Filtered By: Showbiz
Showbiz
Jose Manalo, ikinalungkot ang nangyari sa anak; itinangging pinabayaan ang pamilya
Naglabas na ng opisyal na pahayag ang kampo ni Jose Manalo kaugnay ng tangkang pagpapakamatay ng 17-year-old daughter ng komedyante.
Matatandaang kinumpirma ng legal counsel ng anak ni Jose na si Atty. Dennis Pangan, sa isang radio interview, ang suicide attempt ng dalaga sa pamamagitan ng pag-inom ng sari-saring mga gamot.
Ang sinasabing dahilan ng tangkang pagpapakamatay ng anak ni Jose ay matinding depresyon na dulot diumano ng hindi pagtupad ng ama sa mga naipangako sa kanila, kabilang na ang tulong na pinansiyal para sa kanyang pag-aaral.
Basahin: Jose Manalo’s daughter tried to commit suicide, lawyer confirms
Natanggap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang official statement ng komedyante sa pamamagitan ng email ngayong hapon, March 14.
Narito ang kabuuang pahayag ng kampo ni Jose:
"Ikinalulungkot ni Jose Manalo ang balitang nagtangka ang isa sa kanyang mga anak na wakasan ang buhay nito.
"Ikinababahala rin niya ang mga walang batayang paratang at balitang lumalabas laban sa kanya, kaugnay ng mga pahayag na hindi raw siya nakapagbibigay ng suporta sa kanyang pamilya at ang kanyang umano’y pagtanggi sa pagtustos sa edukasyon ng kanyang mga anak.
"Upang mabigyan ng linaw ang mga paratang na ito at upang maiwasan ang paglala ng alitan sa kanilang pamilya, nais ni Jose na maiparating ang pahayag na ito.
"Hindi maitatangging puno ng mabibigat na suliranin ang relasyon nina Jose at ng kanyang asawang si Anna Lyn.
"Kasama na rito ang mga kasong sibil at criminal na isinampa laban kina Jose at Anna Lyn para sa mga transaksyong kinasasangkutan ni Anna Lyn na nagkakahalagang higit sa Animnapu’t Walong Milyong Piso (P68,000,000.00), kung saan nadawit si Jose.
"Maliban dito, nagsampa ng kaso si Anna Lyn at ang kanilang mga anak laban kay Jose para sa paghingi ng sustento at pati na rin ang kasong isinampa ng isa sa kanilang mga anak laban kay Jose para sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9262.
"Sa kasalukuyan, ang mga kasong ito ay naisangguni na ni Jose sa kanyang mga abogado para sa nararapat na aksyon.
"Pinagbawalan na rin si Jose na magbigay pa ng pahayag patungkol sa mga kasong isinampa laban sa kanya, habang ang mga ito ay dinirinig ng mga wastong awtoridad.
"Mariing pinabubulaanan ni Jose ang mga paratang na siya ay nagpabaya, mapa-pinansyal o iba pa, sa pagbibigay ng suporta sa mga anak nila ni Anna Lyn.
"Sa katotohanan, patuloy ang pagbibigay ni Jose ng sustento sa kanyang mga anak, na naaayon sa kanyang kakayahan at kapasidad.
"Maliban dito, binibigyang-halaga ni Jose ang edukasyon ng kanyang mga anak at nagsisikap na mapagkalooban sila ng pang-tustos para dito.
"Truth is, Jose has given TAPE INC. the authorization to deduct from his pay the tuition fees of all his children, and they (TAPE) have been remitting these directly to their respective schools.
"Sa katunayan, salungat sa mga walang batayang alegasyon laban kay Jose, sinusunod niya ang lahat ng utos ng hukuman patungkol sa suportang hinihingi ni Anna Lyn para sa kanilang mga anak.
"Kaya’t ikinalulungkot ni Jose ang mga kasalukuyang nagaganap, kung saan naiilarawan siya sa ibang paraan.
"Maliban dito, ikinalulungkot din ni Jose ang pagwawalang-bahala at paminsang pagsamantala sa kanyang mga pagsisikap na masustentuhan ang kanilang pamilya.
"Nais iparating ni Jose na ang pagbibigay ng sustento at suporta sa pamilya ay obligasyon din ni Anna Lyn bilang isang magulang.
"Dahil dito, kinakailangan ang kanilang sabay na pagsisikap upang magkasundo para sa ikabubuti ng kanilang mga anak.
"Tunay na nakalulungkot na humantong sa ganitong pamamaraan si Anna Lyn at ipinamalita pa ang kondisyon ng kanilang anak.
"Kaya’t hinihikayat ni Jose na maging makatwiran si Anna Lyn at pigilin ang sarili na gumawa pa ng mga aksyon na makapipinsala sa kapakanan ng kanilang mga anak.
"Nakalulungkot din na ang mga pagsubok na ito sa pagitan ni Jose at ng kanyang pamilya ay nakaaakit ng hindi kanais-nais na atensyon mula sa media.
"Makahahadlang lamang ito sa maayos at payapang paglutas ng kanilang mga suliranin. Higit sa lahat, hindi ito makabubuti sa kapakanan ng kanilang mga anak.
"Alang-alang sa pagmamahal ni Jose sa kanyang pamilya, nakikiusap siya sa media na bigyan sila ng kanyang pamilya ng pagkakataong maresolba ang mga pagsubok na ito sa pribado at matahimik na paraan." -- Erwin Santiago, PEP
Tags: josemanalo
More Videos
Most Popular