Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jonalyn Viray temporarily leaves La Diva to concentrate on solo album


Kinumusta ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jonalyn Viray ang kanyang self-titled album mula sa Creative Media Entertainment. Sagot ng Kapuso singer, “Doing good! “Yung carier single kong ‘Nakita Kang Muli,’ ginawang theme song ng Koreanovela na Padam Padam. “And may isa pang theme song dun, yung ‘Get Me Over.’ Ginamit naman siya for My Husband’s Lover… one of the theme songs doon. “So, magkasunod nilang naririnig yung kanta ko sa GMA Primetime.”   LA DIVA. Dahil sa pagiging abala niya sa kanyang solo album, pansamantala munang iiwan ni Jonalyn ang grupong La Diva. Kasama ni Jonalyn sa La Diva sina Aicelle Santos at Maricris Garcia. Sabi ni Jonalyn, “As of now, naging busy ako sa aking solo album, tapos may gagawin din akong solo concert this year… “Parang doon din ang direksiyon. “At least, parang marami akong nagagawa.” Sa Sunday All Stars ay hindi na rin sila magkakasamang mag-perform dahil magkakaiba sila ng teams na kinabibilangan. “Oo, pinaghiwa-hiwalay muna kami for this Sunday show. “Although, hindi kami sinabihan na ganun yung mangyayari sa amin. “Parang pinaghiwa-hiwalay kami, may kanya-kanya kaming team. “So, parang may something na bago na mapanood sa amin kaya ginawa nila yun.” Pero may mga pagkakataon ba na kumakanta pa rin sila as a group? “Oo, meron pa naman… sa mga events sa labas.” Pero mas gusto ba nila na may solo gigs sila? Sabi ni Jonalyn, “Actually ngayon, mas marami yung mga solo gigs namin. “Like ako, naka-focus ako sa pag-promote ng album tsaka sa mga concerts. “Sila naman, meron din silang mga gigs at meron din silang teleserye. So, into acting sila ngayon. “May mga solo-solo kaming ginagawa talaga ngayon.”   FROM SINGING TO ACTING. Si Jonalyn ba ay ayaw subukan ang pag-arte? Aniya, “Na-experience ko na naman yung umarte dati, kasi naging sidekick na ako dati sa soap [I Luv NY, 2006]. “Sa ngayon kasi, nag-e-enjoy na ako sa ginagawa ko. “Ngayon kasi, lahat ng effort ko, binubuhos ko dito sa solo album ko, dito muna ako naka-focus. “Mas masaya kasi sa isang artist na nalalabas mo yung gusto mong gawin. “For me kasi, ang pagkanta yung gustung-gusto ko talagang gawin.” Dagdag ni Jonalyn, “Kaya I’m very happy na magkaroon ng solo album. “Kaya this time, dito ko inuubos yung time ko—to promote my album. “Pero kung dumating ulit yung time na mabibigyan ako ng acting assignments, why not? Okay lang sa akin. “Sabi ko nga, pag may bagong opportunity, i-grab mo lang nang i-grab kasi sayang. “Pero sa ngayon, masayang-masaya talaga ako sa nangyayari sa career ko.”   GOING SOLO. Napag-usapan ba nila ng kanyang management team na magsu-solo muna silang tatlo nina Aicelle at Maricris? Sabi ni Jonalyn, “Nagkaroon kami ng meeting with GMA Artist Center na yun nga yung napag-usapan, na meron kaming gagawin na mga solo-solo.” Ano ang naging reaksiyon ng fans ng La Diva? “Alam naman namin na tanggap din nila. “Kasi, ever since naman, di ba, nung nagsisimula kami, solo-solo talaga kami. “Hanggang sa binuo yung La Diva at pinagsama-sama na kami. “Noon pa lang, may kanya-kanyang supporters na kami. “Tsaka nung nasa grupo kami, may mga solo-solo events pa rin kami. “So, hindi pa rin nawawala yung pagiging solo artist namin. “Kaya ngayon, parang mas dominant yung ginagawa naming solo projects. “Nandiyan pa rin sila [fans], tanggap din nila kami as a solo artist.” May chance ba na magka-album sila ulit bilang grupo? Ayon kay Jonalyn, “Hindi ko rin masasabi sa ngayon. “Kasi nga, right now, meron akong lumabas na solo album. “Hindi ko rin naman alam ang mga plans nila [Aicelle and Maricris], kung gusto din nilang gumawa ng solo album. “Pero hindi ko pa talaga masabi sa ngayon.”   DREAM GUESTS. Nabanggit ni Jonalyn na magkakaroon siya ng solo concert. Sinu-sino ang gusto niyang maging guests? “Siyempre si Ate Reg [Regine Velasquez]... parang lahat naman ng singers dream na makasama siya sa concert.” Sa lalaki? “Sa lalaki, siyempre yung mga senior singers natin. Dream ko mai-guest sina Kuya Ogie [Alcasid], Kuya Janno [Gibbs]… “And muntik ko nang di banggitin si Ate Jaya. “Parang gusto ko rin i guest sina Jay-R at si Aljur [Abrenica]. “Kasi narinig ko si Aljur kumanta, naniniwala din ako na may talent siya sa pagkanta.” Ige-guest din ba niya sina Aicelle at Maricris? “Why not, di ba? Maganda rin yung may numbers kami na magkakasama bilang La Diva.” Ano naman ang reaksiyon ni Jonalyn na pinu-promote siya ni Alden Richards. Malaki ang paniniwala ni Alden na magaling na singer si Jonalyn at kailangan siyang marinig ng lahat. “Talaga! Totoo ba ‘yan?” tila hindi pa makapaniwalang sabi ni Jonalyn. “If totoo nga, nakaka-flatter naman na sa dinami-dami ng singers sa atin, isa ako sa naisip niya, “At saka good friends din kami. “Magkasama nga kami sa iisang team sa Sunday All Stars, under kami kay Ate Jolens. “Kaya kahit papa’no may bonding moments na rin kami at magkaibigan na rin kahit papa’no.” -  John Fontanilla, PEP