Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Bernal's primetime series with Aljur Abrenica goes off air after seven weeks


Nalulungkot si Kris Bernal dahil sa nalalapit na pagtatapos ng GMA-7 primetime series nila ni Aljur Abrenica na Coffee Prince. Hanggang November 23 na lang kasi ang Coffee Prince at papalitan na ito ng Pahiram Ng Sandali—ang primetime series na pagbibidahan nina Dingdong Dantes, Max Collins, at Lorna Tolentino. Maraming fans nina Kris at Aljur ang mabibitin dahil noong October 8 lang nagsimulang umere ang show, pero matatapos na ito agad pagkatapos lamang ng pitong linggo. Paliwanag ni Kris sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Noong story conference pa lang, sinabi na nila sa amin na good for seven weeks lang ang story ng Coffee Prince. “Iyon lang daw kasi ang takbo ng story niya at iyon din ang gusto ng mga Korean producers na may-ari ng story ng Coffee Prince. “Hanggang seven weeks lang daw ang pinirmahan na kontrata ng GMA-7 with them at wala raw extension. “Siyempre, gusto namin na ma-extend sana ang Coffee Prince kasi enjoy kaming lahat sa taping. “At pati na ang mga fans namin, enjoy sila sa kuwento ni Arthur at Andy." Sinubukan naman daw ng GMA-7 na humingi ng extension, pero hindi na raw pumayag ang Munhwa Broadcasting Corporation (MBC) sa South Korea. Sabi pa ni Kris, “Nagpaalam naman sila pero very strict daw ang MBC sa mga ganyan. Kapag sinabing no extension, wala talaga. “Kaya in two weeks, malalaman na nila ang magiging ending ng love story nila Arthur at Andy." Ang original Korean series na The 1st Shop of Coffee Prince ay mayroon lamang 17 episodes, na umere mula July 2, 2007 hanggang August 28, 2007. REUNITED. Kahit maikli lamang, naging masaya naman ang pagbabalik-tambalan nina Kris at Aljur. Gusto ni Kris na sa susunod na pagsasama nila ng aktor ay sa isang mas mahabang teleserye na. Sabi niya, “Kahit kaming dalawa ni Aljur, nabitin kami. “Noong ibigay na nila ang script for the last week ng Coffee Prince, nalungkot na kaming lahat. “Tulad ng sinabi ko, ang saya namin sa set. "Kami nina Tita Tessie [Tomas], Tito Leo [Martinez], Tita Ces [Quesada], at Tito Ronnie [Henares]—nakipagbiruan sila sa aming mga bagets sa set. “Naging close na rin ako kina Benjamin [Alves] at Max [Collins]. “Kapag pack-up na kami, lumalabas pa kami para mag-unwind. Tuloy ang kuwentuhan namin after ng taping. “Kaya sana nga, kapag pagsasamahin ulit kami ni Aljur, dun na pang-one season—pang-three months naman. “Nabitin ako, e. Nasanay ako sa mahabaang istorya. “Pero thankful naman ako kasi sa akin ipinagkatiwala ang role na Andy at nagkaroon kami ng reunion ni Aljur." WHAT’S NEXT? Next year na raw ang susunod na drama series ni Kris sa Kapuso network. Magkakaroon din ng sarili niyang serye si Aljur kunsaan makakatambal naman nito si Sarah Lahbati. Sabi Kris, “Hindi ko pa alam ang next series ko pero sinabi na nila na meron for 2013 na. “Si Aljur ang busy. Meron na siya agad with Sarah nga raw. “Tapos, may movie pa siya para sa Metro Manila Film Festival na Sossy Problems. “Tapos may movie pa siya with Kylie na Kuratong Baleleng." May pelikula rin namang natapos si Kris, ang Alyas Ben Tumbling kunsaan leading lady siya rito ni Jerico Estregan, anak ni Laguna Governor ER Ejercito. Ang direktor ng pelikula ay si Joven Tan. Hindi nga lang sinuwerte ang Ben Tumbling na mapili para sa 2012 Metro Manila Film Festival (2012). Ayon kay Kris, “Ang alam ko, they submitted the movie para sa MMFF. Pero hindi ito nakapasa. “Matagal na naming natapos yung movie. May trailer na nga siya sa YouTube, e. “Hindi ko sure kung kelan ito ipapalabas. Hopefully, early next year." LOVELIFE ON-HOLD. Dahil mukhang mapapahinga muna si Kris sa trabaho pagkatapos ng Coffee Prince, magagawa na kaya niyang harapin ang personal life niya? Naka-on-hold kasi ang personal na pakikipag-ugnayan ni Kris sa manliligaw niyang si Carl Guevara dahil mas inuna muna ng young actress ang trabaho. “Huwag naman sana akong mapahinga—magpa-Pasko pa naman!" natatawang sabi ni Kris. “For sure naman may iba akong gagawin na work. “May Party Pilipinas naman ako every Sunday. May mga regional shows pa naman kaming gagawin. “Siguro mga guestings ang gagawin ko habang wala pang bagong series. “Tungkol sa personal life ko, ganun pa rin naman. Mas priority ko pa rin ang work—walang mababago. “Hindi naman nawawala ang communication namin ni Carl. Kumustahan lang sa text. “Maganda ang ganung relationship namin ni Carl bilang friends. “Mas gusto ko namang makilala siya nang husto before maging serious kami. “Kaya tama lang na nangyari ang ganito—friends muna tayo bago mapunta sa ibang bagay." -- Ruel J. Mendoza, PEP