Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jean Garcia hopes current relationship leads to marriage



 
Bago pa ang Adarna ng GMA Network, marami nang ginawang fantaserye ang aktres na si Jean Garcia.

Kabilang na rito ang Majika, Atlantika, Gagambino, at Dyesebel—na pawang ipinalabas din sa Kapuso network.

Sa Adarna, ginagampanan ni Jean ang papel ng isang taong-ibon, si Larka/Lupe.

Bilang taong-ibon ay mayroon daw siyang flying scenes dito, kagaya ng mga ginawa niya noon sa Atlantika, Gagambino, at Majika.
 
Pag-alala pa ni Jean, maging sa launching movie niyang Impaktita (1989) ay may eksenang lumipad din siya.

“Yes, ang luma!” natatawang sabi ni Jean sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Gaano kakaiba ang papel niya dito sa Adarna sa mga nagawa na niya dati?

Kuwento niya, “Ngayon, ibang-iba na talaga.

“Dati, like yung pakpak ko dati sa ano, ikinakabit, tapos ikaw yung gaganoon [magpapagalaw].

“Ito, meron na silang machine na gagalaw na siyang mag-isa.

“I-spread siyang ganoon, meron na silang nagagawang ganoon.

“Meron CG [computer-generated], pero mayroon kaming mga totoo.

“Lalo na pag nandoon kami sa birdland, yung mundo ng mga ibon, yung Saranghaya.”

Anong uri ng ibon ang gusto niyang maging at bakit?

Sagot niya, “Ako’y isang lovebird! Punumpuno ng pagmamahal.”
 
IN LOVE? Naging hudyat ang sagot na ito ni Jean upang tanungin namin kung in love ba siya ngayon.

“Palagi naman! Hindi, joke lang!” natatawang sabi ng 44-year-old actress.

Pero inamin ni Jean na mayroong nagpapasaya sa kanya ngayon.

“Meron, hindi siya artista. Ordinaryong tao lang siya.

“Oo, Pinoy siya. Halos ka-age ko.”

Bakit hindi masyadong nasusulat ang tungkol sa bagong lovelife niya?

Sagot niya, “E, kasi, hindi naman artista.”

Si Jean ay artista, pero wala pa ring nababalitaan masyado sa kanyang lovelife?

“E, kasi, hindi naman ako nagsasalita.”

Businessman daw ang naturang guy na ayaw na lang banggitin ni Jean ang pangalan.

“Hindi, huwag na, huwag na,” pakiusap niya.

“One year and a half na,” sagot naman ni Jean kung gaano na sila katagal ng kanyang boyfriend.
 
LIFETIME PARTNER. Ito na ba ang lalaking mamahalin niya habang buhay?

Sagot ni Jean, “I hope, sana.

“Di ba, lahat naman tayo, iyon ang gusto, di ba, ang magkaroon ng partner sa buhay?

“Pero hopefully, kung ibibigay.”

Single daw ang boyfriend niya at walang anak.

Nakasama na rin daw ito ng dalawang anak ni Jean na sina Jennica at Kotaro.

“Oo, kilala naman niya, very close siya.”

Ano ang mayroon sa boyfriend niya kaya gusto ni Jean na ito na ang makatuluyan niya?

Saad niya, “Well, ang hirap din naman kasi ng... di ba, palagi kang nagri-risk na lang sa isang relationship?

“Tapos nag-i-invest ka, di ba? Tapos, hindi rin naman nagwo-work out.

“So siyempre, ayoko naman ng ganoon na magri-risk ka, tapos hindi magwo-workout, tapos panibago na naman.

“Yung parang gusto ko, yung lifetime na.

“Siguro at my age now, it’s about time na yung lifetime partner na, di ba?”
 
WEDDING PLANS. Napag-uusapan na ba nila ang kasal?

Tugon ni Jean, “Hindi, we don’t talk about it.”

May plano ba?

“Siyempre, lahat naman ng babae, iyon ang pangarap—ang maikasal, di ba?

“Pero hindi ko siya priority, parang ganoon.

“Ang priority ko is more on kung papaano namin mame-maintain yung relationship nang maayos.

“Maayos ako sa family niya, maayos siya sa family ko, maayos yung relationship namin.

"Ako, more on ganoon.

“Kung darating yung ikakasal, darating yun. Pero kung hindi, okey din lang.

“Ang importante sa akin is yung nagwu-work yung relationship and we’re both happy.”

Bagamat may dalawa nang anak si Jean, hindi siya ikinasal sa mga ama nito.

Ang ama ng panganay niyang anak na si Jennica ay ang dating aktor na si Jigo Garcia.

Habang ang bunso naman niyang si Kotaro ay anak ng aktres sa nakarelasyon niyang Hapon.

Nai-imagine ba niya ang sarili niya na nakasuot ng wedding gown?

“Oo, before. Pero ngayon, parang wala naman, parang wala,” sabi ni Jean. -- Rommel Gonzales, PEP
Tags: jeangarcia