Filtered By: Showbiz
Showbiz
Nora Aunor wins fourth international acting award for Thy Womb
Napanalunan ng Superstar na si Nora Aunor ang kanyang ika-apat na international acting award para sa pelikulang Thy Womb. Kinilala siya bilang Best Actress sa 3rd Sakhalin International Film Festival na ginanap sa Russia. Ang director ng Thy Womb na si Brillante Mendoza at ang screenwriter ng pelikula na si Henry Burgos ang dumalo sa Sakhalin Film Fest at tinanggap ang kanyang award. Agad naiparating ni Burgos ang magandang balita ngayong hapon, August 30, ganap na ika-4:15 ng hapon. Agad kumalat ang impormasyon sa mga social media, at ngayo'y panay ang buhos ng mga pagbati kay Ate Guy (Nora's monicker). Ang parangal ay natamo ni Ate Guy isang araw matapos niyang tanggapin ang Best Actress award mula sa local academe-based group na Gawad Tanglaw. Dumalo si Ate Guy sa Gabi ng Parangal na ginanap kagabi, August 29, sa Colegio de San Juan de Letran (Fray Angelico Hall New Gymnasium). Bahagi ng mahabang talumpati ni Ate Guy kagabi ang tungkol sa pelikulang Thy Womb na lubusan niyang ipinagpapasalamat ang pagkakapili sa kanya upang gumanap sa pangunahing papel. Ginampanan ni Nora sa Thy Womb ang karakter ni Shaleha, isang Badjao midwife na hindi magkaanak, at kailangang ipaubaya ang kanyang asawang si Bangas-an (Bembol Roco)—ayon sa tradisyong sinusunod ng kanilang lipi—sa isang babae (Mercila ginampanan ni Lovi Poe) na makapagbibigay sa kanyang asawa ng sariling supling. "Isang taon na po yun, pero patuloy pa rin pong ipinapalabas [ang Thy Womb] sa buong mundo. "Kaya natutuwa po ako," pahayag ni Nora sa kanyang talumpati kagabi. "Isa lang po yung pelikula na nagawa ko [noong isang taon], pero nakaka-inspire po talaga. "Nais kong i-congratulate [sa pagkakataong ito] ang direktor kong si Brillante Mendoza." NORA'S MESSAGE. Agad nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong ika-6 ng gabi si Ate Guy para hingan ng maikling mensahe hinggil sa kanyang pagwagi muli ng international acting award para sa Thy Womb. Ang Best Actress award sa 3rd Sakhalin Film Fest sa Russia ay ang ika-apat na international recognition na napanalunan ng aktres para sa nasabing indie film. Nauna rito ang special award na Bisato d'Oro for Best Actress mula sa independent group of Italian critics sa Venice International Film Fest noong August 2012. Sumunod ay Best Actress plum niya mula sa Asia-Pacific Screen Awards sa Brisbane, Australia noong December 2012. Ang ikatlong Best Actress ay nagmula sa Asian Film Awards sa Hong Kong noong April 2013. "Masayang masaya po ako," sabi ni Ate Guy sa PEP sa telepono. "Sabi ko nga kagabi [sa Gawad Tanglaw awards], isa lang ang ginawa kong pelikula last year... na isang indie film, ang Thy Womb, pero iyon ay patuloy na umiikot at ipinapalabas sa buong mundo. "Nakakataba po ng puso." Muli, inihandog ni Ate Guy ang panibago niyang tagumpay sa kanyang mga taga-suporta na patuloy na nagpapahalaga sa kanyang gawain. "Yan ay para sa mga fans at malalapit na kaibigan, at sa aking pamilya. "Patuloy silang nagbibigay-inspirasyon, para tayo magpatuloy..." sabi rin ni Ate Guy. Sa September 3 naman ay makakatanggap siya ng Best Performance Award mula sa Young Critics Circle para sa Thy Womb. -- William Reyes, PEP
Tags: noraaunor
More Videos
Most Popular