Filtered By: Showbiz
Showbiz

Janine Tugonon, ipinagtanggol ng kanyang ex-bf sa isyu ng kanilang breakup


Ipinagtanggol ni Jaypee Santos ang kanyang dating nobya na si Miss Universe 2012 first runner-up Janine Tugonon, kaugnay sa pag-amin ng dalaga na hiwalay na sila. Kasabay nito, nilinaw muli ng dating beauty queen, na walang namagitan sa kanila ng lead singer ng bandang 'The Script.' Sa artikulong isinulat ni Joyce Jimenez at lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, sinabing ginawa ni Janine ang paglilinaw tungkol sa kanila ng Irish singer na si Danny O'Donoghue, sa pamamagitan ng isang post nito sa kanyang Twitter account nitong Miyerkules. Nakasaad sa post ni Janine (janine_tugonon) na: “Stop jumping into conclusions.. Nothing's going on!!!” Ang reaksiyon ni Janine ay kaugnay sa pag-amin niya sa programa ni Kris Aquino na hiwalay na sila ni Jaypee dahil nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan. Basahin: 'The Script' vocalist na si Danny O’Donoghue, dahilan nga ba ng breakup nina Janine Tugonon at Jaypee Santos? Nabanggit din ni Janine na kabilang sa kanilang pinag-awayan ni Jaypee ay ang patuloy na komunikasyon niya kay Danny. Hindi naman daw pinipilit ni Jaypee na magkabalikan silang muli ng dalaga, pero aminado siyang sinusuyo niya itong muli. Sa hiwalay na post naman ni Jaypee sa kanyang Twitter account (jaypeesantos7), idinepensa niya si Janine sa mga bumabatikos sa kanyang dating nobya. Nakasaad sa post ni Jaypee na, “please pray for us... stop na taking sides.. i just want this to be okay. thanks po sa inyong lahat :’(” Sa isa pang mensahe ng binata, sinabi nito na:  “Nothing's going on between janine n danny. we're just having a rough time.the reason is Not because of other guy.wag po natin husgahan agad” Dagdag pa niya, “She just needs time.. Time for herself not for another guy.” Kasabay nito, nagpasalamat si Jaypee sa mga sumusuporta sa kanya at kay Janine: “Everything's gonna be okay. happy na ko. :) salamat sa mga naniwala at patuloy na naniniwala.” - FRJ, GMA News