Filtered By: Showbiz
Showbiz

Agot Isidro finds ‘Carmela’ lead star Marian Rivera ‘makulit’ in a nice way


Mabigat ang role ni Agot Isidro sa pinakabagong primetime series ng GMA na “Carmela,” na nagsimula kagabi, January 27.
 
Sa istorya, gagampanan niya ang karakter bilang ina ng bidang si Marian Rivera. 
 
Biktima ng panggagahasa si Agot na ang may kagagawan ay si Roi Vinzon, na siya ring responsable sa pagkamatay ng kanyang asawa (Ricky Davao). 
 
Mahihiwalay siya sa kanyang anak at magiging masalimuot ang buhay na pagdadaanan nila pareho. Hanggang sa bandang huli ay magtatagpo silang muli.
 
“Challenging talaga 'yung role ko,” pahayag ni Agot nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos siyang mag-guest sa “Sunday All Stars” noong Linggo, January 26.
 
“Especially kapag ganyang dramatic, talagang kailangan ma may malalim na paghuhugutan.
 
"You cannot fake that, especially if you want to portray the role as truthfully as possible."
 
May kahirapan daw ang demands ng role niya pero "maganda 'yung kinalabasan, very exciting."
 
May mga light moments din daw.
 
"Kaya lang siyempre, in the beginning, ini-establish nga 'yung conflicts at kung saan pupunta 'yung story, kaya talagang medyo mabigat.
 
"But eventually, of course, with the love story of Marian and Alden [Richards], sana medyo hindi mabigat."
 
‘I love her’
 
Sa mga unang episodes ng “Carmela,” ang batang character pa ni Marian ang makikita, na gagampanan ni Mona Louise Rey.
 
Iisang eksena pa lang daw ang nakukunan na magkasama sina Agot at Marian.
 
“'Yung dream sequence pa lang.  
 
"Kasi nga, naghahanapan pa kami kaya hindi pa kami magkakaeksena masyado.
 
“Eventually, in the later weeks, magkikita na kami," sabi ni Agot. 
 
Wala pa man ang mga eksena nila ni Marian together, agad-agad ay naging close na raw sila.  
 
Ito ay dahil sa mga pagkakataong nagkasama sila sa pictorial at maging sa mga promo ng kanilang primetime series.
 
“Makulit siya!” nangiting sabi ni Agot tungkol kay Marian.
 
“Pero, I love her. Natutuwa ako sa kanya.
 
“She’s very hardworking. But off the set, talagang kalog.  
 
"Lahat kinukulit niya. Pati 'yung mga cameraman, 'yung gaffer.
 
“Makulit! Makulit siya, pero masaya.”
 
Sa interviews kay Marian lately, sinasabi nitong thankful siya sa pagkakataong makatrabaho si Agot. At nakakatuwa raw na mag-ina pa ang role nilang dalawa.
 
“'Yun nga lang, 'yung kulay namin… medyo malayo, ‘no?
   
“Parang nabilad ako sa araw. Siya naman, parang itinago!” natatawang saad ni Agot.
 
Ngayon pa lang daw nakilala ni Agot si Marian.
 
“I’ve never worked with her, I’ve never even met her.
 
“So, noong nag-meet kami, talagang she made me feel very comfortable.  
 
"Tapos, sinasabi nga niya na gusto raw niya ako talagang makatrabaho.
 
“And siyempre, from someone as big as her, sasabihan ka ng ganun, parang nakaka-flatter.”
 
‘Very challenging’
 
Bago ang “Carmela,” huling napanood ang singer-actress sa ABS-CBN primetime series na “Muling Buksan Ang Puso.”
 
At ngayon nga ay nagbabalik siya sa Kapuso network sa pamamagitan ng “Carmela.”
 
Pahayag ni Agot, “When the story was presented to me, I found it to be very challenging. 
 
"And iyon talaga ang gusto ko, natsa-challenge ako.
 
“Siyempre, matagal na ako sa business, ayokong parang pare-pareho lang 'yung ginagawa ko.
 
“So, I took on the challenge.  
 
"Plus, of course, there is the the chance to work with Yan [palayaw ni Marian]."
 
Malaking challenge din kay Agot ang role na ina sa “Carmela” dahil wala siyang anak sa tunay na buhay.
 
Hindi sila nagkaanak ng nakahiwalayan niyang asawang si Manu Sandejas, pero hindi naman daw niya ito choice.
 
“No, it’s not my choice. I wanted kids, I just never had lang,” sabay ngiti ni Agot.
 
May excitement din umano siyang nararamdaman sa muling pagsasama nila ni Alden, matapos silang unang maging magkatrabaho sa “One True Love.”
 
“Oo. Nakakatuwa si Alden.
 
“I’m proud of him because nga ang laki na ng growth niya as an actor. 
 
“Plus, as a star, di ba, palaki nang palaki 'yung kanyang glitter as a star. 
 
“Parang nakaka-proud. I was there when he was trying to struggle his way to stardom.
 
“So, ngayon, imagine, partner na niya ngayon si Yan? 
 
"So, I’m very happy for him.”
 
Advice to young stars
 
Dalawang dekada na sa showbiz si Agot.
 
Sa mga pagkakataong kanyang nakakausap ang mga nakakatrabaho niyang younger generation of stars, ano ang importanteng advice na naibabahagi niya?
 
“Sa akin, do not think of stardom, do not think of fame.  
 
"If you really want to stay in the business, you hone your craft.
 
“Dapat mahal mo 'yung ginagawa mo, kasi kung hindi, makikita ‘yan, e.
 
“So, sa akin, it’s more of polishing your craft and learning always.
 
“Kumbaga, it’s a constant learning process. It never stops.
 
“Even for me, after two decades, I’m still learning.”
 
Bago napasabak sa pag-arte, naunang nakilala si Agot bilang isang singer at recording artist. 
 
Bakit nga ba hindi na niya binalikan ang pagkanta?
 
Tugon niya, “Ang dami na rin kasing mga bagong artists, marami na ring bagong singers.
 
“Parang nagugustuhan ko 'yung acting. So, dito ako.
 
“But I still get gigs na singing. At meron pa rin naman yatang gustong makinig sa akin!” tawa pa ng singer-actress. Pep.ph