Filtered By: Showbiz
Showbiz
Julie Anne denies choosing Kristoffer Martin over Elmo Magalona as leading man in Kahit Nasaan Ka Man
Isang malaking sorpresa para sa mga tagahanga ng Julie Anne San Jose-Elmo Magalona loveteam na ang katambal ni Julie Anne sa unang primetime series niya sa GMA-7, ang Kahit Nasaan Ka Man, ay si Kristoffer Martin. Inaasahan kasi ng JuliElmo fans na magbabalik-tambalan ang kanilang mga idolo, ngunit sa halip ay sa ibang young actor ipinareha ng Kapuso network si Julie Anne. Pero ayon kay Julie Anne, hindi naman niya kailangan pang magpaalam sa fans ng loveteam nila ni Elmo tungkol sa pagtatambal nila ni Kristoffer sa isang teleserye. Saad niya, “Actually, I really don’t have to. “Kami naman po ni Elmo, may sari-sarili naman kaming mga projects at siyempre, may iba naman kaming ginagawa. “And I would like to take this opportunity na makatrabaho ang ibang artists, di ba? “Para rin naman po mag-grow ako as an actress and sa sarili ko rin po.” Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Julie Anne sa presscon ng Kahit Nasaan Ka Man nitong Huwebes ng gabi, September 19, sa 17th floor ng GMA Network Center. FANS’ REACTION. Handa na ba siya sa magiging reaksiyon ng fans nila ni Elmo? Ang iba nga ay hindi itinatago ang kanilang pagtutol sa pagkikipagtambal ni Julie Anne kay Kristoffer. Sabi ng 19-year-old singer-actress, “Tanggap ko naman po, tanggap naman po namin that we really cannot please everybody. “It’s up to them naman po kung ia-appreciate nila kaming dalawa together. “Magkakaiba ng opinyon ang mga tao. Siyempre, kami naman po, professional naman din po kami. “Ginagawa po namin ang trabaho namin para mabigyan ng magandang entertainment ang mga audience.” Pero parang hanggang sa huling sandali ay nagpepetisyon pa rin ang JuliElmo fans na sila dapat ni Elmo ang magkatambal. Ano ang reaksiyon ni Julie Anne dito? “I feel okay,” sabi niya. “Actually, management decision naman po talaga yun at sila naman po talaga ang nagka-cast. “And yun nga po, sinabi ko kanina na nagkataon po na may project ako at magkakaroon din siya [Elmo] ng project na sarili niya. “So, wala naman po sigurong dapat iproblema dun.” Aminado si Julie Anne na nakakatanggap siya ngayon ng pangba-bash at hate messages mula sa ilang tagahanga. Saad niya, “Siguro po, hindi lang sila sanay na iba ang nakakatrabaho namin. But, ano… sana bigyan nila kami ng chance. “Kasi, tina-try naman namin ang best namin na ibigay sa kanila kung ano ang hinahanap nila. “And siyempre, hindi lang naman kailangan mag-base sila sa kung sinong pair. “Nagtatrabaho kami individually and, siyempre, as a team, di ba?” Natutuwa naman daw si Julie Anne sa mga fans nila ni Elmo na suportado rin ang pakikipagtambal niya kay Kristoffer. “Opo, meron pa rin naman po at meron at meron pa rin naman talaga,” sabi niya. PERSONAL CHOICE? Diretsahang tinanong ng PEP si Julie Anne kung totoo ang balitang siya mismo ang namili kay Kristoffer na maging leading man niya sa Kahit Nasaan Ka Man. Ayon pa sa balita, nagsabi raw siya na ang gusto niyang makapareha ay yung magaling umarte para nadadala rin siya sa pag-arte. Mabilis naman ang pagtanggi ni Julie Anne sa naturang isyu. Aniya, “Wala pong ganun. Wala pong ganun, wala pong personalan. “At saka, hindi po kami nagde-decide.” Pero mas masaya ba siya na si Kristoffer ang leading man niya ngayon? “Opo, masaya naman po ako. But I can’t compare kasi magkaiba naman po sila,” pagtukoy niya kay Kristoffer at sa dati niyang ka-loveteam na si Elmo Magalona. Pinabigyang-linaw rin namin kay Julie Anne ang isyung lumabas noon na pagkatapos maipalabas ang pelikula nila ni Elmo na Just One Summer ay nagbitaw raw siya ng salita na ayaw na niyang umarte at mas gusto niyang kumanta na lang at mag-aral. “Wala po akong sinabi na ayokong mag-act,” tanggi niya. “Like ako, ang focus ko pong talaga is singing. Kumbaga, yun po talaga ang forte ko. “Parang ako, acting for me is just a bonus. “I’m just a singer who can act. I’m not saying na actress ako. “Siyempre, marami pa po akong dapat matutunan sa field ng acting. “At saka, ano po, ayun, hindi ko naman po sinabi. “Siyempre, kung ano po ang ibigay ng network sa akin, tatanggapin ko po.” Isang malaking hamon daw para kay Julie Anne ang pagbibigay sa kanya ng GMA-7 ng lead role sa Kahit Nasaan Ka Man. Ang talento niya sa pag-awit at pag-arte ang kailangang ipamalas ni Julie Anne sa kauna-unahang primetime series na pagbibidahan niya. Paglalarawan niya sa kanyang role, “Isa po akong bulag dito. Mahilig po akong kumanta at tumugtog ng mga instruments. “Kababata ko po dito si Leandro [Kristoffer Martin]. Akala ko, angel siya na ipinadala ng mommy ko noong mamatay siya.” Hindi raw pa-tweetums ang tambalan nila ni Kristoffer sa kanilang primetime series. Kaya ang sumunod na tanong namin sa kanya: May kissing scene ba sila rito? “Yun agad ang tanong?” natawang sabi ni Julie Anne. “Hindi pa namin alam.Pero ako naman, basta trabaho.” -- Rose Garcia, PEP
Tags: jullieannesanjose
More Videos
Most Popular