Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gary Estrada criticizes PNoy administration for allegedly targeting the Ejercito family


 
 
Naglabas ng sama ng loob si Gary Estrada tungkol sa mga kasong isinampa laban sa ilang miyembro ng kanilang pamilya na nasa pulitika.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang actor-politician sa taping ng GMA primetime series na Akin Pa Rin Ang Bukas, at dito niya ibinuhos ang kanyang mga hinaing sa mga nangyayari sa kanilang pamilya.

Sinabi ni Gary na talagang apektado ang kanilang pamilya sa mga hinaharap na kaso ng ilan sa kanila.

Ang kanyang pinsan na si Jinggoy Estrada ay isa sa tatlong senador—ang dalawa pa ay sina Ramon "Bong" Revilla Jr. at Juan Ponce Enrile—na kinasuhan ng Department of Justice at National Bureau of Investigation ng kasong plunder at malversation of funds.

Ito ay dahil sa diumano'y paggamit ni Senator Jinggoy ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), o pork barrel, sa mga kuwestiyonableng non-government organizations na itinatag ng businesswoman na si Janet Lim Napoles.

Ang kapatid naman sa ama ni Gary, na si Laguna Governor ER Ejercito, ay pinadididskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) dahil diumano sa overspending nang nangampanya ito noong May 2013 elections.

Sina Gary at ER ay anak ng yumaong aktor na si George Estregan, na kapatid ni dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada.

Si Jinggoy ay anak naman ni Erap.

Noong 2001 ay sapilitang ipinababa sa puwesto si Erap bilang Presidente ng Pilipinas, pagkatapos niyang sumailalim sa impeachment trial dahil sa mga kasong plunder at perjury.

Nahaharap din sa Supreme Court ang disqualification case laban kay Erap, bilang Manila mayor, dahil sa kaso niya noong plunder.
 
WHO IS NEXT? “Parang nakatuon lang sa amin ang sentro nila,” sabi ni Gary tungkol sa mga kinahaharap na kaso ng kanyang mga kamag-anak na nasa pulitika.

Dagdag niya, “Tanong ko nga, sila ba’y takot sa pamilya Ejercito? Kumbaga, iniisa-isa kami.

“Napapagkuwentuhan nga namin minsan, kapag nagsasama-sama kaming mga pinsan, mga kamag-anak...

"Hinihintay din namin yung kaso namin, e. Baka kami din, isunod."

Si Gary ay nasa pulitika rin ngayon bilang board member ng second district ng lalawigan ng Quezon.

Sabi pa ng 42-year-old actor/politician: “Nakakalungkot dahil, alam mo, mula kay Pangulong Erap, na hanggang ngayon may kaso ng disqualification sa Manila, ang aking pinsan na sinampahan ng plunder, ang aking kapatid naman, disqualification case.”

Kaya hindi na raw magtataka si Gary kung pati siya o ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya ay maaaring kasuhan din.

“Sa amin naman, hinihintay din naming dalawa ni Senator JV," pagtukoy ni Gary sa kanyang pinsan na si JV Ejercito, na anak ni Erap kay San Juan Mayor Guia Gomez.

"At sa akin naman siguro, huwag na nilang pakialaman dahil napakaliit lang naman ng lokasyon.

"Ang boses ko lang naman po ay hanggang lalawigan lang naman ng Quezon.

“Nakakalungkot lang dahil… tulad nga ng sinabi ng aking pinsan [Jinggoy], siguro tumingin muna sila sa sarili nila.”

PORK-BARREL ISSUE. Nagpahayag din si Gary ng kanyang pananaw sa pork barrel na, ayon sa aktor, ay pinag-iinitan ngayon ng publiko. 

Saad niya, “Ako naman, if you ask me about the pork barrel na mga ganyan…

"Kasi ako, isa sa nabiyayaan ng pork barrel, e. Nabigyan ako ng eskuwelahan ni Senator Jinggoy."

Dagdag pa niyang paliwanag, “May dalawang parte kasi ang pork barrel—yung hard and soft.

"Yung hard, ito yung mga eskuwelahan. Ito yung mga construction ng mga buildings.

“Yung soft naman, dito nila nakukuha yung panggamot, yung livelihood programs.”

Hindi itinatanggi ni Gary na malaki ang pakinabang niya sa pork barrel, dahil para naman daw ito sa mga constituents niya sa Quezon, at hindi sa personal na pakikinabang.

“Actually, ang pinakamalaki [na nagbigay] sa akin ng proyekto, si Senator Enrile. He gave me five market roads.

“Si Senator Jinggoy, binigyan niya ako ng tatlong eskuwelahan. Alam mo yun?” sabi ni Gary.

Tingin ng dating matinee idol, kung walang pork barrel, ang mga taga-administrasyon lang ang makikinabang at patuloy na magtatamasa sa kanilang kapangyarihan.

Pahayag ni Gary, “Kapag tinanggal niyo po ang kapangyarihan at pondo ng bawat senador e para na lang silang puppet diyan.

"Kumbaga, ang mangyayari diyan, ang Pangulo na lang lahat may control.”

Paano naman daw silang nasa oposisyon na hindi malapit kay Pangulong Noynoy Aquino.

Hinaing pa ni Gary, “Katulad ko, hindi naman tayo malapit sa Pangulo, na nakakahingi ng proyekto.

“Papaano ang lalawigan ng Quezon?

"Ang gobernador namin [David Suarez], hindi po kaalyado ng Pangulo, e.

"Mahirap po yun, paano naman ang oposisyon?

“Wala na po tayo check and balance kung sakali… kung sakaling tatanggalan mo pa ng kapangyarihan at pondo ang mga senador.

“I’m very scared kung ano na ang mangyayari sa Pilipinas. Kung tatanggalin po ng Pangulo ang pork barrel ng mga senador.

"E, huwag na tayong magsabi na this is a democratic country.

“Gawin na lang nating ano… gawin na lang nating martial law.

"Puwede naman akong mabuhay sa martial law dahil lahat na lang tayo, maging tuta ng Pangulo, di ba?” matapang na pahayag ni Gary.

Dagdag niya, “Ang masakit pa dito sa administrasyong ito, napaka-bengatibo nila.

“Pansinin niyo ho, lahat ng oposisyon na hindi nila kaalyado, binigyan nila ng kaso, di ba?

“Katulad ng gobernador ng Cebu [Gwendolyn Garcia], tinanggal nila sa posisyon at pinalitan ng tuta nila.

"E, papaano naman po ho yung hindi tuta nila?

“Paano yung hindi nila hawak na may sariling opinyon, tulad namin?

“Papaano naman ho kami? Papaano kami magkaroon ng boses sa ating bayan?” -- Gorgy Rula, PEP