PEP EXCLUSIVE: Halos wala pang tulog si Donald David Geisler III nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) bandang alas-dose ng tanghali, nitong Sabado, Nobyembre 10. Magdamag kasi itong nanatili sa station 5 ng Quezon City Police Station, kung saan sinamahan niya ang nakakulong na kapatid na si Baron Geisler. Nasampahan ng reklamong physical injury, malicious mischief, at child abuse ang kontrobersiyal na aktor sanhi ng pananakit umano nito sa kapitbahay na si Raymond Dela Rosa nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 9. Nagkaayos na raw ang kapatid at si Raymond kaya ayaw nang magbigay ng detalye ni Donnie (palayaw ng kuya ni Baron) tungkol sa nangyari sa loob ng tindahan. Pero kinumpirma niya na may kinalaman nga sa "tinapay" ang away. Hindi rin ito nagdenay na may nangyaring pananakit. Pero, aniya, maging si Baron ay nasaktan. "From where my mom was standing, she knows the story... As he [Baron] was walking out, he [Raymond] hit him with a stick twice. It was not so big..." At ito raw ang naging sanhi "bruise in the arm" ni Baron. Sa bersiyon naman ni Raymond, sinuntok daw siya ng aktor, na kumuha pa umano ng upuan at hinampas sa dingding. Nasaksihan ng mga anak ni Raymond ang pangyayari kaya nagreklamo rin ito ng Child Abuse. Paglilinaw naman ni Donnie, "It was quickly stopped. It was a bad case of misunderstanding."
WHAT HAPPENED OUTSIDE THE STORE. Nang makabalik sa bahay si Baron, may mga kapitbahay daw na sumigaw ng, "Hoy, lumabas ka diyan!" Pagkatapos, "My mom called the barangay because of the commotion. She was not feeling well. "Dumating ang mga barangay tanod, diretso pinakulong..." Sumama naman si Baron dahil sinabihan daw ito ng ina na, "You go." Dugtong ni Donnie, "Then, he was brought straight to the police." Bandang alas otso ng gabi raw ikinulong ang aktor. Pasado alas onse naman nang dumating si Donnie. "He was detained, and nakiusap kami kung puwede na siyang palabasin. We were pleading na rin since the lawyer was out of town. He shouldn’t really be staying there. "But Police wanted the lawyer to appear." Pasado alas diyes na ng umaga nang pakawalan si Baron.
THE AFTERMATH. Gaya ng unang nabanggit, nagkasundo na sina Raymond at Baron sa kondisyon na: "Huwag na lang lumapit sa store" ang aktor. Humingi rin daw ng paumanhin si Baron. At pinag-aaralan rin daw ng abugado kung may violation ba na nangyari sa pagkakakulong ng kanyang kliyente.
WAS HE DRUNK? "I don't want to say anything. I'll let Baron make the statement," ang pahayag ni Donnie. Pero sa pagkakaalam niya, "He missed his meds. He’s depressed because he heard something. 'Tapos ayun, na-provoke. "He wasn't in the right state of mind because of trauma..." Ang tinutukoy ni Donnie ay ang after-effect ng pagkaka-rehab ng kapatid noong January 2011 dahil sa alcoholism. At ayon sa manager ni Baron na si Arnold Vegafria, ongoing pa rin daw ang sessions ng kanyang talent sa isang psychologist lalo pa't may chemical imbalance pa raw si Baron. Ang naturang condition, ayon sa PsychCentral.com, ay nagdudulot ng major depression. Kaya naman, hiniling ni Donnie ang pang-unawa ng publiko. "Hopefully, people will understand what he's going through. "I hope people won't be quick to judge, and that they will be forgiving, and will still support him." --
Karen A. Pagsolingan (with reports from Arniel Serato)/PEP