Filtered By: Showbiz
Showbiz

Susan Roces, nagsalita tungkol sa isyung 'ampon' ang anak na si Grace Poe


Malaki raw ang pagkakaiba sa pagtakbo ngayon ni Grace Poe-Llamanzares, dating MTRCB Chairperson, para maging senador at sa presidential election noon ng yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Ms. Susan Roces, sinabi niyang wala siyang nakitang pagkakaparehas sa pangangampanya ngayon ng anak niyang si Grace at sa yumaong asawa, Fernando Poe Jr., noong kumakandidato ito sa pagkapresidente.   Kapansin-pansin kasi ang pagiging visible ni Ms. Susan sa pangangampanya ngayon ni Grace, ganundin naman siya sa pagtulong niya sa kandidatura noon ng asawa. Pero ayon sa veteran actress, magkaiba raw ang dalawang nabanggit na mahal niya sa buhay. Paliwanag pa ni Ms. Susan, “Iba ito.  Kasi iba yung presidential campaign.  Hindi naman ako kinailangang lumibot nang ganun (presidential election) na kagaya ng ginagawa ko ngayon.  Limitado ang lugar na pinupuntahan ko. “Isa pa, si Grace anak ko, si FPJ husband ko, so, may pagkakaiba.”   WELL-ROUNDED  UPBRINGING OF GRACE. Sa nabanggit na presscon, marami ang humanga sa ipinamalas na kakayahan sa public speaking ni Grace.  Bagamat malumanay ito, nagpapakita naman ng malawak niyang kaalaman sa papasukang serbisyo. Kaya ang tanong namin kay Ms. Susan, ano ang ginawa niyang pagpapalaki sa anak at naging ganito ito katalino, ka-refined ngayon? Hindi exposed sa showbiz si Grace kahit noon pang kabataan nito, kaya sorpresa ang personality niya sa mga hindi siya nakakasalamuha. Nakangiting sumagot ang Queen of Philippine Movies: “Well, I’d like to give credit to my husband.  We jointly raised her. Alam naman ni Grace kung ano’ng nararapat niyang ikilos according to the occasion. “Ang personality ni Grace well-rounded. Alam n’yo ba na black belter siya? “Yes! Nagta-taekwondo siya.  “Habang lumalaki siya…maliit pa lang si Grace, may sarili na siyang paninindigan. Meron na siyang sariling choice. “Kung sasabihin ko kung ano ang kredito naming mga magulang?  Ang kredito lang naming mga magulang, Ronnie (isa pang tawag kay FPJ) at ako, pinagbigyan namin ang hinihiling niya na alam naming hindi makasasama. “At maliit pa lang siya, ang sabi ko, ‘Sana naman mag-ballet ka.’  Pinagbigyan naman ako ng anak ko. “Pero nakita ko, how awkward she is.  Tapos, noong hiniling naman niya na ‘Mama, gusto kong mag-taekwondo.’  Oo naman ang Papa niya, Oo naman ako. Yun talaga ang mas gusto niya. “So, may mga bagay na hindi ko magawa dahil ang tatay ko, istrikto rin. At bilang doctor, takot na takot na mapilayan kami, masaktan kami, at lahat ‘yan hinayaan kong gawin ng anak ko. “So, natuto siyang magbisikleta. Ako, hindi.  Swimming,  siya, oo.  Ako, hindi.  Taekwondo siya, ako, hindi.” Hindi lang po nag-showbiz si Grace?  Tanong namin kay Ms. Susan. “Ah, oo.  Hindi.  Ang mas gusto ni Grace no’ng maliit siya, maging director.   So, sa eskuwelahan kapag may programa sila, yun ang talagang nagpiprisinta siya na mag-direk.  “Sa lahat naman ng mga activities sa school, ina-attend  namin.  Kahit na extra lang ang labas namin, okey lang kami. Basta, andun kami.”   POLITICIAN IN THE MAKING. Nakita n’yo ba na magiging ganito si Grace na lalahok sa pulitika sa mas malaking scope? “Hindi, hindi ko siya na-picture na ganyan,” nangingiting sagot ng award-winning actress. “Dumating na lang..habang lumalaki siya gusto niya debate.  Ahm, no’ng high school na siya, madalas sumasali siya sa debate.  Marami siyang ipinanalo sa school niya na mga debate.” Ano’ng feeling n’yo na dati, e, asawa ni FPJ ang tawag sa inyo at ngayon naman ay nanay ni Grace Poe? “Ay, naku! Matagal na akong ganyan,” nakangiti pa ring sagot ni Ms. Susan. “Kasi no’ng nag-aaral pa lang si Grace, ang pangalan ko, 'Mama ni Grace Poe'.  Pag pumupunta ako sa eskuwela, ganyan ang tawag nila sa amin.”   "I'M PROUD OF MY DAUGHTER." Pag nakikita niyo po si Grace sa mga sorties, na nagsasalita sa harap ng maraming tao, ano po ang nararamdaman ninyo? Ano po ang nasa isip ninyo? “Siyempre, pag nanonood ako, unang-una yung mga debate sa TV, on edge ako, kinakabahan ako, ano kayang isasagot? Kung ako kaya ang nandiyan… hindi ko yata kaya ang mga ganyan. “Kung minsan malupit yung mga sinasabi nila na, ‘O, ampon ka lang, sino ba ang mga tunay mong magulang?’ “Siyempre, nasasaktan ako. Pero I’m so proud of my daughter.  She’s taking that all in stride.  “Wala siyang ano… hindi siya nagpapapa-apekto sa mga ganyang salita. “Maybe it helped na hindi ko inilihim sa kanya.” Ano po'ng age ni Grace noong sinabi ninyo sa kanya ang katotohanan? “Wala namang age kasi, according to the guide sa mga librong nabasa ko, you allow your daughter to ask the question.  Don’t keep it from her.  Sabihin mo.  According to the language she understands best. “So, school days na siya... ‘Mama, yung classmate ko, sinabi na hindi raw ikaw ang mama ko. Hindi raw Susan Roces ang mama ko.’  “‘Anong sabi mo?’  tanong ko.  ‘Oo, hindi nga Susan Roces ang pangalan ng mama ko.  Mama, hindi nila alam na Jesusa Sonora ang pangalan mo,’” nangingiting kuwento ni Ms. Susan. Marami ang hindi naniniwalang ampon lang si Grace dahil kamukhang-kamukha ito ni Susan at may hawig rin ito kay FPJ. Umayon naman dito ang nangiting Kapamilya actress, “Oo nga.  Oo.  Pati nunal namin.  Pati noo namin.” Seven years old raw si Grace no’ng magsumbong ito tungkol sa panunukso sa kanya ng mga kaklase niya. Kuwento pa ni Ms. Susan, “Oo, nagtatanong-tanong na siya.  Kasi yung mga nagkakantiyaw, yung mga yaya kapag recess. Sila-sila ang mga nag-uusap.” Paano natanggap ni Grace ang tunay niyang status? “Later on, sinabi ko sa kanya, pero ang husband ko ayaw niya na ipasabi.  Hintayin raw na lumaki.” Kung buhay kaya si FPJ papayag siyang pasukin ni Grace ang pulitika? “Ewan ko.  Pero siguro meron na rin siyang inkling kasi political science ang kinuha ni Grace.” Mula sa kursong tinapos ni Grace na Bachelor of Arts in Development Studies sa University of the Philippines, Diliman, kumuha ito ng Political Science course sa Boston, at nagtatag ng Filipino Cultural Club of Boston College. “So, ibig sabihin, political science ang kinuha niya…may balak [magpulitika],” saad niya. “So, talagang nasa puso niya yun,” dugtong pa ni Ms. Susan. --Rey Pumaloy, PEP