Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lani Misalucha recalls how she and Regine Velasquez handled their duet in Silver concert


Ayaw nang patulan ng tinaguriang Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha ang ilang naririnig na mga patutsada laban sa kanya. Isa na rito ang diumano’y pagsapaw niya kay Regine Velasquez sa Silver concert nito sa SM Mall of Asia Arena noong November 16. “Gabi naman talaga ‘yon ni Ate [Regine]. Kahit may sakit pa siya, kahit wala na siyang boses, gabi niya yun," ani Lani sa interview niya sa Ang Latest: Uplate ng TV5 nung November 22, Huwebes. “Yun ang kanyang 25th year. Siguro nakaka-depress lang for singers like us na ganun yung nangyari." VIRUS RUINS CONCERT. Matatandaang sa mismong gabi ng concert na yun ni Regine ay dinapuan ito ng isang virus na dahilan para mawalan ito ng boses. Sa kabila nito, pinilit pa rin ng tinaguriang Asia’s Songbird na umawit para sa kanyang audience, kahit halos wala nang lumalabas na boses dito. Sa duet nga nila ni Lani na dapat sana’y isang magandang paligsahan ng dalawang singers na nagtataglay ng magagandang boses, pinilit na lang talagang itawid ni Regine ang pag-awit ng matataas na nota at pagsabay sa ka-duet. Pinalakpakan naman ng mapang-unawa at todo-suportang concert audience ang duet yun nina Regine at Lani. NO COMPETITION BETWEEN FRIENDS. Panigurado ni Lani, na sa repeat concert ng Silver na maaaring maganap sa Disyembre, asahan daw ng fans nila ni Regine na lalo pa nilang pagagandahin ang kanilang duet. Kaya raw wala dapat asahang sapawan sa pagitan nila dahil magkaibigan talaga sila. Aniya, “Alam ng tao kasi na lagi kaming pinagbabangga. “Alam mo yun? Parang they’re always looking forward na, ‘Ah, biritan na ito.’ “Kaya yung mga songs namin, hindi naman talaga. Very mellow nga lang yun, e. Kasi hindi naman yun yung intention and we don’t actually have intentions of biritan or sapawan." Nagbaliktanaw pa nga ito kung paano nga ba dapat ang atake ni Regine sa kanilang duet performance noong Silver concert. “Ang mangyayari kasi, siya yung kukuha ng mas mataas na harmony. Yun yung ni-rehearse namin. “At saka, siyempre, kanta naman niya yun, malalaro niya nang husto. “Pero ang nangyari nga, siya na yung napunta sa…pakiramdaman na lang. “Ang nangyari, ako na lang ang kumuha ng melody at mataas na parts." Kahit na may ibang nang-iintriga, ikinatuwa naman ni Lani ang mga papuri na nakuha mula sa mga naka-appreciate ng pag-alalay niya sa nawalan ng boses na si Regine. Kaya tugon niya sa mga nagpadala ng mga papuri, “Oh, that’s so nice. Thank you." -- Arniel Serato, PEP