Filtered By: Showbiz
Showbiz
Kristine Hermosa sister na si Kathleen, excited sa paglipat sa GMA-7
Hindi itinago ni Kathleen Hermosa ang excitement niya sa paglipat sa GMA-7, na para sa kanya’y bagong simula ng kanyang showbiz career. Ang primetime series na Anna KareNina ang kauna-unahang teleserye ni Kathleen bilang Kapuso. Ngiti ang salubong ng aktres nang kamustahin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press conference ng Anna KareNina last week. Sabi niya, “Mabuti. ‘Eto, facing a new chapter of my life dahil nandito ako. After seventeen years, nandito ako sa GMA. "First ko ito, first ko rin na big project at first ko na nagka-manager—kay Nay Rams [David] po ako.” Bago ito, nag-guest muna si Kathleen sa daytime soap na Cielo de Angelina. Kasama rin siya sa mga pelikulang My Lady Boss at Dance of the Steel Bars. Pero ang Anna KareNina ang unang regular show niya sa Kapuso network. SEVENTEEN YEARS WITH ABS-CBN. Bago naging isang Kapuso ay 17 years ang inilagi ni Kathleen sa ABS-CBN. Kuwento niya, “Nag-umpisa ako sa That’s Entertainment, pero one year lang ako. Siguro po mga eight years old ako noon. "Tapos po nalipat na ako, nag-ABS na ako.” Dalawang taon na raw siyang wala sa Star Magic, ang talent arm ng Kapamilya network. Kuwento pa ni Kathleen, “Dahil nga doon ako lumaki sa kanila, sinusuportahan naman nila ako kapag may raket… yun lang. “But I just need to grow as an actress and, I think, since mahal ko talaga ito, mahal ko ito, ito talaga ang gusto ko, kaya ako nagpapakaseryoso. "Ito na yun!” ANSWERED PRAYER. Ipinagdasal din daw ni Kathleen ang pagiging Kapuso niya ngayon. “I’ve prayed for it… I’ve prayed for it for so long—kung ano ang para sa akin, kung saan talaga ako. “And I think, I got my answer noong dumating si Nay Rams. Si Nay Rams, walang hesitation. “Iyon yung I’m thankful for kasi kailangan ko ng mga taong naniniwala sa akin na mahusay ako. Na mahusay akong artista. "Yun lang, dumating si Nay Rams.” Dumating ba siya sa point na nawalan na siya ng pag-asa o nawalan na siya ng gana? “Opo, may ganoon,” pag-amin ni Kathleen. “Everyone knows naman po. Everyone knows na I’ve been... "Even if you push nang sobra-sobra na paghusayan mo, there will always be some part in your life na, ‘Ay, kapatid ni ganito.’ “Pero ngayon, medyo na-outgrew na siguro ng mga tao, lalo na ngayon, marami nang mga viewers na mga bata na hindi na naabutan—iba na ngayon yung uso. “So, yun, mas nakikilala o I believe na kilala ako bilang Kathleen Hermosa.” KRISTINE HERMOSA’S SISTER. Si Kathleen ang nakatatandang kapatid ng aktres ding si Kristine Hermosa. At sa matagal na panahon, madalas na ang pagpapakilala kay Kathleen ay “kapatid ni Kristine.” Paano niya hinarap ang bagay na ito? “I think, ano po, acceptance,” sagot ni Kathleen. May galit ba sa puso niya noong panahon na yun? “Halu-halo po, e. Siyempre, kung ikaw, pinaghuhusayan mo, pero palagi kang nakukumpara, wala kang pangalan, at kung tawagin ka, 'kapatid.' "Wala kang pangalan… palagi kang nagpapakilala. “Kahit na gaano mo i-build ang confidence mo, wala, e, napu-pull down. “Ako po, I always believe na may sarili ako... hindi man ngayong panahon na ito, during that time… “I was thinking, 'Hindi man ngayong panahon na ito, pero darating din ang time ko.' “May mga times na normal naman yun, ‘What’s happening to my career?’ “You get noticed, pero hindi ka napu-push. Walang nagpu-push sa iyo in terms of media because I don’t have a manager. “Wala, as in ngayon lang po. Ngayon lang po. "I think, this is the bravest in terms of my life… ngayon lang ako umalis sa comfort zone ko.” MAJOR DECISION. Ano naman ang pakiramdam niya ngayon na nakalipat na siya ng network? “Excited ako,” nakangiti niyang sabi. “Kung alam ko lang na ganito, siguro noon pa... "Kung alam ko lang na ang dami mong matututunan... ang dami po talaga. “Kasi, kailangan mong i-embrace, hindi ko puwedeng ikumpara kung ano ang bago ngayon." Kontrabida ang role na ginagampanan ni Kathleen sa Anna KareNina. Sabi niya, “Yun po talaga ang gusto kong tahakin—gusto kong makilala, gusto kong manalo ng award bilang kontrabida. “Sabi ko nga, I think it’s about time. "Nothing is impossible, I believe that. “At kung mahal mo ang ginagawa mo, no complaints.” Mula umpisa hanggang huli raw ang itatakbo ng karakter niya sa soap. “Yun po ang narinig ko, pero sa mga ganitong klase ng ano naman po, hindi ninyo masasabi. “But since I’m here, I really believe that they [GMA-7] take care of their artists well… marunong silang mag-reciprocate.” LOVELIFE. Pagdating naman sa kanyang lovelife, apat na taon na raw ang relasyon ni Kathleen sa boyfriend niyang si Martin Imperial. Wala pa ba silang planong pakasal o nag-propose na ba ang boyfriend niya sa kanya? Sabi ni Kathleen, “Hindi po napag-uusapan ang ganyan… parang ano lang, mutual agreement. “Ayoko po ng masyadong proposal… hindi po ako ganoon.” Bagamat hindi itinanggi ni Kathleen na mayroon na siyang engagement ring, pero wala pa raw silang planong pakasal. Kumusta ang relasyon nila sa loob ng apat na taon? Lahad ni Kathleen, “Wala po kasi sila Mama, nasa Canada sila. Tapos, rare ko na nakikita ang kapatid ko [Kristine]. "Siya [Martin] talaga ang support system ko. “Kung hindi siya, si Nay Rams. Pero si Nay Rams is very busy. “I have friends, pero ang concentration namin is work. "At least, nandiyan si Martin. But of course, he still has something else to do… he has work. "Pero thankful ako kung anuman ang nangyari sa akin, wala man, hindi man kumpleto ang family ko ngayon, at least alam ko na we love each other.” FAMILY IN CANADA. Dahil sa Canada na naka-base ang buong pamilya ni Kathleen, inalok daw siya ng mommy niya na doon na rin manirahan. Pero pinili ni Kathleen na magpatuloy sa pag-aartista dito sa Pilipinas. Kuwento niya, “Sumama rin po ako, nag-stay ako doon as tourist, kasi I’m already an adult. “But I have an option to study. Student visa pero you can be a resident… they are actually funding me. “Siyempre, di ba, yun din ang isa sa natutunan ko? Kapag nag-umpisa ka, bata ka pa, hawak mo na ang pera, yung savings mo, wala. “So, during that time, sila ang may sabi na, 'Punta ka rito.' “And my biggest decision that time was to stay… wala pa akong show noon—but God is good.” Kinamusta rin ng PEP kay Kristine ang kapatid niyang si Kristine Hermosa, pero bigla itong natigilan at nakiusap na huwag na lang muna itong pag-usapan. “Siguro po, bawat family may pinagdadaanan… but we’re okay. “Siguro po, in time,” makahulugang sabi niya. -- Rose Garcia, PEP
Tags: kathleenhermosa, annakarenina
More Videos
Most Popular