Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bong Revilla undergoes acting workshop for GMA-7 series 'Indio'


Bilang panimula sa taong 2013, isang malaking teleserye ang bubuksan ng GMA-7 na pagbibidahan ni Senator Bong Revilla Jr. “Magugulat ka na lang yung pagbukas ng taon ko, papasok naman ang Indio, latest project of GMA-7,” nakangiting sabi ng actor-politician. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Bong sa inihandang Christmas party ng kanyang pamilya para sa media kagabi, December 18. Bago magsimula ang programa, na ginawa sa Annabel's restaurant,  ipinakita muna ni Bong ang teaser ng teleserye sa media. Pero hiniling niyang huwag muna itong kunan dahil sa December 25 pa raw ang opisyal na pagpapalabas nito sa mga sinehan, kasabay ng 2012 Metro Manila Film Festival (MMFF), kung saan kasali ang pelikula niyang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si AKO. “Kayo na ang humusga. Talagang napakalaki, napakaganda nito. "Dito, ibang Bong Revilla ang makikita n’yo,” dagdag na paglalarawan pa ng action star tungkol sa bago niyang TV project. Nabanggit din ni Bong na bago niya simulan ang Indio ay nag-workshop muna siya sa kilalang direktor na si Laurice Guillen. “Sobrang laki [ng project] at talagang nag-workshop pa ako bago [gawin ito]. “I want to improve my craft at gusto kong makita ng ibang tao na ibang Bong Revilla—hindi si Bong Revilla kundi si Indio. Kaya ‘yon ang makikita ninyo.” Not compromised Samantala, siniguro ni Senator Bong na kahit mabigat ang demand ng bago niyang teleserye, hindi maaapektuhan ang trabaho niya bilang senador ng bansa. Aniya, “Sacrifice din naman. “Kahit tingnan ninyo ang track record ko, hindi ako uma-absent. “Yung trabaho doon, ginagawa ko lahat. So, ang nasasakripisyo ko ay yung sarili ko. “Pero happy ako sa ginagawa ko kaya okay lang. “Gusto ko naman makita ako ng mga fans ko, ng mga tagahanga natin na makikita tayo sa telebisyon, mapapanood nila ako nang libre. “First time kong gagawin ito, so masasabi ko na gagawin ko nang tama at maganda.” Family in politics Bukod sa kanyang bagong television project, natutuwa rin si Bong para sa kanyang mga anak—partikular na sina Jolo at Gianna. Sa katunayan, nang tanungin kung ano ang hinihiling niya para sa Pasko, sinabi ng senador, “Para sa sarili ko, wala na. Sobra-sobrang blessing na ang natatanggap ko sa buhay ko. “Siguro it’s more on para sa mga anak ko, si Jolo, kay Lani, sa kapatid kong si Strike, para sa kanila. All the best for them.” Si Jolo ay tatakbo bilang bise gobernador ng lalawigan ng Cavite. Si Lani naman ay tatakbo para sa re-election bilang representative ng Cavite. Re-election din ang habol ni Strike para sa pagka-mayor sa Cavite. Sabi ni Bong, “Kay Jolo, he’s running for vice governor. Nakikita naman natin sa survey, overwhelming siya sa survey. “Basta tuluy-tuloy ang kampanya, huwag maging overconfident. Positibo ang campaign. “Sana ang mga kalaban e huwag mapunta doon sa mga dirty tricks na pamumulitika.” New celebrity in the family Ngayong taon, isa pang anak ni Bong ang pumasok sa mundo ng showbiz. Ito ay si Gianna Revilla na kabilang sa bagong youth-oriented show ng GMA-7 na Teen Gen. “Ninenerbiyos ako!” pabirong komento ni Senator Bong tungkol dito. “Natutuwa ako, I’m happy for my daughter sa bago niyang career.” Bagamat pinayagan na niyang mag-artista ang 17-year-old na anak, pinapaalala pa rin ni Senator Bong na huwag nitong pabayaan ang kanyang pag-aaral. Aniya, “Sabi ko, 'Anak, basta stay focused. ‘Yan ang gusto mo, panindigan mo ‘yan. Wala munang boyfriend-boyfriend.' “Siyempre, ang pinakaimportante sa lahat, e, yung pag-aaral. “Graduating na siya in high school, palipat na siya sa big school. "So, sabi ko, 'Priority pa rin ang pag-aaral, sideline lang ‘yan, you’re still young.'” Dagdag pa ni Senator Bong, “Basta ako, proper guidance lang. “Alam mo naman ang mga magulang, hanggang pangaral lang tayo. “Pagdating naman ng oras, masusunod pa rin ang mga anak mo, e, di ba? “Kaya tayo, ang pangaral, sasabihin natin kung ano ang mabuti at kung ano ang masama at hindi niya dapat gawin.” Sa huli, nang tanungin kung kanino nagmana si Gianna sa pag-arte, tumawa si Senator Bong. Aniya, “Mana sa nanay. Pero kapag napanood ninyo ang Indio, mas mukhang mana sa tatay.” Pep.ph

Tags: bongrevilla