Filtered By: Showbiz
Showbiz

Charice says she is a lesbian


Tinapos na ng international singing sensation na si Charice ang mga usap-usapan tungkol sa kanyang sekswalidad.

Ngayon hapon, June 2, ay ipinalabas sa The Buzz ng ABS-CBN ang taped interview ni Boy Abunda kay Charice.

Dito ay maraming isiniwalat ang 21-year-old singer: Siya ay umalis na sa bahay ng kanyang ina, na siya ay tomboy, at siya ay nagkaroon na ng karelasyong babae.

Bukod pa rito ay sinabi rin ni Charice na hindi naman nanganganib ang kanyang career, kahit na nasa gitna siya ng kontrobersiya mula pa noong nakaraang buwan.

Background

Si Charice ay sumikat noong 2007, matapos maging viral ang kanyang mga video sa video-sharing site na YouTube.

Meteoric ang pagsikat ng batang mang-aawit, lalo na’t walang nangyari sa kanyang career matapos maging runner-up lamang sa talent show na Little Big Star ng ABS-CBN noong 2005.

Matapos ang pagkalat ng kanyang YouTube videos ay naimbitihan siya sa ilang appearances sa iba’t ibang bansa, tulad ng Star King sa South Korea at sa talk show ni Ellen DeGeneres.

Ngunit ang pag-guest niya sa show ni Oprah Winfrey ang siya palang mag-aakyat sa kanya sa rurok ng kasikatan, nang magpasya ang kilalang talk show host at philanthropist na i-manage ang career ng Pinay singer.

Dahil dito ay sunud-sunod ang suwerte ni Charice.

Bukod sa naka-duet niya ang mga kilalang singer tulad ni Celine Dion, nagkaroon din siya ng appearances sa ilang TV show (Glee) at pelikula (Here Comes The Boom) sa Hollywood.

Ganun din ang pagsikat niya sa Pilipinas. Naging best-sellers ang kanyang albums at concerts, at naging isa pa siya sa mga singer sa inauguration ni President Noynoy Aquino noong 2010.

Ang pinakahuli niyang proyekto sa Philippine television ay ang pagiging judge/mentor sa The X Factor Philippines ng ABS-CBN noong 2012.

Courting controversy

Sa The X Factor Philippines nagsimulang batuhin ng kontrobersiya si Charice.

Sa show na ito kasi ay napansin ng mga manonood ang kanyang kakaibang outfit at hairstyle, at siya ay naging tampulan ng tukso at usapan sa social networking sites.

Matapos ang show ay tuluy-tuloy pa rin ang panlilibak kay Charice, dahil patuloy pa rin ang pagkalat sa Facebook at Internet ng mga larawan ng mga pagbabagong-anyo niya.

Dito na rin nagsimula ang espekulasyon na nag-iiba na ang katauhan ng singer, dahil nga sa ilang larawan ay ipinapakitang sobrang ikli na ng buhok ni Charice at nagpa-tattoo rin ito.

May nagsasabi ring tomboy na ang singer dahil boyish na nga ang hitsura nito.

May mga larawan ding lumabas kung saan may kasama si Charice na magandang babae. Ang mga ito’y nagpalakas lalo ng usap-usapan tungkol sa sexual preference ng singer.

May mga report din sa tabloid, sa ilang showbiz talk shows, at sa Internet na nagsasabing nagrerebelde na raw ang batang singer. Kaaway raw nito ang kanyang inang si Racquel Pempengco at naglayas daw ito sa kanila.

Sa gitna nito ay ang pag-aalala ng mga fans ni Charice na tinatawag na "Chasters." Inaalala nila na baka talikuran na ni Charice ang kanyang career o di kaya'y baka wala na itong balikang career.

At sa halip na sumagot agad sa kontrobersiya ay pinili ni Charice na manahimik.

Ipinapahayag lamang niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpu-post ng hindi malinaw na pahayag sa kanyang accounts sa Facebook at Twitter.

Pati ang mga pahayag niyang nailalathala sa media ay hindi pa rin malinaw, tulad na lang ng isang panayam na lumabas sa isang broadsheet. Dito ay sinabi lamang ni Charice na "free as a bird” siya sa mga panahong ito.

Family matters

Sa panayam niya sa The Buzz ngayong hapon, ipinaliwanag ni Charice kung bakit pinili niyang maging mailap sa media.

Aniya, nagiging maingat lamang siya dahil natatakot siya sa reaksiyon ng mga tao.

“Parang di ko alam kung ano'ng dapat kong sabihin para maging neutral lang ang maging reaksiyon ng mga tao.

"Kasi ayoko po na bigla na lang ako magsasalita tapos lahat negative.

"Binigyan ko po yung sarili ko ng break na mag-isip kung ano ba yung dapat kong gawin, kung ano ba yung next step na kailangan kong gawin para maging better lahat ng situation,” paliwanag ni Charice.

At ngayong nagdesisyon na si Charice na magsalita ay sunud-sunod na ang kanyang pag-amin.

Una rito ay ang pagkumpirma sa hindi nila pagkakaintindihan ng kanyang ina na si Raquel Pempengco.

Sabi ni Charice, “Opo, nag-away kami ni Mommy.

"Kailangan ko po siyang intindihin kasi kung nasaktan niya man po ako, alam ko pong mas nasaktan siya bilang isang ina.”

Sa ngayon daw ay pinipilit niyang makipagkasundo sa ina.

“Ngayon po, hindi po kami yung magkaaway.

"Kumbaga, nasa stage pa rin po kami kung saan tina-try namin pareho na intindihin yung isa’t isa.

"Pero I have to give her credit na talagang tina-try po niya na intindihin yung sitwasyon, kaya po sinasabi ko po na, opo, nagkaaway po kami, pero normal lang po yun.”

Hindi rin daw siya galit sa ilang taong nagbigay ng panayam laban sa kanya; tulad ng kanyang lola na si Tess Relucio, at si Robert Ybera, na kinikilala niyang ninong.

Tungkol kay Robert, sabi ni Charice, "Ninong ko po siya. Marami po akong nakita na comments niya, na sinabi niya sa media, sa mga tao.

"Pero nirerespeto ko siya. Nirerespeto ko siya as a person. As my ninong.

"Malaki yung utang na loob ko sa kanya, honestly."

Patuloy niya, "Hindi ko alam kung bakit hindi ako galit sa kanya.

"Kahit na isipin ko po na dapat akong magalit dahil sa mga sinabi niya, pero hindi.

"Nag-stay po kami sa bahay niya, mga small things, kasi siya nagturo sa akin mag-drive.

"Basta ang sa akin lang po, kilala niya ako bilang isang tao, at kilala ko po siya.

"At nirerespeto ko siya, malaki ang utang na loob ko sa kanya."

Moving out

Inamin din ni Charice na umalis siya sa tahanan nila ng kanyang ina at kapatid na si Carl.

Ngunit paglilinaw niya, hindi masasabing “paglalayas” ang ginawa niyang ito.

“Hindi ko po alam kung ano'ng sasabihin ko diyan.

"Umalis po ako ng bahay, opo. Pero alam ko po na parang alam din naman ni Mommy noon, na doon din darating sa point na yun.

"Umalis po ako dahil hindi ayoko na doon, umalis ako dahil yun yung kailangan kong gawin.”

Sa ngayon daw ay nakikitira siya sa isang pamilya sa Cabuyao, Laguna.

Sabi ni Charice, “Ngayon po nag-i-stay po ako dito po sa Laguna po, sa Cabuyao.

"Nag-i-stay po ako sa isang pamilya na hindi ko po ini-expect na makikipagsapalaran din.”

Pagpapatuloy niya, “Napakasuwerte ko na may mga ganong tao. Kasi sa sitwasyon ko ngayon, Tito Boy, hindi ko ini-expect yung… ang hirap mag-trust! Ang hirap maghanap ng taong gano'n.

"Pero again, hinayaan ko ang Diyos na bigyan ako ng sign, bigyan ako ng kung sino ang puwedeng tumulong sa akin.

"Nandito sila sa Laguna—sina Mommy Yna, sina Daddy George, sina Kuya Glen.

"Matagal na po kaming magkakakilala, bata pa po ako, e.

"Kaya po noong pagdating ko na sa bahay noong araw na yun, na-feel ko po yung kumportable po talaga ako.”

Sa pagtira sa bagong tahanan ay nararamdaman na raw ni Charice ang kalayaang gawin ang gusto niya.

“Ngayon ko po masasabi na, na pag pumasok ako sa isang bahay, puwede akong humiga, na sabihing ‘Hay, pagod na ako.’

"Puwede ko lahat gawin, puwede akong magbaliw-baliwan, puwede kong ipakita kung sino si Charice sa harap nila, nang walang manghuhusga.”

Tanggap na tanggap daw siya ng bago niyang pamilya. Hiniling din niya sa manonood, sana ay walang mag-isip ng masama sa mga taong ito.

“Sa pangalawang pamilya ko po, yung pasasalamat, parang feeling ko na hindi pa po sapat yun sa mga ginawa nila para sa akin.

"Isang buwan na po ako nandito pero parang years na po akong nag-i-stay rito. Yun po ang pina-feel nila sa akin.

"Gusto ko po sabihin talaga sa harap ng maraming tao na nagpapasalamat po ako sa kanila.

"Sana po, huwag sila mag-isip ng against sa kanila, kasi kung hindi po dahil sa kanila, wala po ako ngayon.

"Siguro po, sobrang depressed ako kaya nagpapasalamat po ako,” pahayag niya.

Career questions

Sinagot din ni Charice ang mga sabi-sabing wala na siyang career. Alam daw niya ang ganitong usap-usapan ngunit tinatawanan niya lang ito.

Sabi niya, “Alam n'yo po yung mga tao nga rito, ang tawag na sa akin 'Moymoy Palaboy.' Parang naging joke na po ‘yan dito noong nalaman nila yun.

"Natawa na rin po ako kasi na-realize ko na ang hirap pala, pag nag-try kang magpakababa, may comment pa rin.

“Yung nakikita nila ako sa labas, gumagala ako, ganyan—ganoon po talaga ako!

"I’d rather do that kesa na maging pasosyal ako na ayokong lumabas o ayokong magpainit...

"Nanonood ako ng liga ng basketball dahil 'yan po ang hilig ko ngayon. Yun po yung gusto kong gawin,” saad niya.

Ngunit sinabi rin ni Charice na may mga nakalinya pa ring projects para sa kanya—dito man o sa abroad.

Aniya, “Sa U.S. po, si Mark Johnston pa rin ang nagha-handle sa akin, wala pong nagbago doon.

"Dito naman po sa Philippines, si Glen Aldueza.

"It’s just very nice to have yung tao na kilala ka, alam kung gusto mo, alam yung ayaw mo.

“Magkakaroon po ako ng recording, magkakaroon po ako... magre-record ako ng isang song na magpi-feature sa isang malaking project.

"Siyempre po mga TV shows na lalabasan ko rin po na hindi pa puwedeng sabihn... kung puwede lang po sasabihin ko.”

Tuloy pa rin daw ang recording ng kanyang third album.

“Siyempre po para naman dito sa mga fans ko sa Philippines, we’re still working on doing my third album in the Philippines, na para lang po sa kanilang lahat,” sabi niya.

The burning question

Sa puntong ito ay itinanong na kay Charice ang gustong malaman ng lahat—ang tungkol sa kanyang sekswalidad.

Unang ipinaliwanag ni Charice ang kakaiba niyang pananamit. Aniya, hindi raw ito pagrerebelde.

Sabi niya, “Lahat po iyon choices na ginusto ko po, na alam ko pong very risky.

"Pero ginawa ko po dahil yun ang gusto ko po.

"Hindi po dahil sa nagrerebelde ako, hindi po dahil sa nasaktan ako ng isang tao or nasaktan ako ng pamilya ko or emotionally depressed ako dahil ginawa ko yun—dahil yun po ang gusto ko,” diin ni Charice.

Nang itanong kay Charice ang isyu tungkol sa kanyang sekswalidad ay hindi muna ito sumagot nang diretso.

“Tito Boy, meron po akong chance na gawin po lahat ng ito internationally... pero pinili ko po rito [sa Pilipinas] dahil malaki po ang utang na loob ko sa mga Pilipino dahil na-feel ko na gusto kong sila yung makaalam kung anuman po ako, kung sinuman po ako…” sabi niya nang may pag-aalinlangan.

Naging definitive naman ang sumunod niyang pahayag.

“Opo, tomboy po ako,” pag-amin ni Charice.

Dagdag niya, “Hindi ko po alam kung ano ang problema nun. Kasi para po sa akin, wala pong problema yun.

"Ngayon, gusto ko pong humingi ng patawad sa mga hindi po nakaintindi, sa mga hindi po ako matatanggap. Sorry po.

"Naiintindihan ko po kayo.

"Pero sa lahat ng makakatanggap, matatanggap po ako, maraming-maraming salamat po.”

Sabi pa ni Charice, magaan na ang kanyang pakiramdam matapos ang pag-aming ito.

“Sa ginagawa kong ito, gusto ko lang na sabihin sa inyo na ang gaan ng pakiramdam ngayon,” sabi ni Charice, na nangingilid na ang luha.

“Na makakalabas ako ng bahay na wala akong itatago, na wala akong masasagasaang tao... dahil wala akong itinatago!”

Gayunpaman, nagpahayag pa rin ng paumanhin ang singer.

“Sorry Mommy, Carl... pero ito ako. Proud ako sa sarili ko.

"Mahal ko ang sarili ko kaya ko po ginagawa ito.

"Sa mga fans ko, alam ko na marami sa inyo na... alam ko marami sa inyo disappointed, alam ko nga ilan sa inyo siguro tatalikuran na ako. Sorry.

"Alam ninyo na sincere akong tao, from the bottom of my heart, I’m sorry.

"Naiintindihan ko,” saad niya.

Nilinaw ni Charice na hindi siya nag-sorry dahil sa kanyang sekswalidad, ngunit dahil sa may mga nasaktan at masasaktan dahil sa kanyang pag-amin.

Aniya, “Alam ko po na nasaktan silang lahat.”

Relationship

Inamin din ni Charice na nagkaroon na siya ng relasyon sa kapwa-babae.

Pahayag niya, “Siyempre po hindi ko naman masasabi kung sino yung mga nakaraan, pero opo naman, na-experience ko na po ‘yan.”

Pinangalanan ni Boy Abunda ang ilang mga babeng naiugnay kay Charice.

Isa na rito ang babaeng may pangalang Chesa, na kasama ni Charice sa ilang larawang kumalat sa Internet.

Ngunit sabi ni Charice, hindi totoong naging karelasyon niya ang babaeng ito.

“Chesa po is like a sister, like a big sister. Hindi po totoo.”

Naging cryptic naman ang sagot ni Charice nang pag-usapan na si Alyssa Quijano, na hinihinalang girlfriend niya ngayon.

May usap-usapan pa ngang nakikipag-live in na raw si Charice sa dating contestant ng The X Factor Philippines.

Lahad ni Charice, “Matagal na po kaming magkakilala. Nagkakilala kami nine years old siya, ten ako.

"Sa mga singing contest po, nagkakalaban kami lagi. And then nagkita po kami uli sa X Factor.

"Pero ang masasabi ko lang po, siya sa buhay ko, she’s an inspiration.

"Isa po siya sa pinagkukunan ko po ng lakas ngayon. She’s a very special person,” saad niya.

Hindi rin diretso ang sagot ni Charice nang tanungin kung mahal niya si Alyssa.

“Sana mabuksan ninyo yung puso ko para makita ninyo yung sagot!”

Tinanong ni Boy ang sagot ng puso ni Charice kung tingnan nila ito.

“Malakas po ang tibok,” ang tanging sabi ni Charice.

Hindi rin niya sinagot ang tanong tungkol sa pagtatanan umano nilang dalawa.

“Tito Boy, ano ha, parang masyado akong binata!”

Ano ang masasabi ni Charice sa mga taong may ayaw kay Alyssa?

“Basta po ang masasabi ko lang, hindi naman nila kilala si Alyssa! They don’t know how amazing she is, pero alam kong naiintindihan niya,” sagot niya.

Final words

Sa huling mga tanong ay makikitang nakahihinga na nang maluwag si Charice, na malayang nakapagsalita tungkol sa relasyon niya sa Diyos, sa kanyang pamilya, at sa kanyang mga fans.

Patuloy pa rin nga raw ang pagtawag niya sa Panginoon.

Saad niya, “Isa rin po 'yan na akala po siguro ng ibang tao kinalimutan ko na, pero hindi po nila alam na halos every day iniisip ko na, 'Bahala na po kayo, Lord.'

"Alam ko naman pong Siya yung nagga-guide sa akin…

"Ang dasal ko po, sana po, eventually po matanggap po ako ng mga tao na gusto kong matanggap ako—meaning yung family ko po.”

Nais niya rin daw na maintindihan siya ng mga taong malapit sa kanya matapos niyang maging totoo.

“Sa mommy ko, kay Carl... sana po mas naging open pa ako, mas naging honest pa po ako.

"Kasi yun po ang pinakaimportante sa relationship ng mga magulang at mga anak na maging open sa isa’t isa—kahit na anong maging reaksiyon ng bawat isa.

"Sa lahat ho ng ibang mga kabataan diyan na ka-age ko, mga tao na pinagdaraanan ito, always be true to yourself.

"Alam natin sa sarili natin kung sino ka, life is too short to play games. Just be free,” sabi niya.

Sa huli ay inimbitahan niya ang kanyang mga fans na suportahan siya.

“Chasters, ito na to! This is it! New chapter.

"Welcome, welcome to my crazy life. Enjoy the ride,” saad ng singer. Pep.ph