Filtered By: Showbiz
Showbiz

Allan Paule, tatakbo bilang konsehal sa Muntinlupa City sa 2013


Tatakbo bilang konsehal sa Muntinlupa City ang aktor na si Allan Paule sa 2013 elections sa ilalim ng Liberal Party. Bakit niya naisipang tumakbo at bakit ngayon lang? Paliwanag ni Allan, “Actually, matagal na nila akong inaawitan na kumandidato, pero sabi ko nga, hindi pa siguro panahon. “Unang-una, financially, e, di ba? "Tapos, experience-wise, parang kulang pa. “Pero dahil sa dami ng... di ba, pinagsamahan natin kay Edu [Manzano] dati, sa mga kaibigan nating pulitiko na kinakampanya natin, kaya medyo sanay na. “Si Edu, tapos si Governor ER Ejercito... kaibigan ko din si Daniel [Fernando].” Ka-batch ni Allan sa pag-aartista si Daniel na vice governor ngayon ng lalawigan ng Bulacan. Kasama rin si Allan sa MMFF entry ni Governor ER Ejercito na El Presidente. Nakausap na ba niya si Governor ER tugkol sa kandidatura niya? Aniya, “Hindi pa, nabanggit ko lang sa kanya, pero wala naman... hindi pa namin masyadong napag-uusapan.” Si Daniel, nakausap na ba niya? “Tinatawagan ko pero text lang muna, e. Sabi ko, baka busy pa.” Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Allan sa meet-the-press ng Partido Liberal sa Max’s restaurant sa Alabang Town Center, kahapon, December 11. Actors in politics Hiningan din ng PEP ng opinyon si Allan sa komento ng iba na hindi dapat tumatakbo sa pulitika ang mga artistang tulad niya. Sabi naman niya, “Alam mo, iyon nga yung nakakalungkot. “Pero, di ba, ang mga artista ang mas lalong nakakaalam ng mga experience ng mga nasa mas nakakababang antas ng buhay dito sa atin sa Pilipinas? “Mas kami yung prone dun sa… sa location namin na squatters’ area... “Sabi nga nila, yung poorest of the poor, nakikita natin, so mas nata-touch namin yung buhay nila. So, iyon. "Pagka meron ka nang posisyon, alam mo yung gagalawan mo... “At alam mo kung sino yung tutulungan mo, mas madali para sa amin.” Platform Sa kanilang partido, ang sektor na nakatoka o naka-assign kay Allan sakaling manalo siya ay ang pangkabuhayan. “Livelihood program and trabaho para sa mga taga-Muntinlupa.” Ang goal daw nila ay mas i-hire sa trabaho ng establishments na nasasakupan ng siyudad ang mga lehitimong residente ng Muntinlupa City. Hindi kaya magalit ang mga hindi taga-Muntinlupa nakatira pero doon na nakahanap ng ikabubuhay? Tugon ni Allan, “Hindi, kasi nasa law ‘yan, e. "Kung gusto nilang magtrabaho dito, tumira sila dito... at least six months. “At least six months, mag-rent sila o kung ano.” Paano yung mga maliliit na trabahador lang? “Hindi. Yung thirty percent naman, nandun yun sa management kung gusto nila—seventy-thirty kasi yun, e. Nasa law." Hindi naman daw sila gagamit ng “kamay na bakal” sa pagpapasunod ng batas na ito. “Hindi, hindi! Seventy percent dapat, lehitimong taga-Muntinlupa. “Yung thirty percent, bahala yung may-ari kung yung mga katiwala niya ay dadalhin niya dito sa kanyang negosyo. “But mas priority kasi yung mga taga-Muntinlupa. "Para yung income ng Muntinlupa, yung revenue ng nagbabayad ng mga taxes, umiikot sa Muntinlupa. “Kasi, pagka halimbawa dito ka nakatira, sa Makati ka nagtatrabaho, dun ka kakain, dun ka bibili, yung tax nun, nandun naiiwan sa Makati. “So nawawala yung revenue. "Kahit ba barya ‘yan, pag pinagsama-sama mo, malaki pa rin ang kalalabasan.” City projects Walang kalabang artista ang 44-year-old na si Allan sa kanyang pagtakbo bilang konsehal ng Muntinlupa. Plano raw niyang kumuha ng crash course na may kinalaman sa pulitika. Sabi ni Allan, “Nung first na nanalo si Ate Vi [Vilma Santos] at pumasok sa pulitika as mayor, forty-four siya.” Naitanong naman namin kay Allan kung may plano ang Partido Liberal, kung sakaling manalo, tungkol sa pagbaha sa siyudad tuwing tag-ulan. “Exactly! Sa amin yun, iyon yung lugar namin. “Kaya nga ang gustong mangyari ni Vice Mayor Gigi [So] is eco-tourism. “Gagawing parang Roxas Boulevard yung lawa, yung lake, idudugtong. “I think pag-uusapan... idudugtong dun sa ano ni Governor ER. “Na yung buong lalawigan ng Laguna, lalagyan yun ng kalye sa gilid, which is mababawasan na yung baha... “Marami pang mabibigyan ng trabaho, maraming mabibigyan ng livelihood program. “At yung isa pang project yata nila, I think, yung housing, para malinis yung tabi ng kalsada. “Hindi sila aalisin doon, pero lalagyan sila ng maayos na bahay, doon mismo. Hindi sila pupunta sa malayo. “Sabi ko nga sa mga tao, nakikita ninyo yung Muntinlupa, pero pumasok kayo sa kasuluk-sulukan ng Muntinlupa. “Yung Alabang lang kasi ang nakikita nila, maganda. Pero pumunta kayo sa ano, baha hanggang ngayon! “Tapos, isa pa yung livelihood program. “Sabi ko nga sa kanila, pumunta kayo sa Biñan, may puto-Biñan. "Pumunta kayo sa Marikina, merong sapatos. "Muntinlupa, ano?" Showbiz commitments Si Allan ay napapanood pa rin sa afternoon drama series ng GMA-7 na Magdalena, na pinagbibidahan ni Bela Padilla. Hanggang kailan si Allan sa Magdalena? “Ang contract ko sa kanila, hanggang January. Per project ang kontrata ko sa GMA,” wika ni Alan. Paano kung bigyan siya ng bagong show na tatama sa kampanya sa eleksyon next year? “Siguro magpapaalam na lang ako na kung puwede, hanggang March. Hanggang March, puwede pa.” So tatalikuran muna niya ang showbiz para sa kampanya? “Forty-five days, oo. Kasi ang alam ko bawal. "Pero hindi pa rin mawawala ang showbiz... “Dahil iyon ang aking bread and butter, and mahal ko ang industriya, so hindi ko puwedeng iwanan basta-basta.” Paano kapag na-extend ang Magdalena? “Hindi... ano, scheduling lang—scheduling. Kaya naman natin ‘yan, e. Kung kaya ng iba, kaya rin natin.” Pep.ph

Tags: allanpaule