Filtered by: Showbiz
Showbiz

Sherilyn Reyes on her marriage with Chris Tan: 'It’s more than what I have expected'


Tila lutang pa si Sherilyn Reyes nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanyang wedding reception na ginanap sa Marriot Hotel Manila noong December 10. Ang church wedding nina Sherilyn at Chris Tan ay ginanap sa Sanctuario de San Jose, Greenhills, San Juan City. Kitang-kita sa reaksiyon ni Sherilyn, o Shey, ang kagalakan sa mga nangyayari. Masaya niyang sinagot ang tanong kung ano ang nararamdaman niya noong mga sandaling iyon. “Hindi ko alam, hindi ko alam!" bulalas niya. “Siguro, I could say kumpleto na because ito lang ang pinakahihintay namin at parang ito lang ang pinaka inasam-asam namin. “From day one na magkasama kami, nagmamahalan kami." MARRIAGE VOWS. Biglang naalala ni Sherilyn ang naging palitan nila ng vows ni Chris kunsaan marami ang naging emosyunal. “Ang ganda lang ng vow. “Ano lang, parang sinabi ko lang na, yun ang greatest fear ko, e—hindi ang mamatay kung hindi matapos yung magandang buhay. “Huwag mo nang isama yung pinansiyal kasi dumaan na kami sa hirap. “At yung maganda doon, for me, walang reason para maghiwalay. "Although, noong bago, adjustment ng ugali. “Si Chris kasi, nag-mature. Ako, naiwan. "So, I can say na parang mas marami siyang pasensiya sa akin. “Hindi naman tinitiis, pero tinatanggap." Pasaway ba siya? “Hindi. Sinabi ko yun sa vow ko na, ‘Palagi kang nagagalit sa akin, hindi ako nagde-decide for our family.’ “Na, ‘Ni isusuot ko, kailangan ikaw ang magde-decide. Kung kakain, ikaw ang magde-decide.’ “Sabi ko, ‘It’s not because ayokong mag-decide, but gusto kong gawin na…’ "Kung ano ang gusto niya sa maliliit na bagay, yun na lang ang mangyari. “For example, gusto niyang manood ng sine, manood tayo ng sine kahit ayokong manood ng sine. “Kung saan niya gustong kumain, sige. "Kasi, gusto ko, kahit sa maliliit na bagay, yung gusto naman niya ang masusunod. “Kasi, most of the time, in our eleven years, ang nangyayari ay kung ano ang gusto ko, ano ang gusto kong gawin, ano ang gusto kong puntahan. “Lahat, kung ano ang gusto ko. Palagi niyang iniisip kung ano ang gusto ko." Kaya sa kasal nila sa simbahan, si Chris ang nagplano ng lahat at ang gusto naman nito ang nasunod. Dagdag ni Shey, “Kaya lang, sinabi niya nga na kung ano raw ang ine-expect ko. “Pero sabi ko nga, ako naman, wala naman akong ine-expect na grand. Gusto ko lang na mangyari itong araw na ito." Sa seremonya ng kasal nila sa simbahan, iyak nang iyak si Sherilyn. Si Angeline Quinto ang kumanta ng wedding march niyang “Panunumpa." Pero ang ang talagang theme song daw nila ay “Through The Years," na kinanta sa kanya ni Chris sa reception. EXPECTATIONS. Sa lahat ng ginawa ni Chris na sorpresa ng kasal nila, na-meet ba naman ang expectations niya? Sagot ni Sherilyn, “It’s even beyond my expectation. “Hindi naman ako nag-e-expect ng grand, alam mo yun? Ang sabi ko nga, gusto ko lang na makasal kami. “Yun lang ang pinaka inaasam-asam ko. Although kasal na kami sa civil, pero sabi nga niya, 'Iuuwi kita sa tatay ko.' “Parang ganoon yung explanation niya. “It’s more than what I have expected. "In-explain pa niya kung bakit ganoon ang set-up na hindi ko naman naisip." RECEPTION. Sa halip na sa round table nakaupo ang mga bisita, ginawa itong rectangle table. Ipinaliwanag ni Chris kay Shey nang lumaon na bawat isa raw na guest nila noong gabing yun, may malaki o maliit man na naging bahagi sa relasyon nila. Sabi pa ni Sherilyn, “Lahat kasi, surprise sa akin. “Ten months niya itong ginawa na wala akong kaalam-alam. "Initial meeting with the supplier, alam ko. Sabay kaming pipili, ito ang gagawa ng video, sino ang photography. “Kung ano ang mangyayari, ano ang set-up, hindi. “Itong gown na ito [suot niya sa reception], surprise din sa akin ni Cary Santiago. “Ang alam ko lang, yung wedding gown ko. "Actually, surprise na rin sa akin kasi hindi naman yun ang ini-sketch niya. “So, parang kahapon lang ng umaga ko nakita sa picture. “Dumating sa akin, kaninang umaga, madaling-araw." Bakit hindi sinunod ni Cary yung mismong design na napag-usapan nila? “Sabi niya, parang kailangan daw, mas bonggahan kasi ako ang gagamit. “Talagang pinulido niya… sobrang in details… sobrang intricate. “Although, medyo nakaka-stress kasi ang tagal dumating. "Pero noong dumating, napakaganda." THE SAME. Wala namang nakikitang magiging kaibahan pa si Sherilyn sa pagsasama nila ni Chris ngayong kasal na sila sa simbahan. Ayon kay Shey, “I don’t think meron kaibahan. “Parang kung ano naman kami from the very start, until now that we’re together, we’re still the same. “I think it just completes us but it won’t make us... wala, e, walang difference. “Kumbaga, naipakilala niya ako sa tatay niya, naiuwi niya ako—na-seal yung love namin sa Panginoon. “Aside from that, I think the love will just stay the same." PAIOE’S MESSAGE. Hindi naman naiwasan ni Shey na maging emosyunal nang marinig ang naging mensahe ng panganay niyang anak na si Paoie. Si Paoie ay anak ni Shey sa kanyang unang naging asawa. Nagpasalamat si Paoie kay Chris, na halos siyang kinikilala na niyang ama mula nang makasama siya nito. Sabi ng aktres, “Yun naman talaga ang isa sa magandang ginawa ni Chris—itinuring niyang talaga ang anak ko na parang kanya at tinututukan. “Hindi ka magpapasalamat every day na may ginagawa siyang favor para kay Paoie, kung hindi you know that he treats him like his own. “Kung kailangan gumising ng alas-sais ng umaga, wala kang maririnig sa kanya. Kesehodang three hours pa lang ang tulog niya. "Kanya talaga. Hindi yung, ‘Hon, thank you, ha?’ Hindi ganoon." May sinabi si Paioe sa mensahe niya na tipong “abandoned" siya pero nandoon si Chris para sa kanya. Sabi naman ni Shey, “Yes, there are times that life was hard before. “Na-mention ko rin sa vow ko na, kahit na magbenta kami ng kain-kain na mangga, kahit na tumaya kami sa lotto at manalo ulit ng ipopondo sa cheque… lahat yun. “Ganoon kami nag-start, from zero talaga. From financial na hirap. “Mahirap din, kasi everyone was against it—mahirap talaga. “And we could have both given up. Para lang mas maging madali ang buhay, bakit hindi? “Yun ang ibig sabihin ni Paoie, ‘You could have abandoned me.’ O puwede niyang iniwan si Paoie. “Puwede niyang ibinigay sa kabila para mas tahimik ang buhay namin, pero hindi niya ginawa." Gusto na bang magpa-adopt nang legal ni Paoie kay Chris? “Oo, e," tugon ni Shey. “Pero kasi, sinabi namin na siya na ang makipag-usap. "Ngayon, kung ano ang desisyon, wala kaming magagawa. “It’s his right and it doesn’t change anything. "Ke Tan siya o ke whatever his last name is, wala man siyang dugo, anak siya ni Chris." Sabi nga ni Chris, Paoie is his "eldest son." “Yes, he is," sabi ni Shey. “At kapag nakita ninyo rin naman kung paano niya tutukan, grabe talaga." -- Rose Garcia, PEP