Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bea Binene wants to end intrigues between her and Barbie Forteza


Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Bea Binene ay sinabi niyang ayaw muna niyang pansinin ang mga isyu tungkol sa kanya. Malaking tulong daw ang napakaraming taong nakapalibot at nagmamahal sa kanya kaya madaling isantabi ang mga problema. Kaya tanong namin kay Bea ay kung kasama ba sa mga nagmamahal sa kanya si Jake Vargas, na ka-loveteam niya at nababalitang boyfriend niya ngayon. Tumawa lang nang malakas si Bea at saka sinabing, “Opo naman, mahal po ako noon, e.” Anong klaseng pagmamahal? “Kaibigan po,” mabilis niyang sagot.   FOR THE FANS. Marami ang nakakapansing mahirap nang paghiwalayin sina Bea at Jake. Bukod sa madalas silang magkasama sa Party Pilipinas, kitang-kita rin ang closeness nila sa isa’t isa. Ayaw ba ni Bea na subukang humiwalay sa team-up nilang dalawa at pumareha naman sa ibang teen actor ng GMA-7? Tugon niya, “Siguro kasi, kasi ang dami pa ring JaBea fans na nandiyan. Parang hindi pa time para maghiwalay. “Ang GMA-7 po ang makakapag-decide niyan.” Wala bang plano ang GMA-7 na i-partner siya sa iba? “Meron na po, sa Luna, ipinartner [partnered] na ako kay Derrick Monasterio.  “Pero ngayon po, wala pa. Kasi bagu-bago pa lang yung Home Sweet Home, kakaumpisa pa lang noon. “Mag-teamup naman kami ni Jake dito,” banggit ni Bea sa bago nilang show sa Kapuso network. MUTUAL UNDERSTANDING. Bakit nga ba napakalapit nila sa isa’t isa ni Jake? Madalas din silang makitang magka-holding hands sa Party Pilipinas. “Kasi po, three years na rin kaming magkasama, magka-loveteam,” nakangiti niyang sagot. Umamin na si Jake na meron silang mutual understanding ni Bea. Ano ang reaksiyon dito ni Bea? “We’re good friends, yun!” natatawa niyang sagot. “Kasi po, kami ni Jake, dahil matagal na rin yung team-up namin, at ease na kami sa isa’t isa, best friends na kami. “Kumbaga, hindi na kami nagkakailangan, kilala na namin ang isa’t isa.” Paano kung bigla silang i-partner ng network sa iba? “Siyempre po, as much as possible, para sa akin, ayoko po talaga kasi kami ni Jake, kapag eksena na namin, give and take na kami. “Sa taping namin ng Cielo noon, kami ni Jake nagbibigayan kaming dalawa sa eksena. “Kapag may drama akong eksena, pinagbibigyan niya ako… pag may drama naman siyang eksena, pinagbibigyan ko siya. “So, alam na namin ang galaw ng isa’t isa, kabisado na namin ang isa’t isa. “Kaya nga po as much as possible, ayokong maghiwalay kami. "Kasi pag off kami sa taping, bonding kami talaga ni Jake—relax na. “Siyempre, pag may bagong ka-loveteam, maninibago ako, mangangapa uli. “Pero kung yun ang ibibigay ng GMA na magkaroon kami ng bagong loveteam, wala kaming magagawa.”   PARENTS' APPROVAL. Ayaw raw talaga ni Jake na magkahiwalay sila. “E, ayoko rin naman!” mabilis na sabi ni Bea at saka tumawa nang malakas. Ayon din kay Jake, aprubado naman ng mga parents nila na magkatuluyan sila. Sabi ni Bea tungkol dito, “Uhm, okey lang naman po sa mama ko, pero hindi kami magtatago, wala kaming ililihim… basta, alam lahat ni Mama.” Ibig bang sabihin nito hindi na siya puwedeng ligawan ng ibang guys at hindi rin puwedeng manligaw si Jake ng ibang girls? Sagot ni Bea, “Hindi naman, hindi naman. Wala naman pong ganoon. "Hindi naman po na hindi puwede, basta we know our limitations. “At si Mama, okay naman siya… okay naman siya sa akin, kung saan ako masaya for as long as hindi nga ako magtatago.” Puwede na ba siyang ligawan? “Hindi ko sinasabing oo, hindi ko rin sinasabing hindi. Siguro darating na lang po ‘yan. “Basta ako, I know my limits, I know my priority.”   OTHER PARTNERS. Paano kaya kung nalaman ni Bea na may nililigawan na palang iba si Jake habang meron pa silang loveteam? “Ay, sasapakin ko siya!” bulalas ni Bea. Pero bawi niya agad, “Hindi po, biro lang po yun! “Kung saan naman po siya masaya, susuportahan ko siya.” Pero siguradong masasaktan siya? “Hindi naman, maninibago lang siguro. "Ako kasi, nasanay ako na yung atensiyon niya nasa akin, parang ganoon.”   MUSIC ALBUMS. Pareho nang may music album sina Bea at Barbie Forteza, na sinasabing magkaribal sa bakuran ng GMA-7. Sa hiwalay na panayam kay Barbie ay sinabi nitong mas magaling kumanta si Bea kaysa sa kanya. Ano ang reaksiyon dito ni Bea? “Ay, talaga? Naku, thank you naman!” sabay tawa niya. “Kami naman ni Barbie, aminado naman kaming mga non-singers kami—na nabigyan lang ng chance na maging recording artist. “So, happy naman ako.” Anong advice ang ibinigay niya kay Barbie bilang mas nauna siyang naglabas ng album? “Wala naman akong ibinigay na advice kay Barbie… happy ako for her of course. “Sino ba naman kami para magkaroon ng album? Gaya nga ng sinabi ko, hindi naman kami mga singers. “Sa buong Tweens, kami ang laging inaasar dahil hindi kami masyadong nakakakanta pero may album kami. "So very, very happy.” Sabi ni Barbie, mas singer si Bea kaysa sa kanya. Sagot dito ni Bea, “Hindi naman talaga ako singer, nadadaan naman ‘yan sa voice lessons. Kasi po, nagbo-voice lesson po ako ngayon.” Hindi ba niya tanggap na parehas sila ni Barbie dahil meron siyang voice lessons? “Ay, hindi, tanggap ko. Tanggap ko na kaming dalawa ni Barbie na mga non-singers talaga. “Siguro lang, kaya nila sinasabing mas kumakanta ako kasi nasa tono ako. “So ako, every production number [sa Party Pilipinas], every kanta namin, nagbo-voice lesson pa ako every Friday.” Sino ang mas magaling sa kanila ni Barbie pagdating sa kantahan? “Sa mga fans na lang po ninyo itanong ‘yan… sila na ang bahalang magsabi, huwag na lang po ako,” iwas ni Bea. Nag-Platinum ang debut album ni Bea kaya naman may follow-up album project kaagad siya. Balita pa sa amin ni Bea, nasa recording process na raw siya at malamang na bago magpasukan ang release nito sa market. Wala ba siyang balak na mag-concert naman? Sagot niya, “Malakas lang po ang loob kong kumanta nang live sa CR habang naliligo po ako. “So, kapag nag-concert ako, ang concept na gusto ko, yung setting parang CR din po, para malakas yung loob ko.”   NON-ISSUE. Bakit hanggang ngayon ay hindi namamatay ang issue sa kanila ni Barbie, na hindi naman daw talaga sila okay na dalawa? “Naku, hindi ko po alam, dalawang taon na ‘yan!” sabi ni Bea. Ayon kay Barbie, hindi na niya gustong maisyu siya kay Bea. Ganun din daw si Bea. “Ako rin po ayoko rin po. Kasi number one, we’re in the same network. “Number two, ang tagal ng pinagsamahan namin ni Barbie. Ang dami naming shows na nagkasama. “Number three, okay lang na i-isyu kaming dalawa kung meron naman talaga… pero wala po talaga, e.” Nagsasawa na ba siya na lagi silang pinagsasabong na dalawa? “Opo. Kasi po, mula po noong First Time at Dear Friend, ‘yan po ang laging tanong sa akin, kung meron bang issue. Kung meron bang ano?” Naiirita na ba siya, gaya ni Barbie, dahil laging idinidikit ang pangalan nila sa isa’t isa at nalalagyan ng intriga? “Hindi ko po alam kung ano ang napi-feel niya dahil hindi naman pinag-uusapan yung mga ganyang bagay. “Pero po ako, hindi sa naiirita, pero nagsasawa na. At saka hindi naman po totoo. “There’s no reason na bigyan kami ng isyu na dalawa kasi wala naman po talaga,” giit ni Bea. - Rey Pumaloy, PEP  
Tags: beabinene