Filtered By: Showbiz
Showbiz
Jaclyn Jose on daughter Andi: 'Balang araw, mababalik din ang dating lambingan namin'
Nagbabalik sa GMA-7 ang award-winning actress na si Jaclyn Jose pagkatapos ng mahigit apat na taon. Kasama siya sa malaking cast ng bagong primetime series na Mundo Mo’y Akin na pinagbibidahan nila Alden Richards at Louise delos Reyes. Bago ito, ang huling teleserye ni Jaclyn sa Kapuso network ay ang Zorro noong 2009 pa. Saad ni Jaclyn, “Nagkasunud-sunod kasi ang mga ginawa ko sa ABS-CBN. Tapos nag-TV5 pa ako, kaya nauunahan parati ang GMA-7. “Pero this time, nauna na sila at maganda ang role ko sa Mundo Mo’y Akin. This time ay yaman-yamanan ang role ko bilang si Doña Charito. “Maganda naman ang working relationship ko with GMA-7. Ginawa ko sa kanila before ang Sana Ay Ikaw Na Nga at Te Amo: Maging Sino Ka Man. “Suki rin ako sa GMA Films. I did The Road, Sundo, You To Me Are Everything, at yung Deathrow. “Kapag puwede naman ako, gagawa ako sa kanila. Hindi naman tayo nakakontrata sa kahit na anong network, e.” Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jaclyn sa press launch ng Mundo Mo’y Akin sa Annabel’s Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City last March 12. DIREK ANDOY. Ikinatutuwa rin ni Jaclyn na ang longtime friend niyang si Randolf “Andoy” Ranay ang direktor ng Mundo Mo’y Akin. Saad ng aktres, “Happy ako dahil si Direk Andoy ang may hawak ng series na ito. “Barkada ko ‘yang si Andoy from way back pa. Noong assistant director pa lang siya ng Mula Sa Puso noong 1999. “First time niya ulit akong ididirek since Prinsesa Ng Banyera in 2007. “Kaya natuwa talaga ako kasi masayang katrabaho ‘yang si Direk Andoy.” WORKING WITH NEW STARS. Looking forward din si Jaclyn na makatrabaho ang mga bagong artista ngayon. Ilang mga baguhan na raw ang kanyang nakatrabaho at marami raw sa kanila ay nakikitaan niyang tatagal sa industriya, samantalang yung iba ay alam niyang panandalian lang ang career sa showbiz. “Nasa attitude kasi ‘yan, e. Depende sa magiging ugali mo at kung paano ka tatanggapin ng maraming tao. “Sa itinagal ko na sa industriyang ito—almost 30 years na rin ako—dumaan din ako sa pagiging baguhan at alam ko ang value ng hardwork. “Hindi dumating sa akin nang madali ang lahat. Pinagtrabahuan ko lahat ng ito. “May ibang mga artista kasi ngayon, masuwerte dahil magaganda’t guwapo sila, matatangkad, modelo ang dating, magaling mag-Ingles—ayun, puwede na silang artista agad-agad. “Pero lahat naman ‘yan mate-test sa husay mo, sa tiyaga mo, at sa pakikisama mo sa iba’t ibang mga tao. “Marami na akong mga artistang nakitang nawala dahil hindi maganda ang pag-uugali lalo pagdating sa trabaho. “Yung mabilis lumaki ang ulo, mabilis yumabang, pero wala pa naman napapatunayan. “’Yan ang sinasabi kong test ng maraming artista ngayon. “Kailangan nilang ma-pass ang pagsubok na ‘yan, lalo ang pakikisama sa iba’t ibang mga tao sa trabaho. “At siyempre, yung pagbibigay-galang sa mga nakakasama mo sa trabaho. “Ako, sa edad ko ngayon, hindi nawawala sa akin ang pagbigay ng respeto sa kahit na sino na katrabaho ko—bata man ‘yan o matanda. “We all deserve respect, di ba?” diin niya. ANDI EIGENMANN. Ang naging sitwasyon nila ng anak niyang si Andi Eigenmann ay inabangan ng maraming tao. Inamin naman ni Jaclyn na hindi pa totally sila maayos ng kanyang anak, pero alam niyang mahal siya at nirerespeto siya nito. Saad niya, “Kaya nga quiet na lang ako kapag tinatanong ako tungkol sa mga nangyayari kay Andi. “Naiintindihan ko rin ang anak ko. May mga bagay talaga na we should all be quiet about. “Yun, kami-kami na lang ang nakakaalam. “Pero bilang ina kasi, hindi mo rin ma-help ang sarili mo. “Gusto mong protektahan ang anak mo. Pero iba ang dating sa kanila. “Hindi mo mapipigilan ang ganyan. May misunderstanding pa rin.” Patuloy ni Jaclyn. “Though hindi kami masyadong nag-uusap muna, kapag tinanong ko naman si Andi regarding sa aking apo na si Ellie, sinasagot naman niya ako nang maayos. “Andi knows na mahal na mahal ko si Ellie at bilang lola nga, lahat gagawin ko sa apo ko. Kahit ako pa ang mag-alaga, okey lang. "Apo ko ‘yan. Lahat ng pagmamahal ay ibubuhos ko diyan. “Kaya kami ni Andi, hindi man perfect ang mother-daughter relationship namin, masasabi ko na okey kami. “Sa lahat naman siguro, walang perfect na relasyon between parents and children. “May mga bagay nga na hindi na kailangan ng mga sali-salita pa. “Nakikita ko naman sa mga actions ni Andi na she respects me bilang mother niya at bilang lola ng kanyang anak. “Balang araw, mababalik din ang dating lambingan namin. “Si Andi kasi, nasa stage na siya na marami na siyang kailangan isipin sa buhay niya. “She’s independent, single parent, at dumaan nga siya sa maraming pagsubok. “I am giving her space. Kapag naayos na niya ang mga kailangan ayusin, siguro makakapag-mother-daughter talk na ulit kami. “Right now, kapag hiningi ko naman si Ellie sa kanya, walang problema. Pinagkakatiwala niya si Ellie sa akin. “In that way, okey kami ng anak ko.” DANNY ZIALCITA. Sa kabila ng kasiyahan ni Jaclyn, nalungkot naman siya nang malaman niyang pumanaw na ang film director na si Danny Zialcita. Isang beses lang daw nakatrabaho ni Jaclyn si Direk Danny. Ito ay sa huling pelikula ni Direk Danny noong 1995, ang Paano Ang Ngayon Kung Wala Ang Kahapon. Natatandaan nga ni Jaclyn ang kakaibang paraan ng pagdirek ni Direk Danny. Pati na ang kilometric dialogue na on-the-spot ay pinapa-memorize sa kanyang mga artista. Kuwento niya, “Nawindang ako kasi ang haba nung ibinigay niyang dialogue sa akin. “Pero sinikap kong ma-memorize iyon kasi unang pagkakataon kong makakatrabaho si Danny Zialcita. Hindi ko alam na una’t huli na pala iyon. “Fan ako ng mga pelikula niya kasi ang gaganda tsaka tumatatak ang mga linya ng mga characters. “Ngayon nga, si Andi [Eigenmann], she’s doing an updated version of Nagalit Ang Buwan Sa Haba Ng Gabi for Viva Films. “When I was working with Direk Danny, wala akong chance na makakuwentuhan siya noon. “He was always by himself kasi iniisip niya ang mga magiging eksena. “Ibang klaseng artist si Direk Danny and I am lucky na kahit one movie lang ay nakatrabaho ko siya. “Nakakalungkot lang dahil another great director ang pumanaw na naman.” Masuwerte nga si Jaclyn dahil ang ibang yumaong mahuhusay na director last year, tulad nila Celso Ad. Castillo at Marilou Diaz-Abaya, ay nakatrabaho rin niya. “Tig-isang movie lang ang nagawa ko with Direk Celso [666] at kay Direk Marilou [May Nagmamahal Sa ‘Yo]. “Kahit papaano ay naramdaman ko ang pagiging artist nila. Iba-iba ang mga style nila talaga. “Nanghinayang lang ako na hindi ko nakatrabaho kahit sa isang movie si Direk Mario O’Hara. “Meron dapat kaming gagawin pero hindi natuloy. Hanggang sa pumanaw na siya, hindi ko na-experience na madirek niya.” -- Ruel J. Mendoza, PEP
Tags: jaclynjose, andieigenmann
More Videos
Most Popular