Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joanna Marie Tan admits past relationship with Jake Vargas


“Open na ngayon, dati hindi,” natatawang lahad ni Joanna Marie Tan nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press visit ng kanilang primetime series na Anna KareNina sa Batangas noong July 5.

Ang tinutukoy ni Joanna ay ang naging relasyon niya sa kapwa Kapuso star na si Jake Vargas.

Naitanong kasi ng PEP at iba pang entertainment press na dumalaw sa taping ang naging relasyon nila noon na never naman nilang inamin dati.

Bakit ngayon lang niya ito inamin?

“Tapos na e,” natatawang sabi niya.

“At saka, matagal na po, after pa yun ng First Time.”

Bakit sila nag-break?

“Mahirap po, maraming nagbabantay,” sabi niya.

Kuya Germs

Natawa naman si Joanna nang kumustahin sa kanya si Kuya Germs (German Moreno) at ang relasyon nila bilang ito nga ang tumatayong manager ni Joanna.

“Naging lolo ko na po si Kuya Germs, noong Paroa, okay lang,” natatawa niyang sabi.

Noong sila pa ni Jake, kumusta si Kuya Germs sa relasyon nila?

“Hindi ko po alam, itanong natin kay Jake,” saad niya na natatawa pa rin.

“Pero, kasi po, naggi-guest-guest din naman po ako noon [Master Showman] okay naman po, beso-beso naman po.”

Nasabi niyang maraming nagbabantay kaya sila naghiwalay; paano yun?

“Mahirap po, kasi, may loveteam po sila [Bea Binene], siguro po, minsan may mga pictures.

“Minsan naman, pumunta siya sa bahay namin. E, siyempre, minsan ka lang makita ng mga tao, 'Jake Vargas, Jake Vargas...'

“E, sa lugar namin, sanay na po siya sa amin.

“Bagong mukha, so, dinumog po siya sa amin. Kaya minsan po, bibisita siya sa amin, saglit lang, 'hello, hello...' ganoon po… may ganun na. Pero, sobrang bait po ni Jake.”

Sila ni Bea, kumusta naman sila?

“Okay naman po, civil,” saad niya.

Dugtong pa niya, “Hindi rin naman po kami nagkakasama. Doon lang po, sa First Time. After po no'n, wala na kaming pinagsamahan na trabaho po.”

Beginnings

Kung tutuusin, matagal na ring nag-aartista si Joanna. Nagsimula raw siya nang sumali siya sa Little Miss Philippines. Third runner-up lang daw siya noon at ang nanalo raw noong taon niya ay si Dindin Llanera.

“Nagsimula po ako ro'n, tapos, pa-guest-guest po. Hindi lang po tuluy-tuloy kasi, nag-aaral din po ako.”

Masasabing nagsimula siyang mapansin din nang gumanap siya bilang young Glaiza de Castro o si Eunice sa remake ng Koreanovelang Stairway To Heaven.

Pero, simula noon, kontrabida na talaga ang mga ginagampanan niya.

Ayon naman kay Joanna, “Okay naman po, feeling ko naman, hindi naman po siguro magaling, pero okay naman po, nagagampanan ko naman po ang role ko.

“At saka, basta may trabaho, masaya na ko kesa sa wala.”

Kontrabida

Iba-ibang atake naman daw ang pagiging kontrabida niya tulad na lamang dito sa Anna KareNina.

Kuwento niya, “Feeling ko nga po, sobrang arte na sosyal. E, sa totoong buhay, bakla-bakla lang ako. Kaya one time, parang hindi ko pa alam kung paano titimplahin ang role ko.

“Sabi sa akin ni Direk Gina [Alajar], kanino ka pa ba magmamana? E, di sa Nanay mo, kay Ms. Valerie Concepcion.

“Parang anuhin ko raw po ang kaartehan ni Ms. Val. Kasi, nasanay ako sa very common kontrabida na Filipino.

“Kaya hayun po, happy rin ako kasi, may natutunan pa rin po ako at hindi palaging ganoon na lang.”

Si Joanna si Clara Monteclaro sa serye.

Pero, kung siya ang tatanungin, sino sa tatlong Anna KareNina na sina Krystal Reyes, Barbie Forteza at Joyce Ching ang gusto niyang lumabas na tunay na Anna KareNina Monteclaro nga?

“Naku, ano ba ‘yan, nakakahiya naman po, kung ako talaga? Ako na lang po, naging Anna Clara Monteclaro pala,” natatawang biro pa niya.

So, kung siya ang masusunod, sino nga ang gusto niya?

“Siguro po, si Anna na lang din. Kasi, siya yung pinaka-mabait ang character rito, pinaka-tame.

“Pero, lahat naman po sila, parang deserving na maging Anna KareNina, depende na lang po kung sino ang mamahalin ng tao,” saad niya.

Wants to be bida too

Kontrabida na nga ang pagkakilala sa kanya.

Pero, sa sarili niya, nangangarap din ba siya na maging bida rin balang-araw?

Sabi naman nito, “Siguro po, yung bida-kontrabida. Feeling ko naman po, lahat naman ng artist, gusto yun. Sino po ba ang ayaw maging bida, di ba po?”

Dugtong din niya, “Pero, inaano po nila ko na talagang kontrabida, doon na po ako na-typecast, e.”

Wala sa kanya ang inggit tulad ni Kim Rodriguez na nabigyan na ng pagkakataon na makapag-bida?

“Inggit agad?” balik-tanong niya.

“Happy naman po ako para sa kanila. At saka, pareho po kami ng co-manager. At saka, mabait din po si Kim.” Pep.ph