Filtered By: Showbiz
Showbiz

Charee Pineda is loveless




Napasabak kaagad sa matititinding role si Charee Pineda sa paglipat niya sa GMA Network mula sa ABS-CBN. Gumaganap ngayon si Charee bilang isang kontrabida sa primetime series ng GMA na Akin Pa Rin Ang Bukas, kasama sina Rocco Nacino, Lovi Poe, at Cesar Montano.

Naging usap-usapan ang torrid kissing scene nila ni Rocco sa Akin Pa Rin Ang Bukas dahil, pagkatapos daw kunan ito, biglang naging close na sila agad-agad.

“Hindi naman!” tanggi ni Charee sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Celebrity Bluff  nitong Martes ng gabi, October 8.

“Nakailang tapings na rin kami bago kinunan iyon, e.

“So, hindi naman dahil sa kissing scene kaya naging close kaming dalawa.”

Si Rocco, single din ngayon gaya niya. Malabo bang maging boyfriend material ang aktor?

“Hindi ko masasagot ‘yan!” sabay ngiti muli ni Charee.

“Si Rocco naman kasi sa akin, parang barkada, e.

“Kaya mahirap na ilagay siya sa mixed level. Kaya okey nang friends kami.”

Totoo bang hindi siya mahilig sa good-looking guys?

“Well… Importante yung physical kasi ‘yan ang first na attraction. Pero sa akin, minsan pumapangalawa na lang iyon.

“Ang mas importante sa akin, kung paano ako i-treat or kung paano siyang tao.”
         
KONTRABIDA ROLE. May pagka-kontrabida man ang role ni Charee sa Akin Pa Rin Ang Bukas, maganda rin ang nagiging feedback sa performance niya rito.

“Ngayon nagsi-sink in na sa akin lahat, na nasa ibang network na talaga ako,” pahayag niya.

“Sobrang thankful ako dahil naa-appreciate yung effort na ibinibigay ko sa role na ibinigay sa akin.”

Kapag nasa public place siya, may mga tao na bang nagpaparamdam sa kanya ng galit o pagkainis dahil sa malditang character niya?

“Medyo!” sabay ngiti niya. “Kasi kapag umiikot ako sa Valenzuela, sinasabi sa akin ng mga tao, ‘Alam mo, nakakagigil ka, grabe!’

“Sinasabi rin ng iba sa akin, ‘Effective ka.’ Kaya sa tingin ko naman kahit papaano, may effect na rin yung ginagawa ko.”
 
PUBLIC SERVANT. Si Charee ay konsehal ngayon ng Valenzuela City, pero hindi raw nakakaapekto sa pagiging public servant niya ang pagganap bilang isang kontrabida.

Paliwanag niya, “Kasi yung audience naman natin are all smart. Alam naman ng mga tao, especially ng mga taga-Valenzuela, na role lang ito.

“Nakapag-portray na rin ako ng kontrabida before. Sa first show ko noon na Ikaw Sa Puso Ko, kontrabida ako ni Nadine Samonte.

“Tapos, ang sumunod na roles ko, lahat mga nakakaawa na.”

In person, sweet siya, hindi ba mahirap sa kanyang gumanap na kontrabida? 

“It’s really hard, kasi mabagal akong magsalita, e. Natural na hindi ako malakas magsalita.

“So, nag-iiba ako ng atake ngayon. Kapag papunta pa lang ako sa set, nagsiseryoso na ako, para at least, hindi ako mahirapang mag-shift.

“At pangalawa, pinipilit ko talagang i-detach yung sarili ko sa character, para at least, hindi ako mahirapan.”

Okey lang ba sa kanya na kontrabida ang first project niya sa GMA?

“Siguro, para for a change lang. This time, para mas challenging.

“At saka pam-primetime naman. Tapos, magagaling na artista ang kasama ko.

“At mahirap na role yung ibinigay sa akin na kontrabida talaga agad.

“Alam naman nating lahat na kapag kontrabida, talagang nagmamarka. So dagdag na pressure iyon sa akin.

“Walang kaso sa akin kung lahat ng roles na maibigay sa akin ay kontrabida. Ibig sabihin, kaya ko rin pala yun.

“At saka kahit naman kontrabida o anumang role, ang bottomline, trabaho pa rin yun.”
 
SEXY AND DARING. Meron ba siyang pag-aalinlangan sa mga daring scenes?

Tugon ni Charee, “Kapag may mga ganoong scenes, itinatanong ko kung paano i-execute.

“As long as hindi bastos ang kakalabasan noong eksena, go ako diyan.

“Pero kapag sa tingin ko, hindi ko kaya, sinasabi ko na agad. Kasi mahirap naman na sa mismong set na ako umangal.

“Sinasabi ko ahead of time na, ‘O, nabasa ko sa script merong ganitong eksena, paano i-execute?’ Kapag in-assure naman ako, okey na ako doon.”

Dahil ba may imahe siyang kailangang protektahan bilang isang public servant?

“Hindi naman dahil sa pagiging public servant ko kaya meron akong inhibitions, kundi dahil yun sa sarili ko mismo.

“Nili-limit ko lang kung hanggang saan lang mismo—kung hanggang saan ko kaya—hindi dahil sa konsehal ako.

“May factor din yun, pero hindi iyon ang main na reason kung bakit.

“Dahil ako mismo yung nagli-limit sa sarili ko sa paggawa ng mga sensitive na scenes.”

So malabo siyang makumbinsi for a sexy pictorial o maging sexy cover girl ng isang men’s magazine?

“Honestly, masama to say ‘no.’ Pero hindi ko pa nakikita yung sarili ko for that.

“Hindi ko pa ma-imagine yung sarili ko na nagpo-pose ng sexy para sa men’s magazine. Kasi kapag ganoon, ibang usapan na yun.

“Pero I’ve nothing against sa mga artistang nagpo-pose sa mga men’s magazine.

“But as of now, hindi ko pa nakikita ang sarili ko diyan.”
 
INSPIRATION. Mukha rin naman siyang laging inspired, may special someone ba siya ngayon?

“Family ko ang inspiration ko!” tawa na naman niya.

Pero pag-amin ni Charee, “Wala akong lovelife ngayon.

“Kasi galing lang ako sa isang relationship, less than a year na.

“And sa ngayon, sa tingin ko lang… siguro i-focus ko muna yung sarili ko sa trabaho.

“Pero kung darating, hindi mo naman maiiwasan ‘yan.

“Siguro ngayong oras na ito, masasabi ko, hindi muna.

“Pero kapag dumating naman ‘yan, hindi mo naman maiiwasan ‘yan. Minsan hindi mo mako-control yung puso mo.

“So, ganoon. I’m not closing my doors, pero sa ngayon, wala muna.”

Na-i-imagine ba niya na pulitiko rin ang kanyang mapapangasawa? May mga nagpaparamdam ba sa kanyang guys from politics?

“Wala,” aniya.

“Hindi natin masagot ngayon if may possibility na isang politician ang mapapangasawa ko.

“Hindi natin hawak ang mangyayari sa mga susunod na panahon, e.

“Katulad dito sa showbiz, minsan nag-i-end up sa taga-showbiz din.

“Kasi hindi ka na mahihirapan mag-explain dahil iisa lang ang nature ng trabaho ninyo, e.

“Sa klase ng trabaho ko sa showbiz, kung ordinaryong tao, mahihirapan talaga.

“So  kung tatanungin ninyo ako na baka mag-aasawa ako ng politiko, hindi ko rin masasagot.

“Kasi ganoon din, e. Baka mamaya mag-end up din ako sa kapwa ko politiko dahil nagkakaintindihan kami kung paano yung flow ng trabaho namin pareho.

“Although I prefer yung ordinary individual bilang karelasyon. Para at least, may ibang napag-uusapan kami.

“Feeling ko lang, siguro kung sa akin, ang partner ko galing din sa politics or galing din sa showbiz, siguro mabu-burn out ako.

“Kasi, wala na kaming ibang pag-uusapan kundi iyon at iyon lang din.

“Unlike kung ordinary individual siya, may matututunan kaming iba from each other.”
 
POLITICAL PLANS. Sa political career ni Charee, may plano ba siyang tumakbo sa mataas na position pagkatapos maging konsehal?

“Kung mabibigyan ng chance for a higher office, bakit naman hindi?  Kasi nai-enjoy ko siya, e.

“It’s something na kahit maglakad ako sa arawan, kumain kung saan-saan, okey na okey ako, e. Kaya feeling ko, baka magtuluy-tuloy.”

Pero hindi biro ang maging public servant—lahat lalapit at hihingi ng kung anumang tulong.

Deklara niya, “Part naman talaga yun ng pinasok ko, na kailangang tanggapin ko lahat ng consequences.

“Na lahat ng lamayan, pupuntahan mo.

"Yung mga may sakit o may mga kung anupamang pangangailangan na kaya mong tugunan, ibibigay mo kung anuman ang tulong na magagawa mo. It’s my way of giving back lang sa tiwalang ibinigay sa akin.”

Sinasabing nakaka-pressure at stressful ang pagiging public servant.

Pero si Charee, mukhang fresh pa rin lagi ang beauty kahit busy rin sa pag-aartista.

“Wow, thank you!” tawa na naman niya.

“Siguro una, kahit sobrang nakaka-stress yung dalawang mundo ko, which is politics and showbiz, pinipilit ko na pagkadating ko sa bahay, wala na akong problema.

“Para at least, kahit papaano ay… yung pahinga kasi, importante rin.

“Dahil sa sobrang ano, kailangan mo rin talagang ipahinga yung utak mo at yung sarili mo. Kasi, para mas makapag-deliver ka ng tama.

“Dahil kapag hindi mo ginawa na ipahinga yung isip mo, or i-detach yung sarili mo sa dalawang mundong iniikutan mo, talagang mai-stress ka.

“Hindi lang physically, emotionally mai-stress ka rin, e. Kaya kailangan din talaga ng pahinga.” -  Ruben Marasigan, PEP
Tags: chareepineda