Filtered by: Showbiz
Showbiz

Lorna Tolentino, masaya kahit mahirap daw ang mga eksena sa Pahiram Ng Sandali


Kahit mahihirap ang mga eksenang ginagawa ni Lorna Tolentino sa Pahiram Ng Sandali, maganda at maayos pa rin ang dating niya. Naabutan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lorna sa shooting ng pinagbibidahang teleserye sa Santana Road in Valley Golf Subdivision sa Antipolo City nitong Huwebes, January 17. Sa tindi ng mga eksena ni Lorna, kung minsan ay maghapon siyang umiiyak sa taping. Natanong tuloy namin si Lorna kung hindi ba siya nahihirapan na halos lahat ng eksena niya, bilang Janice, ay umiiyak siya. “Para akong magkakaroon ng heart attack tuwing mababasa ko ang script!" natatawang sagot ni Lorna. “Ang dami pang mangyayari, parang walang katapusan, walang kamatayan ang sunud-sunod pang eksena. “Biniro ko na nga si Direk Maryo [de los Reyes] at ang scriptwriter kung puwedeng patayin na ang character ni Janice, pero hindi raw puwede." MORAL LESSONS. Sa palagay ba niya, may aral silang naibibigay sa mga viewers, lalo’t maraming nakakatunggali ang role niya sa serye? Ani Lorna, “Oo naman, at isa na ako sa magsasabi na hindi nila dapat tularan ang mga ginawa ni Janice. “May mga nagsasabi na maraming Janice, maraming Alex [Dingdong Dantes], maraming Phillip [Cristopher de Leon] sa ating society. “Pero ano ang consequences ng mga ginagawa nila sa mga tao sa paligid nila?" TECHNIQUES. Ang ibang artista, bago pa mag-taping ay inom na nang inom ng tubig para hindi sila ma-dehydrate sa kaiiyak at para may lumabas na luha sa mga mata nila. Sabi ni Lorna, “Hindi na, nasanay na ako, umiinom na lang ako ng tubig pagkatapos kong mag-take." Nadadala ba niya ang mga ginagawa niya sa pag-uwi niya sa bahay niya? “Iyong mabibigat na eksena, masakit talaga sa dibdib. “Pero dahil pagod na pagod na ako sa kaiiyak, pagdating sa bahay, after kong magpalit ng damit, magpapahinga na ako hanggang sa makatulog na ako. “Pero puring-puri namin talaga si Direk Maryo, parang hindi lamang drama series sa TV ang ginagawa niya, parang isa nang pelikula." PREVIEW. Tinanong namin si Lorna kung ano pa ang mangyayari sa Pahiram Ng Sandali. Ikinuwento naman niya pero nag-promise kami na hindi namin isusulat para hindi ma-preempt ang mga susunod pang mangyayari sa story. “Basta ang masasabi ko na lang, bakit siya nagpatawad, nagtiis ng lahat ng nangyayari sa kanyang pamilya? Pero bakit siya, hindi mapatawad? “Iyon ang dapat ninyong abangan… kung mapatatawad pa ba si Janice sa isang pahiram ng sandali na ginawa niya?" Napapanood na ngayon ang 8thweek ng Pahiram Ng Sandali, pagkatapos ng Indio, pero ang tine-taping nila, pang-sixth week pa lamang. Tatagal ng 16 weeks ang drama series at kung walang extension, by March ay tapos na sila. NO REGRETS. May kasunod na ba siyang gagawing project sa GMA-7? “Alam kong meron dahil may contract ako sa GMA. Pero siguro, magpapahinga muna ako!" natatawang wika ni Lorna. Dagdag niya, “Nang tanggapin ko itong Pahiram Ng Sandali, at nag-story conference kami, ang alam ko lang, kung ano ang story nito. “Pero iyong mga development ng eksena habang tumatakbo ang story, hindi ko alam na ganito. “But no regrets, kasi maganda ang feedbacks ng mga manonood. “At nagkaroon ako ng chance na makatrabaho sina Dingdong, Max [Collins], Kristoffer [Martin], Alessandra [de Rossi], at Neil Ryan [Sese], na mga magagaling lahat umarte. “At kasama ko pa rito ang mga friends ko—sina Boyet, Sandy [Andolong], Mark [Gil], Isabel [Rivas]. “At gusto ko ring magpasalamat sa lahat ng sumusubaybay sa aming drama series." -- Nora V. Calderon, PEP