Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cristalle Henares brushes off rumors linking her to Derek Ramsay



 
Muling namataang magkasama sina Derek Ramsay at Cristalle Henares sa isang fund-raising fashion show noong nakaraang linggo.

Matatandaang naging maugong ang balita na nagkakamabutihan diumano ang dalawa, matapos kumalat sa Internet ang litrato nilang magkasama sa Boracay noong Mayo.

Pagkalipas ng ilang buwan, naging karelasyon ni Derek si Cristine Reyes, kaya’t namatay ang isyu sa pagitan ng aktor at anak ni Dra. Vicki Belo.

Tumagal lamang ng halos isang buwan ang relasyon nina Derek at Cristine.

Pero ngayong pareho pa rin silang single, hindi maiwasang magkaroon ng espekulasyon kung may posibilidad na magkagustuhan ang dalawa.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Cristalle nitong Miyerkules, October 29, iginiit niyang kaibigan lang ang turing nila ni Derek sa isa’t isa.

Bukod sa magkakilala ang kanilang pamilya, madalas daw silang magkasama dahil pareho silang aktibo sa iba’t ibang charity organizations.   

Paliwanag ni Cristalle, “Wala yun. Derek and I are very, very good friends.

"As a matter of fact, sabay kami dito sa World Vision na naging ambassador at child sponsor.  

“He's also with me when we go on outreach or when we have projects.

"Last year, we went to Iligan [for typhoon Sendong relief operation].

“This year, nagkita kami nung Sabado, unang-unang sinabi niya sa akin, 'Cristalle, kailan tayo pupunta ng Bohol?'

“So, yun ang bonding namin. And yung families kasi namin, very close.”

Ang lalawigan ng Bohol ay tinamaan ng malakas na lindol kamakailan lamang.

JUST LIKE A SISTER. Sa kabila nito, walang nakikitang masama si Cristalle kung sakali mang ma-misinterpret ng ibang tao ang pagiging malapit nila ni Derek.

Ang importante ay alam daw nila ang totoo at wala silang natatapakang ibang tao.

Sabi ng tagapagmana ng multi-million beauty business ni Dra. Vicki, “The good thing is nung time na nali-link kami ay single siya.

“Ngayon, single na naman siya.

"So, para sa amin, wala talagang masyadong apektado, so okay lang.

“But, of course, when he's in a relationship, that's when I'll mind.

"Sasabihin ko sa tao, ‘wag na talaga, kasi we have to respect the relationship he has.

“Now, pinagtatawanan na lang namin.”

Sadyang magkasundo lang daw talaga sila ng aktor, na ilang beses na rin niyang nakasama kahit sa Belo family out-of-town trips.

“Right now, Derek and I are super-super friends.

"Nothing more than that, just for the record.

“Walang nangyayari sa amin ni Derek.

"We’re very close and we have a lot of fun together,” pag-ulit niya.

Dagdag pa ni Cristalle, parang kapatid na rin ang turing sa kanya ni Derek.

“Actually, sinasabi niya sa akin na para akong isang sister.

“I’m very close to Derek's sister also.

"And the funny thing is, yung isang sister niya, more or less, pareho kami ng name.

“Kasi yung nickname nila sa akin is Tal. Yung name ng sister niya is Tala.

"So, very, very close.”
 
WAITING FOR THE RIGHT PERSON. Halos isang taon nang walang karelasyon si Cristalle.

Nobyembre noong nakaraang taon ay nakipaghiwalay siya sa boyfriend niyang si Jason Sabio—miyembro ng Philippine Azkals football team—dahil ipinagpatuloy ng huli ang pag-aaral sa Amerika.

Sa ngayon, hindi raw nagmamadali si Cristalle na magkarelasyon dahil lang 30 years old na siya, at sinasabi ng iba na panahon na para siya'y mag-asawa.

Aniya, “I believe in God and I believe in God's timing. So, hindi ko talaga nira-rush.

“I’m sure He'll bring it to me when he knows na ready na ako and ready na yung guy para sa akin.

“So, I’m not forcing anything at this time.” -- Christine Denny, PEP