Filtered by: Showbiz
Showbiz

Eat Bulaga! dabarkads in London for one night show


Sobrang excited ang Eat Bulaga! dabarkads na nasa London, U.K. ngayon para sa kanilang first ever live show in Europe. Lumipad mula sa Maynila ang grupo ng Eat Bulaga! ng bandang alas-12:00 ng hatinggabi nung Huwebes, November 15. After more than 15 hours of air travel—hindi pa kasama ang layover time sa Dubai—ay dumating na sa London ang EB (inisyal ng Eat Bulaga!) tropa bandang kahapunan na ng Huwebes. At ngayong Sabado na, November 17, 6:00 pm (London time o Linggo nang 2:00 am, Manila time) ang EB Dabarkads in London sa ExCel London ICC Auditorium na matatagpuan sa 1 Western Gateway, Royal Victoria Dock, London. Kasabay naming dumating sa London sina Jose Manalo, Wally Bayola, Allan K, Jimmy Santos, Anjo Yllana, Keempee de Leon, Paolo Ballesteros, Ryan Agoncillo (kasama ang misis na si Judy Ann Santos), Ruby Rodriguez, Pauleen Luna, at ang EB Babes. Nandito na rin si Joey de Leon na nanggaling ng Paris, France, kasama ang maybahay niyang si Eileen Macapagal at ang daughter nilang si Jocas de Leon na nakabase na ngayon sa London dahil sa pag-aaral. FIRST TIME ABSENCE. Unfortunately, hindi kasama rito London ang magkapatid na Vic at Tito Sotto. July pa lang kasi ay busy na si Bossing sa shooting ng kanyang 2012 Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na Si Agimat, Si Enteng at Si Ako. Abala na siya ngayon sa post-production ng kanyang pelikula at hindi niya sigurado kung matatapos nila ito kaagad kaya nag-beg off siya. Si Tito Sen naman ay may session sa Senado. First time ito na hindi kasama si Bossing sa isang international show ng Eat Bulaga!. Nangyari na minsan na wala si Tito Sen sa EB show sa Anaheim, California, nung September 2010 at wala si Joey sa show sa San Francisco, California, nung March 2012, pero never pang nawala si Bossing, until now. Si Julia Clarete ay nung Biyernes dumating dahil naurong ng isang araw ang kanyang flight. Kasabay niya ang manager ni Juday na si Tito Alfie Lorenzo. Si Joey ay makailang beses nang nag-London, pero halos buong dabarkads (maliban kina Allan, Keempee, Julia, at Ryan) ay first time na makarating sa lungsod ng mga Briton, kaya pawang excited sila sa biyaheng ito. THINGS TO DO, PLACES TO SEE. Gustong makita ni Jose ang famous London Bridge at ang mga lugar na pinag-shooting-an ng James Bond films. “Alam mo naman ako, boring akong tao, pero gusto kong makita yung mga famous na lugar dito sa London. Ikut-ikot lang, lakad-lakad. Mabago naman ang paningin at pakiramdam," sabi ng komedyante. Mahilig si Jose sa malalamig na lugar. Nang mag-show nung April 2011 ang EB sa Vancouver, Canada, kahit napakalamig ng panahon ay nagpa-picture siya sa kalsada na walang suot na T-shirt. Susubukan din daw niyang magpa-pictorial nang nakahubad sa London. Magagandang views naman ang gusto ni Wally na pinagpapa-pictorial-an. Gusto niya raw makakita ng James Bond museum o ng Mr. Bean museum kung meron. Type niya rin makita ang mga palasyo sa UK capital. Aminado si Wally na mahina siya sa lamig. Nagnu-nosebleed daw siya kapag masyadong malamig, gaya nung nagpunta siya dati ng Chicago at nagkita sila ng kanyang U.S.-based father. Gusto niyang ma-explore ang London, pero kailangan daw nilang makauwi agad dahil may show sila ni Jose sa Zamboanga sa November 22. Si Paolo ay gustong makita ang Big Ben, London Bridge, at iba pang mga napapanood niya sa TV at movies. Ang prehistoric monument na Stonehenge ang gustung-gusto namang makita ni Ruby. Kaya lang ay mga three hours daw yata ito mula sa Central London. Sa English county na Wiltshire ito matatagpuan. Aniya, sana ay may time sila dahil baka whole day ang kailangang i-devote sa pagpunta roon. May friends and relatives din si Ruby na gustong makita rito. Sabi niya, si Julia ang may alam ng nightlife sa London, kaya sasama lang sila ni Pauleen kay Julia sa rampahan at gimikan. Wish niya ring makita ang paborito niyang Brit singer na si Adele. Si Keempee ay second time na sa London. Pero gusto niya ring makita ang Stonehenge dahil hindi niya pa ito napupuntahan. Sasabit lang daw siya kina Julia at Ruby pagdating sa gimikan. Si Jimmy ay ang Big Ben na “may wallclock sa itaas" ang gustong makita, pati na rin ang London Bridge, at ang aniya pa’y “and the people within the vicinity." Lamigin at mahina ang pulmonya ni Jimmy kaya nagdala siya ng makakapal na jacket to protect him from the cold. Autumn o fall season ngayon sa London, na ang temperature ay nasa 5 to 13˚C (o 41 to 55˚F). Si Pauleen ay gustong kumain nang kumain. Narinig niyang masarap ang fish & chips sa London at yun ang gusto niyang tikman. Pagkatapos niyon ay magpapa-picture siya sa Buckingham Palace at kung saan-saan pa. “Sa London Bridge, para meron ka nang nabi-visualize pag kinakanta mo ang ‘London Bridge is falling down!’ Ha-ha-ha!" tawa ni Pauleen. “Kapag lumalabas ng bansa, palagi tayong naghahanap ng English pub. Ito, authentic na talaga siyang Engish pub! Ha-ha-ha! “Ayoko lang yung lamig. Hindi ako mahilig sa maginaw. At saka hindi ko kaya, super-lamigin ako!" sabi pa ni Poleng (palayaw ni Pauleen). Ang mag-asawang Ryan at Juday ay gustong pumunta sa Abbey Road, na pinasikat ng legendary British band na The Beatles sa kanilang 1969 album na may ganun ding pamagat. Ang iconic album cover ng Abbey Road ay kinunan habang tumatawid ang Beatles sa zebra crossing ng nabanggit na kalye. Second time na nina Mr. and Mrs. Agoncillo sa London pero yung una nilang punta ay four few years ago na para sa isang show. Sa Central London nga ang kanilang hotel pero ilang oras daw yung biyahe papunta sa venue na pinag-show-han nila. Kaya, natatanaw man nila ang famous London landmarks tulad ng Big Ben at London Eye mula sa kanilang hotel room ay hindi raw nila napuntahan ang mga ito at hindi rin sila nakapag-ikot. Si Juday ang special guest sa EB show ngayong Sabado. JUDAY AND RYAN’S “LOVING-LOVING" TIME? Ang sabi niya sa amin nung nakaraang presscon ng MasterChef Pinoy Edition ay looking forward silang mag-London ni Ryan dahil silang dalawa lang ang magkasama. Sa kanilang Korean trip recently with the family ay wala raw silang time para “makapag-loving-loving." Pero dito ay may panahon sila sa isa’t isa. Biro ni Juday, baka may mabuo silang “made in London." May hirit pa siyang type niya ng baby na kapag umuha ay may British accent. “OFF TO SEE EIFFEL TOWER." Atat ding mag-ikot at rumampa sa London ang pitong EB Babes na sina Ann Boleche, Molly Baylon, Ria Duenog, Maricorn Mangampo, Kristel Relloso, Aizel Moneva, at Yosh Rivera. Bentang-benta yung nakakatawang sagot ni Ann (a.k.a. Hopia) kay Joey sa isang episode ng EB kung anong gusto nitong makita pagpunta ng London. Ang buong-ningning na sagot ni Hopia ay “Eiffel Tower!" Dahil doon ay may “challenge" sa kanila si Joey na magpa-picture ang EB Babes sa Eiffel Tower dito sa London at titriplehin daw ang suweldo nila sa Eat Bulaga!. Ang nahihiyang sabi sa amin ni Ann, nabigla lang siya sa tanong kaya yun ang naisagot niya kay Tito Joey. Alam na raw niya ngayon na ang Eiffel Tower ay nasa Paris. Kasama rin sa pagpunta sa London ng tropa ang choreographer at artistic director ng G-Force na si Georcelle Dapat-Sy. Bukod sa pagko-choreograph sa EB Babes ay si Teacher Georcelle ang mag-i-stage direct ng show. First time din ni Georcelle sa London. Ngayon lang siya sumama sa show ng Eat Bulaga! abroad, pero kadalasan ay siya ang nagtuturo ng sayaw at namamahala sa stage direction ng Saturday episodes ng EB. Kahit maraming trabaho si Teacher Geo sa Maynila ay pinayagan siya ng Kapuso network na sumama sa dabarkads sa London. Bago pa kasi siya naging sobrang in-demand, pati na rin ang G-Force ay matagal na siyang kapamilya ng longest-running noontime show in Philippine television. Sa Linggo, November 18 ay may scheduled city tour ang grupo dito sa London. Gabi ng Martes, November 21, ang balik ng dabarkads sa ‘Pinas. Ang EB Dabarkads in London is presented by Hello Philippines and OSN. Ang OSN ang exclusive distributor ng GMA Pinoy TV at GMA Life TV sa Europe. Ang ticket prices para sa show ay £35, £45, £55, £65, Premium £75 and VIP £85. For more information, call Hello Philippines TV Connect – 020 3174 1894 (Hotline) / 07989 403 904 (02) / 07577 813 104 (3) / 07789 793 822 (Vodafone) / 07944 026 968 (T-Mobile) / 07773 715 343 (Orange) / 07553 767 059 (Lebara) 07466 607 348 (Lyca). Puwede ring mag-email sa hptvconnect@hello-philippines.com -- Allan Diones, PEP
Tags: eatbulaga