Filtered By: Showbiz
Showbiz

Reclusive film director Danny Zialcita dies at 73 -- report


Pumanaw na ang batikang direktor na si Danny Zialcita noong Linggo, Marso 10. Kinumpirma ito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pamangkin ni Direktor Danny na si Gino dela Peña, ang model-turned-actor at former Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown castaway. Lagpas isang taon na raw mula nang ma-coma ito, at nung Linggo nga, bandang alas-dose ng tanghali ay binawian na ito ng buhay sa edad na 73. Hindi pa ibinigay ni Gino sa PEP kung saan nakaburol ang kilalang direktor. Pribado raw kasi ang burol at tanging mga kamag-anak at pamilya lang muna ang puwedeng pumunta. ONLY SMART PEOPLE CAN WORK WITH ZIALCITA. Ipinanganak noong November 24, 1939, nagsimula si Direk Danny sa paggawa ng action films noong late 1960s. Nung pumasok ang “bomba” trend at sex comedies nung ‘70s, nakagawa rin siya ng ilang pelikulang may ganitong tema. Pero unti-unti siyang umukit ng pangalan nang magsimulang hangaan at tangkilikin ang mga pelikula niyang tulad ng Ikaw At Ang Gabi (1979); Si Malakas, Si Maganda, At Si Mahinhin (1980); Langis At Tubig (1980); Karma (1981); Dear Heart (1981); Gaano Kadalas Ang Minsan (1982); T-Bird At Ako (1982); at Nagalit Ang Buwan Sa Haba Ng Gabi (1983). Kilala ang mga pelikula ni Direk Danny sa mga mahahabang titulo nito at artikulante’t matatalas na dialogue ng mga character. Komento ng isa sa mga naging artista ni Direk Danny noon na si Mark Gil—nakatrabaho ni Direk Danny sa ilang pelikula niya tulad ng May Daga Sa Labas Ng Lungga (1984), Sugat Sa Dangal (1985), Bakit Manipis Ang Ulap (1985) at Paano Ang Kahapon Kung Wala Na Ang Ngayon (1995)—sa interview nito kay Jerome Gomez para MetroHIM nung 2008: “Bawal ang bobo sa pelikula ni Danny Zialcita!” Kailangan daw kasing maintindihan at maisapuso nang maigi ng mga artista ang dialogue nila sa pelikula ni Zialcita. Kilala rin kasi si Direk Danny na hindi gumagamit ng script kapag nagsu-shooting. Bibigyan lang daw niya ng storylines at sequence guides ang mga artista at kapag may naisipang bagong idea, may tsansa pang baguhin ang dialogue. Kaya nga kailangang matalas din ang utak ng mga nakakatrabaho niya. Para lumabas na natural at may dating ang palitan ng mga dialogue ng mga artista niya sa kanyang pelikula. Ilan sa mga memorable na linya sa local movies ay galing sa kanyang mga pelikula. Katulad ng, “Puwede bang makausap ang asawa ko, na asawa mo, na asawa ng buong bayan?”—Laurice Guillen sa Nagalit Ang Buwan Sa Haba Ng Gabi. O ang palitan nina Vilma Santos at Nora Aunor sa T-Bird At Ako. Nora: “Bakit? Sino ka ba ano ba'ng ipinagmamalaki mo? Katawan lang 'yan! Saan ba galing 'yan sa putik?” Vilma: “Putik nga ako pero kahit ganito ako nagsisimba ako kahit paano. At ang sabi ng nasa Itaas, ang sala sa init sala sa lamig, iniluluwa ng langit, isinusuka ng Diyos!” Dagdag pa ni Mark sa parehong interview: “For him, every dialogue is a song. May intro, may refrain. You don’t go to the refrain right away.” GLAMOROUS AND GLOSSY. Kilala rin ang mga pelikula ni Zialcita sa pagiging glamorosa at “glossy” nito. Sa katunayan, na-coin nga raw ang “glossy films” sa local movie industry nung kasagsagan ng kanyang career bilang direktor, nung sabay-sabay kung gumawa siya ng pelikula nung 1980s. Pagbabalik-tanaw ni Gloria Diaz sa interview rin sa 2008 article ni Gomez:  “He was very sosyal.” Nakatrabaho ni Direk Danny si Gloria sa Nagalit Ang Buwan… at iba pang mga kumita’t hinanggaang pelikula ng direktor. “His films were about the rich because that was his background,” pag-alaala pa ni Gloria tungkol sa kaibigang direktor. Sa mga pelikula ni Zialcita, dumarating ang mga babaeng character sa isang court hearing sakay ng helicopter, laging magagara ang suot ng mga kalalakihang artista. Nagkakilala’t nagkaroon ng romance ang dalawang character matapos ang isang equestrian match sa Manila Polo Club. Lahat ng karangyaang nakita sa mga pelikula ni Direk Danny ay mahusay niyang nailalarawan dahil ito ang kinalakihan niya. Anak ng isang maykayang pamilya si Direk Danny. Nakapag-aral sa Ateneo de Manila bago ipinalipat ng banker na ama niya sa Sophia University sa Japan upang mag-aral ng Business Management. Pero kahit na nag-aaral nga ng kurso sa pagnenegosyo, isinisingit naman ni Danny ang pagmu-moonlight bilang film editor. LIVING IN RECLUSION. Nakatala sa IMDB.com na Bakit Iisa Ang Pag-ibig (1987) ang huling pelikula niya. Ngunit nung 1995, bumalik siyang muli sa pagdidirek nang gawin niya ang Paano Ang Kahapon Kung Wala Na Ang Ngayon?. Hindi ito naging matagumpay sa box-office at nagdesisyon na talaga noon si Direk Danny na huminto na sa showbiz at maging pribadong mamamayan na lang. Hindi siya nagpapa-interview at tanging matatalik na kaibigan lang ang tinatanggap na bisita sa kanyang bahay. Muntik na siyang bumalik sa pagdidirek nung 2008 nung bumalik si Gabby Concepcion sa Pilipinas at kontakin siya ng ama nitong si Rolly Concepcion para gumawa ng comeback film ni Gabby. Hindi natuloy ang proyekto at nanatili sa pagiging recluse si Direk Danny. Hindi rin naging maganda ang naiwang imahe niya sa publiko nung hindi na siya gumagawa ng pelikula. Taong 1990 nang ituro siya noon sa exposé ni dating Senador Ernesto Herrera na sangkot sa pagbebenta ng shabu sa showbiz. Dali-dali rin namang nilinis ng anak ni Direk Danny na si Beth ang pangalan niya nang lumabas ito sa showbiz talk show noon na See True at sabihing hindi pusher ang kanyang ama. “He’s not a pusher. User siya,” sabi ni Beth sa TV.  Pribado na raw na mamamayan ang kanyang ama. Nalulong nga sa droga si Direk Danny mula nang huminto sa paggawa ng pelikula. Isa sa mga itinuturong dahilan ng pagtigil niya sa paggawa ng pelikula ay nang pumanaw ang matalik niyang kaibigan na si Dindo Fernando. Para raw magkapatid ang turingan nina Dindo at Direk Danny. Nang pumanaw si Dindo, nawalan na raw ng gana si Direk Danny sa paggawa ng pelikula. Ilan sa mga pelikula ni Danny na tinampukan ni Dindo ay ang mga sumusunod: Ikaw At Ang Gabi, Si Malakas Si Maganda at Si Mahinhin, Langis at Tubig, Mahinhin vs Mahinhin, T-Bird At Ako, Gaano Kadalas Ang Minsan, Palabra de Honor, at Nagalit ang Buwan Sa Haba ng Gabi. -- Rommel R. Llanes, PEP