Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vic Sotto, nagsalita na tungkol sa pagkawala ni Ai Ai delas Alas sa 'Agimat-Enteng' movie


Hindi raw naapektuhan ang pagkakaibigan nina Vic Sotto at Ai-Ai delas Alas kahit na nga nag-backout ang Comedy Queen sa dapat sana’y pagsasama nilang tatlo ni Senator Bong Revilla sa pelikula para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2012. “Kung ano yung pagkakaibigan namin noon hanggang ngayon… parang mas matibay pa nga e," sabi Bossing Vic. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Bossing Vic sa pocket presscon ng pelikulang pinagbibidahan nila nina Bong at Judy Ann Santos—ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako. Ginanap ang presscon noong Disyembre 3, Lunes, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Ang naturang pelikula ang entry ng Imus Productions, OctoArts Films, M-Zet TV, APT Entertainment, at GMA Films sa MMFF simula sa Disyembre 25. Hindi rin daw sumama ang loob ni Bossing kay Ai-Ai sa kabila ng pagsama nito kina Kris Aquino at Vice Ganda sa Star Cinema entry na Sisterakas. “Mainam kausap si Ai-Ai. Lalaki siyang kausap!" biro ni Bossing Vic. “Hindi, ano siya, gentlelady, kasi gusto niya talagang gawin ito. “Napag-usapan na namin, nakapag-meeting na kami but, unfortunately, may mga technicalities, legalities kaya hindi natuloy. “And in all fairness kay Ai-Ai, lahat ng naging desisyon niya, bago siya sumagot, bago siya nagdesisyon e ikinonsulta niya sa akin, ipinaalam niya sa akin kahit through text o tawag. “Ganun siya kainam kausap. “So, hanggang ngayon, walang bahid ng kung anuman ang aming pagsasamahan." Hindi naman isinasara ni Bossing ang posibilidad na makagawa ulit sila ni Ai-Ai ng proyekto. “Siguro next year magkasama kami ulit kasama si Bong, si Juday. Baka apat na kami. “E, kasi nagtatlo, susunod apat naman, mas maganda. “Hindi naman sa mas lalaban o ano, ang gusto namin ni Senator Bong, basta paganda nang paganda, palaki nang palaki. “Hindi baleng mas lumaki ang gastos basta masisiyahan ang mga manonood, okay na sa akin iyon." WORKING WITH JUDAY AND BONG. Pinalitan ni Judy Ann si Ai-Ai, at kasama ang bagong istorya ay nabuo ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako. First time makasama sa pelikula ni Vic si Juday pero naging madali at maganda raw ang pagtatrabaho nila. “Matagal ko nang kaibigan si Juday. “Katrabaho ko yung asawa niya, si Ryan [Agoncillo]. Every now and then, I can see her. “Pero my first time to work with her, good experience, kasi doon ko nakita yung pagka-versatile niya as an actress. “Puwede sa comedy, puwede sa seryoso, puwede sa drama, puwede sa aksyon. “At yung attitude niya sa trabaho, ang galing, e, dahil walang angal, walang kiyeme, ika nga. “Kahit pagulungin mo sa tanghaling tapat sa disyerto, wala kang maririnig na angal, e. “Pag tinanong mo, ‘Ano, okay ka lang Juday?’ ‘Okay lang.’ Kahit alam mong hindi. “Ganun ka-professional at ganun kainam katrabaho si Juday, so it was a beautiful and happy experience working for the first time with Judy Ann Santos." Tungkol naman sa muli nilang pagsasama ni Bong, mas nag-enjoy at mas kampante na raw sila sa isa’t isa. “Nung kaming nagkatrabaho ni Senator Bong, hindi naman nagtagal yung panahon na naging kampante kami sa isa’t isa. “This time around, swak na swak na yung working habits namin, yung mga kuwentuhan namin. “Yung pagiging magkaibigan namin e mas lalong sumolid." - Glen P. Sibonga, PEP