
Personal na dumalo ang Superstar na si Nora Aunor sa special telecast ng programang
Walang Tulugan With The Master Showman noong Biyernes ng gabi, May 3. Matatandaang hindi nakasipot si Ate Guy sa 50th showbiz anniversary celebration ni German “Kuya Germs” Moreno sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Hotel noong April 24. Ginawang taped-as-live segment ang episode na ito na ipinalabas noong hatinggabi ng Linggo, May 4, sa GMA-7. Naging emosyunal hanggang sa tuluyang maiyak ang Superstar nang magbigay ng mensahe para kay Kuya Germs. “Naku, baka umiyak ako...” alanganing bungad ni Nora. “Ang gusto ko lang kay Kuya Germs... yung mga taon na pinagsamahan namin, lalo na sa
Superstar show.” Ang tinukoy niya ay ang dating musical-variety show na pinagsamahan nila ni German sa RPN-9, na tumagal ng 22 years sa himpapawid.
MEMORIES. Hindi nakakalimutan ni Ate Guy ang naging malaking tulong ni Kuya Germs sa maraming pagkakataon bilang katuwang na host. Sabi ng aktres, “Naramdaman ko yung pagsuporta niya, lalo kapag may mga problema ako—hindi niya ako pinababayaan sa show namin. “At talagang hindi po siya maaaring magbago sa akin. “Kaya, Kuya Germs, sana po... hindi ninyo man birthday, anibersaryo ninyo po ngayon, ang nais ko lang...” Hindi muna nakapagpatuloy magsalita ni Ate Guy na maya-maya’y tumulo ang luha habang nakatuon ang TV cameras. Aniya, “Ngayon lang ako umiyak sa show. “Sana po, lumawig pa ang inyong buhay, ang inyong health... “Sana ay ingatan ninyong lagi, dahil po hindi natin alam ang panahon natin. “Mas mabuti na po yung nag-iingat… katulad po ng lagi ninyong sabi sa akin, na mag-iingat akong lagi. “Lagi ko pong iniisip iyon, at hindi po nawawala sa isip ko iyon.” Patuloy sa kanyang mensahe si Ate Guy, habang may luhang tumutulo sa mga mata niya, na kaagad niyang pinapawi. “Kuya Germs, alam ng Diyos kung gaano ko po kayo kamahal. “Alam Niya kung ano yung nararamdaman ko para sa iyo. “Hindi ko man masyadong naipapakita sa inyo, pero nasa puso ko lamang po yun… at nasa isipan ko po.”
RESPONSE. “Ney”—ang short term for “Honey”—ang term of endearment sa isa’t isa nina Kuya Germs at Ate Guy. Sabi ni Kuya Germs kay Nora, “Ney, never, never akong nagtamin [ng galit]. “Yung tampo, may tampo na nanghihinayang ako kapag ano… “Yung gusto ko, talagang lalo mo pang maintindihan—yun ang gusto kong… sana huwag nating sayangin. “Sapagkat mahal kita… hindi man tayo nagkatuluyan... “Walang biro, dahil maraming pagsubok, pero nasa kaisipan ko pa rin, na hindi ko pababayaan ang isang Superstar. Okay?” masayang sambit ni Kuya Germs. Muli, may pahabol na mensahe si Ate Guy. “Alam ninyo naman po, Kuya Germs, ang dalawang taong nagkakaunawaan at nagkakaintindihan nang taos sa puso, anuman ang mangyari, kung saan man po tayo naroroon, hindi mawawala kung ano yung inumpisahan natin at kung ano yung pinagsamahan natin.” Sa sinabi ni Ate Guy ay nagbiro uli si Kuya Germs. “Hindi pa huli ang lahat. Tayo na! Bukas pa ang simbahan... “Okay, Guy, I love you...” patapos na mensahe ni Kuya Germs.
HEALTH. Off-cam at matapos ang programa, nakausap naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nora. Naisatinig nito ang saloobin hinggil sa naging pagge-guest at pagpapahayag ng mensahe. Sabi niya, “Naramdaman ko talaga yun… galing sa puso. “Nakita ko kasi si Kuya Germs, naawa naman ako sa kanya. “Parang kailangan na niyang magpahinga sa sobrang trabaho, pero hindi niya magawa. “Marami kasi siyang gustong tulungan. “Ilan ba yung mga batang kasali ngayon sa show niya, more than 70 yata, ano?”
BIRTHDAY WISH. Sa October 4 ngayong taon ay turning 70 years old na si German Moreno. Mauuna namang mag-birthday si Ate Guy, sa May 21, and she’s turning 60 years old. Tinanong ng PEP si Ate Guy kung ano ang special birthday wish niya sa darating niyang kaarawan. “Para sa fans siguro... gusto ko maging masaya ang birthday ko... may konting salu-salo, magkakasama…” Earlier on the show, binigyang pugay ni Kuya Germs ang mga karangalang natamo ng Superstar sa larangan ng showbiz. Kasama rito ang pagwawagi ni Ate Guy ng awards sa loob at labas ng bansa. “Sabi ko nga po, lahat ng mga karangalang tinatanggap ko po ay gusto kong ialay sa lahat ng mga fans. “Dahil kung hindi sa kanila, wala naman ako dito… dahil sila nga po ang pumipila noon sa mga sinehan. “At siguro yung baon nila, kahit magkano na lang ay itinatago pa niya para lang makapanood ng sine at makabili ng mga ni-record ko noong araw. “Kaya ang matindi diyan… ang mga fans.”
INDIE MOVIE. Unang nabanggit ni Nora ang tungkol sa bago niyang indie feature,
Ang Kuwento Ni Mabuti. Ito ay mula sa panulat, musika, editing, at direksiyon ng premyadong film auteur na Mes De Guzman. Kalahok ang pelikula sa unang CineFilipino Independent Film Festival, na gaganapin mula June 26 hanggang July 2. Kuwento ni Nora, “Ginawa po namin ang pelikula sa Nueva Vizcaya. "At sa buong pelikula, Ilocano po ang aking salita. “Medyo mahirap magsalita ng Ilocano, kasi matigas ang salita." Paano nga ba niya nagawa ang pagsasalita ng Ilocano sa pelikula, nag-aral muna ba siya bago mag-shooting? “A, sa set lang namin pinag-aralan yung dialogue. “Meron kaming coach at napakagaling ng dialogue coach namin,” sabi ni Ate Guy. --
William R. Reyes, PEP