaad dito na mayroong “probable cause” upang pormal na makasuhan ng “robbery” si Claudine sa Marikina Regional Trial Court, dahil sa sapilitan at walang pahintulot nitong pagkuha ng mga kagamitan ng complainant.
Nakapaloob din sa joint resolution ang pagka-dismiss ng qualified theft complaint ni Claudine laban kay Jenifer, at hiwalay na qualified theft complaint ni Claudine laban kina Jenifer at Malou.
Sa kabilang banda, na-dismiss ang kasong grave coercion at grave threats na isinampa ni Jenifer laban kay Claudine.
Ang hiwalay na reklamong robbery, grave coercion, at grave threats na isinampa ni Malou laban kay Claudine ay wala pang resolusyon sa ngayon.
Ganunpaman, ginarantiya ni Atty. Quicho na ipagpapatuloy niya ang pagtataguyod sa legal affairs ng kanyang mga kliyenteng sina Jenifer at Malou.
Samantala, sinubukan ng PEP na kapanayamin ang legal counsel ni Claudine na si Atty. Ferdinand Topacio noong April 23 and 24, hinggil sa robbery case na isinampa laban sa aktres.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa sumasagot si Atty. Topacio sa ipinadalang text message ng PEP at maging sa Twitter account ng abugado.
Nananatiling bukas ang PEP sa pahayag ng kampo ni Claudine tungkol sa isyu. -- Rachelle Siazon, PEP
Tags: claudinebarretto
More Videos
Most Popular